Ang Aking Cross-Stitch ng Larawan ng mga Buriko
Sandra Jennings, New Mexico, USA
May cross-stitch ako ng larawan ng dalawang buriko na mga isang taon kong ginawa. Halos tapos na ito nang matuklasan kong nagkamali ako sa kulay ng isa sa mga buriko. Yamang posibleng kulay naman iyon para sa balat ng isang kabayo, nalaman ko lang na nagkamali ako nang makita kong hindi tugma ang kulay ng buriko sa kalapit na mga kulay nito sa canvas o tela.
Nanlumo ako. Ginugol ko ang buong oras ko sa pag-cross stitch sa larawan, at kapag naiisip kong tatastasin ko ang lahat ng maling kulay ay nakakapagod na. Naluluha kong binuksan ang basurahan at itinapon ang larawan.
Naupo ako sa tabi ng mesa na pinaglalagyan ng kagamitan ko sa pananahi na nalulungkot sa pagkawala ng aking magandang larawan ng buriko at magpapatuloy naman sana sa iba pang proyekto. Ngunit hindi ko ito magawa—hindi ko basta-basta malilimutan ang proyektong pinaghirapan ko. Binuksan ko ang basurahan at muling kinuha ang tela. May nakita akong buhol sa likod ng masagwang kulay at dahan-dahan itong tinastas. Ibinaligtad ko ang larawan, at sinimulan kong tanggalin ang sinulid.
Minsan madaling magtastas ng sinulid. Minsan naman hindi ganoon kadali. Hindi ako sigurado kung paano ko tatastasin ang ginawa ko. Minsan kailangan kong gupitin nang paisa-isa ang sinulid. Sinabi ng anak ko na hanga siya na gagawin ko ang lahat upang itama ito. Tutal, cross-stitch na larawan lang naman iyon.
Habang tinatastas ko ang mga tahi, naisip ko ang tungkol sa pagsisisi at kung gaano kahirap itama ang ilang mga pagkakamaling nagawa ko. Ang tunay na pagsisisi ay nangangailangan ng matinding hangarin, paggawa, at pagdurusa, ngunit sulit ang lahat ng pagod.
Habang muli kong tinatahi ang buriko, naalala ko na dahil sa pagsisisi ay naaalis ng Pagbabayad-sala ni Jesus ang bakas ng kasalanan sa aking buhay at tinutulungan akong magsimulang muli. Ang aking “mga buriko ng pagsisisi” ay nakasabit sa aking tahanan, isang magiliw na paalala na gawin ang tama, huwag sumuko kapag nagkukulang ako, at alalahanin na sa pamamagitan ng pagsisisi, pupunan ng Pagbabayad-sala ang kakulangan.