Paggunita sa mga Dakilang Tao
J. Reuben Clark Jr.: Isang Taong Hindi Pangkaraniwan ang mga Kaloob
Si Joshua Reuben Clark Jr. ay ipinanganak sa Grantsville, Utah, noong Setyembre 1, 1871. Bagama’t kaunti lamang ang kanyang pormal na edukasyon at hindi siya tumuntong ng hayskul, tinuruan siya ng kanyang ina, at nakahiligan niya ang pag-aaral. Nanguna siya sa kanyang klase nang magtapos siya sa University of Utah sa kursong bachelor of science at nagpatuloy sa pag-aaral ng abugasiya sa Columbia University law school sa New York City.
Pinakasalan ni Brother Clark si Luacine Annetta Savage sa Salt Lake Temple noong 1898, at apat ang kanilang naging anak.
Taglay ang natapos na kurso sa abugasiya at angking talino, si J. Reuben Clark Jr. ay nakilala bilang isang mahusay na mambabatas at tagapaglingkod sa publiko na nagsimula nang matawag siya bilang U.S. ambassador sa Mexico noong 1930. Gayunpaman nahinto si Brother Clark sa propesyong ito nang sang-ayunan siya bilang Pangalawang Tagapayo kay Heber J.Grant sa Unang Panguluhan noong Abril 6, 1933. Bagama’t high priest siya noong panahong iyon, hindi siya isang General Authority. Siya ay inordenan bilang Apostol nang sang-ayunan siya bilang Unang Tagapayo kay Pangulong Grant noong Oktubre 1934. Si Pagulong Clark ay naglingkod bilang tagapayo kina Pangulong George Albert Smith at David O. McKay.
Sa marami niyang kontribusyon sa Simbahan, namumukod doon ang halimbawa ng pagpapakumbabang ipinakita niya nang si David O. McKay ay naging Pangulo ng Simbahan. Tinawag niya si Pangulong Clark bilang kanyang Pangalawang Tagapayo. Dahil si Pangulong Clark ay naglilingkod bilang Unang Tagapayo sa nakaraang mga Unang Panguluhan, inisip ng ilan na tila pagwawalang-halaga ito sa kanya, ngunit ipinaliwanag ni Pangulong Clark: “Sa paglilingkod sa Panginoon, hindi mahalaga kung saan ka naglilingkod kundi kung paano. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ginagampanan ng isang tao ang tungkuling iniatas sa kanya, tungkuling hindi niya dapat hangarin ni tanggihan.”1
Si Pangulong Clark ay namatay noong Oktubre 6, 1961.