2011
Ang Nagpapadalisay na Kapangyarihan ng Getsemani
Abril 2011


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ang Nagpapadalisay na Kapangyarihan ng Getsemani

Si Bruce R. McConkie ay isinilang noong Hulyo 29, 1915, sa Michigan, USA. Siya ay sinang-ayunan sa Unang Kapulungan ng Pitumpu noong Oktubre 6, 1946, at inorden bilang Apostol noong Oktubre 12, 1972. Namatay siya noong Abril 19, 1985, sa Salt Lake City, Utah. Ang mensaheng ito ay ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 6, 1985.

Elder Bruce R. McConkie

Nadarama ko, at tila sumasang-ayon ang Espiritu, na ang pinakamahalagang doktrinang maipapahayag ko, at ang pinakamalakas na patotoong maibibigay ko, ay tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo.

Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang pinakadakilang kaganapang nangyari o mangyayari mula sa simula ng Paglikha hanggang sa lahat ng panahon ng kawalang-hanggan.

Ito ang pinakadakilang gawa ng kabutihan at biyaya na tanging isang diyos lamang ang makagagawa. Sa pamamagitan nito, lahat ng kasunduan at kundisyon ng walang hanggang plano ng kaligtasan ng Ama ay naisagawa.

Sa pamamagitan nito ay naisasakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Sa pamamagitan nito, lahat ng tao ay naliligtas mula sa kamatayan, impiyerno, diyablo, at walang-katapusang pagdurusa.

At sa pamamagitan nito, lahat ng naniniwala at sumusunod sa kamangha-manghang ebanghelyo ng Diyos, lahat ng tunay at tapat at nadaraig ang mundo, lahat ng nagdurusa dahil kay Cristo at sa Kanyang salita, lahat ng inusig at hinampas para sa layunin Niya na lumikha sa atin—lahat ay magiging katulad ng kanilang Lumikha at mauupong katabi Niya sa Kanyang luklukan at maghaharing kasama Niya magpakailanman sa walang-katapusang kaluwalhatian.

Tungkol sa kamangha-manghang mga bagay na ito, gagamitin ko ang sarili kong mga salita, bagama’t maaari ninyong isipin na ito ay mga salita sa banal na kasulatan, mga salitang sinambit ng iba pang mga apostol at propeta.

Totoo na unang ipinahayag ng iba ang mga ito, ngunit akin na ito ngayon, sapagkat ang Banal na Espiritu ng Diyos ay nagpatotoo sa akin na ang mga ito ay totoo, at ngayon ay parang inihayag na sa akin ng Panginoon ang mga ito sa unang pagkakataon. Kaya narinig ko na ang Kanyang tinig at alam ko na ang Kanyang salita.

Sa Halamanan ng Getsemani

Dalawang libong taon na ang nakararaan, sa labas ng mga pader ng Jerusalem, may magandang halamanan doon, na Getsemani ang pangalan, kung saan nakagawiang magpahinga ni Jesus at ng malalapit Niyang kaibigan para magnilay-nilay at manalangin.

Doon itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang mga doktrina ng kaharian, at lahat sila ay nanalangin sa Kanya na Ama nating lahat, na kung kaninong ministeryo ay kanilang isinagawa at kung kaninong utos ay kanilang sinunod.

Sa sagradong lugar na ito, tulad ng Eden kung saan nanahan si Adan, tulad ng Sinai kung saan ibinigay ni Jehova ang Kanyang mga batas, tulad ng Kalbaryo kung saan ipinantubos ng Anak ng Diyos ang Kanyang buhay para sa marami, sa banal na lugar na ito dinala ng walang-kasalanang Anak ng Walang Hanggang Ama sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng lahat ng tao kung sila ay magsisisi.

Hindi natin alam, hindi natin masasabi, walang mortal na isipan ang makakaunawa sa buong kabuluhan ng ginawa ni Cristo sa Getsemani.

Alam nating lumabas ang maraming patak ng dugo mula sa bawat butas ng kanyang balat nang inumin Niya ang mapait na sarong ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama.

Alam nating nagdusa Siya, kapwa sa katawan at espiritu, nang higit kaysa kayang tiisin ng tao, maliban sa kamatayan.

Alam natin na sa paraang hindi natin maunawaan, tinugon ng Kanyang pagdurusa ang mga hinihingi ng katarungan, tinubos ang nagsisising mga kaluluwa mula sa mga pasakit at parusa ng kasalanan, at kinaawaan ang mga naniniwala sa Kanyang banal na pangalan.

Alam natin na napahandusay Siya sa lupa sa sobrang sakit at pagdurusa sa napakabigat na pasaning naging dahilan para Siya manginig at magnais na kung maaari ay hindi Niya lagukin ang mapait na saro.

Alam natin na bumaba ang isang anghel mula sa kalangitan upang palakasin Siya sa Kanyang pagdurusa, at ipinalagay natin na ito ang dakilang si Michael, na unang nahulog upang ang tao ay maging gayon.

At sa ating palagay o paghatol, ang matitinding paghihirap na ito—ang pagdurusang ito na walang katulad—ay nagpatuloy sa loob ng mga tatlo o apat na oras.

Ang Pagdakip, Paglilitis, at Paghampas sa Kanya

Pagkatapos nito—nang hinang-hina at wala nang lakas ang Kanyang katawan—hinarap Niya si Judas at ang iba pang mga taong nagmistulang-diyablo, na ang ilan ay mula sa Sanedrin mismo; at dinakip Siya nang may tali ng lubid sa leeg, tulad ng karaniwang kriminal, upang hatulan ng mga pusakal na kriminal, na mga Judiong nakaupo sa luklukan ni Aaron at mga Romanong ginamit ang kapangyarihan ni Cesar.

Dinala nila Siya kay Anas, kay Caifas, kay Pilato, kay Herodes, at ibinalik kay Pilato. Siya ay pinaratangan, inalipusta, at hinampas. Dumaloy sa Kanyang pisngi ang mabaho nilang laway habang lalong pinahina ng mga suntok ang nananakit Niyang katawan.

Sa kanilang matinding galit ay pinaghahampas nila Siya sa likod. Dumaloy ang dugo sa Kanyang mukha nang tumusok ang koronang tinik sa nanginginig Niyang noo.

At higit sa lahat Siya ay pinaghahampas, nang 39 na ulit, ng latigong maraming hibla na yari sa balat na nilagyan ng matutulis na buto at matatalim na metal.

Marami ang namatay sa paghampas lamang, ngunit natagalan Niya ang paghampas nang sa gayon ay mamatay siya sa isang kadusta-dustang kamatayan sa malupit na krus ng Kalbaryo.

Pagkatapos ay Kanyang pinasan ang sarili Niyang krus hanggang sa bumagsak Siya dahil sa bigat at sakit at tumitinding pagdurusa ng lahat ng ito.

Sa Pagkapako sa Krus

Sa huli, sa burol na tinatawag na Kalbaryo—muli, ito ay nasa labas ng mga pader ng Jerusalem—habang nakatingin ang walang magawang mga disipulo at dama ang sakit ng palapit na kamatayan sa sarili nilang katawan, inilapag Siya ng mga kawal na Romano sa krus.

Gamit ang malalaking maso ibinaon nila ang mga pako sa Kanyang mga paa at kamay at pulso. Tunay ngang Siya ay nasugatan para sa ating mga kasalanan at nabugbog dahil sa ating mga kasamaan.

Pagkatapos ay itinaas ang krus upang makita ng lahat at sila ay mapatunganga at magmura at manlait. Ginawa nila ito, na puno ng kasamaan, sa loob ng tatlong oras mula alas-9:00 n.u. hanggang tanghali.

Pagkatapos ay nagdilim ang kalangitan. Binalot ng kadiliman ang lupain sa loob ng tatlong oras, gayundin ang lupain ng mga Nephita. Nagkaroon ng malakas na unos, na para bang nagdurusa ang mismong Diyos ng kalikasan.

At tunay ngang Siya ay nagdusa, sapagkat habang nakapako Siya sa krus nang tatlong oras pa, mula tanghali hanggang alas-3:00 n.h., lahat ng pinakamatinding pagdurusa at walang-awang pasakit ng Getsemani ay naulit.

At, sa huli, nang matapos na ang mga pagdurusa ng pagbabayad-sala—nang makamit na ang tagumpay, nang maisakatuparan na ng Anak ng Diyos ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay—sinabi Niya, “Naganap na” (Juan 19:30), at nalagot ang Kanyang hininga.

Sa Daigdig ng mga Espiritu

Nang palayain Siya ng kapayapaan at ginhawa ng maawaing kamatayan mula sa mga pasakit at kalungkutan ng mortalidad, pumasok Siya sa paraiso ng Diyos.

Nang ihandog Niya ang Kanyang kaluluwa bilang kabayaran para sa kasalanan, handa na Siyang makita ang Kanyang mga binhi, ayon sa salita ng Mesiyas.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng lahat ng banal na propeta at matatapat na Banal mula pa noong unang panahon; ang mga ito ay lahat ng taong tinaglay sa kanilang sarili ang Kanyang pangalan, at naging mga anak Niya, dahil espirituwal na isinilang sa Kanya, tulad natin; lahat sila ay nagtipon sa daigdig ng mga espiritu, upang makita roon ang Kanyang mukha at marinig ang Kanyang tinig.

Makaraan ang mga 38 o 40 oras—tatlong araw ayon sa oras ng mga Judio—dinala ang ating Panginoon sa libingan ng mga taga-Arimatea, kung saan inilagak nina Nicodemo at Jose na taga-Arimatea ang Kanyang katawan na bahagyang naembalsamuhan.

Ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli

Pagkatapos, sa paraang hindi natin maunawaan, kinuha Niya ang katawang iyan na hindi pa nabubulok at bumangon Siya sa maluwalhating imortalidad na iyon kaya naging katulad Siya ng Kanyang Ama na nabuhay na mag-uli.

Pagkatapos ay tinanggap Niya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa, natamo Niya ang kadakilaan, nagpakita Siya kay Maria Magdalena at sa marami pang iba, at umakyat sa langit, upang doon ay maupo sa kanang kamay ng Diyos Amang Makapangyarihan at maghari magpakailanman sa walang hanggang kaluwalhatian.

Ang pagbangon Niya mula sa kamatayan sa ikatlong araw ang lumubos sa Pagbabayad-sala. Muli, sa paraang hindi natin maunawaan, ang epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala ay napasalahat ng tao upang lahat ay magbangon mula sa libingan.

Si Adan ang naghatid ng kamatayan, kaya’t si Cristo ang nagbalik ng buhay; kung si Adan ang ama ng mortalidad, si Cristo ang ama ng imortalidad.

At kung wala ang dalawa, ang mortalidad at imortalidad, hindi maisasagawa ng tao ang kanyang kaligtasan at hindi siya makakaakyat sa kaitaasan kung saan nananahan ang mga diyos at mga anghel magpakailanman sa walang hanggang kaluwalhatian.

Isang Kaalaman Tungkol sa Pagbabayad-sala

Ngayon, ang Pagbabayad-sala ni Cristo ang pinakamahalaga at pangunahing doktrina ng ebanghelyo, at ito ang pinakamahirap unawain sa lahat ng katotohanang inihayag.

Marami sa atin ang may mababaw na kaalaman at umaasa na pangangalagaan tayo ng Panginoon at ng Kanyang kabutihan sa mga pagsubok at panganib ng buhay.

Ngunit kung tayo ay sasampalatayang tulad nina Enoc at Elijah, kailangan nating paniwalaan ang kanilang pinaniwalaan, malaman ang kanilang nalaman, at mamuhay tulad ng kanilang pamumuhay.

Inaanyayahan ko kayong samahan ako sa pagtatamo ng mabuti at tiyak na kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala.

Dapat nating iwaksi ang mga pilosopiya ng tao at ang karunungan ng matalino at makinig sa Espiritung ibinigay sa atin upang akayin tayo sa lahat ng katotohanan.

Dapat nating saliksikin ang mga banal na kasulatan, na tinatanggap na ito ang kagustuhan at kalooban at tinig ng Panginoon at ang mismong kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.

Habang tayo ay nagbabasa, nagninilay, at nagdarasal, papasok sa ating isipan ang tanawin ng tatlong halamanan ng Diyos—ang Halamanan ng Eden, ang Halamanan ng Getsemani, at ang Halamanan ng Libingang Walang Laman, kung saan nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena.

Ang Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala

Sa Eden makikita natin ang lahat ng bagay na nilikha sa malaparaisong kalagayan—walang kamatayan, walang magsisilang, walang mga pagsubok.

Malalaman natin na sa gayong paglikha, na ngayon ay hindi alam ng tao, ang tanging paraan para bigyang-daan ang Pagkahulog.

Pagkatapos ay makikita natin sina Adan at Eva, ang unang lalaki at unang babae, na bumababa mula sa kanilang imortal at mala-paraisong kaluwalhatian upang maging unang mortal na nilalang sa mundo.

Ang mortalidad, kabilang na ang pagsilang at kamatayan, ay papasok sa mundo. At dahil sa paglabag, magsisimula ang panahon ng pagsubok.

At sa Getsemani makikita natin ang Anak ng Diyos na tutubusin ang tao mula sa temporal at espirituwal na kamatayan na napasaatin dahil sa Pagkahulog.

At sa huli, sa harap ng libingang walang laman, malalaman natin na nakalag na ni Cristo na ating Panginoon ang mga gapos ng kamatayan at walang hanggang nagtatagumpay laban sa libingan.

Sa gayon, Paglikha ang simula ng Pagkahulog; at dahil sa Pagkahulog ay nagkaroon ng mortalidad at kamatayan; at dahil kay Cristo nagkaroon ng imortalidad at buhay na walang hanggan.

Kung hindi nangyari ang Pagkahulog ni Adan, kung saan dumating ang kamatayan, wala sanang Pagbabayad-sala ni Cristo, na naghatid ng buhay.

Ang Kanyang Nagbabayad-salang Dugo

At ngayon, tungkol sa perpektong Pagbabayad-salang ito, na naisakatuparan sa pamamagitan ng pagbuhos ng dugo ng Diyos—pinatototohanan ko na nangyari ito sa Getsemani at sa Golgota, at tungkol kay Jesucristo, pinatototohanan ko na Siya ang Anak ng buhay na Diyos at ipinako para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Siya ang ating Panginoon, ating Diyos, at ating Hari. Alam ko ito, at walang kinalaman ang ibang tao.

Isa ako sa Kanyang mga saksi, at pagdating ng araw dadamahin ko ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa at babasain ng aking mga luha ang Kanyang mga paa.

Ngunit pagdating ng araw na iyon hindi magbabago ang alam ko ngayon na Siya ang Makapangyarihang Anak ng Diyos, na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at na dumarating ang kaligtasan sa at sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang dugo at wala nang iba pang paraan.

Loobin nawa ng Diyos na makalakad tayo sa liwanag, dahil ang ating Diyos Ama ay nasa liwanag, nang sa gayon ay malinis tayo mula sa lahat ng kasalanan, ayon sa mga pangako, ng dugo ni Jesucristo, na Kanyang anak.

Detalye mula sa HUWAG MANGYARI ANG AKING KALOOBAN, KUNDI ANG IYO ni Harry Anderson © Pacific Press Publishing

Detalye mula sa Ang Mapag-alinlangang si Tomas, ni Carl Heinrich Bloch, ginamit nang may pahintulot ng National Historic Museum at Frederiksborg sa Hillerød, Denmark