Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Layunin ng Relief Society
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Nang unang tawagin ang aming panguluhan, binigyan kami ng ilang sanggunian tungkol sa kasaysayan ng Relief Society. Pinag-aralan namin ang mga ito nang may panalangin, sa hangaring malaman ang layunin ng Relief Society at kung ano ang nais ipagawa sa amin ng Panginoon. Nalaman namin na ang layunin ng Relief Society na itinatag ng Panginoon ay magbuo, magturo, at magbigay-inspirasyon sa Kanyang mga anak na babae upang ihanda sila sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.
Upang maisakatuparan ang layuning ito ng Relief Society, inutusan ng Panginoon ang bawat babae at ang buong organisasyon na:
Pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan.
Palakasin ang mga pamilya at tahanan.
Magbigay ginhawa sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon at sa Kanyang mga anak.
Magagampanan lamang natin ang gawaing ito sa paraan ng Panginoon kung tayo ay maghahangad at tatanggap ng personal na paghahayag, at kikilos ayon dito. Kung wala tayong personal na paghahayag, hindi tayo magtatagumpay. Kung susundin natin ang personal na paghahayag, hindi tayo mabibigo. Pinagbilinan tayo ng propetang si Nephi na ipapakita sa atin ng Espiritu Santo ang “lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin” (2 Nephi 32:5). Pumanatag tayo at tumahimik nang sapat para marinig natin ang tinig ng Espiritu.
Mga kapatid, tayo ay may mahalagang papel na gagampanan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos at paghahanda sa pagdating ng Panginoon. Sa katunayan, hindi maisasakatuparan ang gawain ng Panginoon kung wala ang tulong ng Kanyang mga anak na babae. Dahil diyan, inaasahan ng Panginoon na daragdagan natin ang ating handog. Inaasahan Niya na mas tutuparin natin ang layunin ng Relief Society kaysa dati.
Julie B. Beck, Relief Society general president.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Deuteronomio 6:5–7; Lucas 10:30–37; Santiago 1:27; 2 Nephi 25:26; Mosias 3:12–13
Mula sa Ating Kasaysayan
Sa isang pulong ng Relief Society noong Hunyo 9, 1842, itinuro ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan na ang kanilang samahan ay “hindi lamang para bigyang ginhawa ang maralita, kundi para magligtas ng mga kaluluwa.”1 Ang pahayag na ito ng espirituwal at temporal na layunin ay katangian na ng Relief Society sa buong kasaysayan nito. Noong 1906 itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918): “[Ang Relief Society ay] hindi lamang … tumutukoy sa mga pangangailangan ng mahihirap, maysakit at nangangailangan, kundi bahagi pa rin ng tungkulin nito—[at] ang mas malaking bahagi [pa] nito—ay ang pangalagaan ang espirituwal na kapakanan at kaligtasan ng mga ina at anak na babae ng Sion; tiyakin na walang napababayaan, sa halip lahat ay nababantayan laban sa kasawiang-palad, kalamidad, kapangyarihan ng kadiliman, at kasamaan na nagbabanta sa kanila sa mundo.”2 Noong 2001 inulit ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bawat kapatid na babae sa Simbahang ito na gumawa ng mga tipan sa Panginoon ay binigyan ng banal na tagubilin na tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, na akayin ang kababaihan ng daigdig, patatagin ang mga tahanan sa Sion, at itayo ang kaharian ng Diyos.”3