2011
Lagi Siyang Alalahanin
Abril 2011


Na Lagi Siyang Alalahanin

Mula sa mensaheng ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Enero 27, 2009. Para mapakinggan ang mensahe sa Ingles, bisitahin ang web.byui.edu/devotionalsandspeeches/default.aspx.

Kapag lagi nating inaalala ang Tagapagligtas, “malugod [nating magagawa] ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya,” tiwala na papatnubayan tayo ng Kanyang kapangyarihan at pagmamahal sa atin.

Elder D. Todd Christofferson

Ang mga panalangin sa sacrament ay nagpapatunay na isa sa mga pangunahing layunin ng sacrament ayon sa pagkatatag ng Panginoong Jesucristo ay na “lagi [natin] siyang alalahanin” (D at T 20:77, 79). Malinaw na kabilang sa pag-alaala sa Tagapagligtas ang pag-alaala sa Kanyang Pagbabayad-sala, na simbolikong kinakatawan ng tinapay at tubig bilang mga sagisag ng Kanyang pagdurusa at kamatayan. Hindi natin dapat kalimutan kailanman ang ginawa Niya para sa atin, dahil kung hindi sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, mawawalan ng kahulugan ang buhay. Gayunman, sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, nagkaroon ng walang hanggan at banal na mga posibilidad ang ating buhay.

Nais kong idetalye ang tatlong aspeto ng kahulugan ng “lagi siyang alalahanin”: una, paghahangad na malaman at sundin ang Kanyang kalooban; ikalawa, pagkilala at pagtanggap sa obligasyon nating managot kay Cristo sa bawat isipin, sabihin, at gawin natin; at ikatlo, pamumuhay nang may pananampalataya at walang takot na lagi tayong makakaasa sa tulong ng Tagapagligtas na kailangan natin.

1. Hangaring malaman at sundin ang kalooban ni Cristo tulad ng pagsunod Niya sa kalooban ng Ama.

Nangangako tayo sa pagbabasbas ng tinapay sa sacrament na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Anak “at lagi siyang aalalahanin, at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa [atin]” (D at T 20:77). Angkop ding basahin ang tipan na ito bilang “lagi Siyang alalahanin na sundin ang Kanyang mga kautusan.” Ganito Niya laging inaalala ang Ama. Sabi nga Niya, “Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin” (Juan 5:30).

Nakamtan ni Jesus ang ganap na pakikiisa sa Ama sa pamamagitan ng pagpapasakop Niya, kapwa katawan at espiritu, sa kalooban ng Ama. Patungkol sa Kanyang Ama, sinabi ni Jesus, “Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod” (Juan 8:29). Dahil kalooban ng Ama, nagpasakop si Jesus maging sa kamatayan, “ang kalooban ng Anak ay mapasasakop sa kalooban ng Ama” (Mosias 15:7). Ang pagtuon Niya sa Ama ay isa sa mga pangunahing dahilan kaya napakalinaw at napaka-makapangyarihan ng ministeryo ni Jesus.

Sa gayon ding paraan, mailalagay natin si Cristo sa sentro ng ating buhay at magiging kaisa Niya tayo tulad ng pakikiisa Niya sa Ama (tingnan sa Juan 17:20–23). Makapagsisimula tayo sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng bagay sa ating buhay at pagkatapos ay pagsama-samahin itong muli ayon sa tamang prayoridad na nasa sentro ang Tagapagligtas. Dapat nating unahin ang mga bagay na maaalala natin Siya lagi—madalas na pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-aaral at pagninilay ng mga turo ng mga apostol, lingguhang paghahanda na makibahagi ng sacrament nang marapat, pagsamba sa araw ng Linggo, at pagtatala at pag-alala ng itinuturo sa atin ng Espiritu at ng karanasan tungkol sa pagiging disipulo.

Maaaring pumasok sa inyong isipan ang iba pang mga bagay na akma sa inyo sa sandaling ito ng inyong buhay. Kapag nagkaroon na tayo ng sapat na oras at paraan para sa mga bagay na ito sa pagsesentro ng ating buhay kay Cristo, maidaragdag na natin ang iba pang mga responsibilidad at bagay na mahalaga, tulad ng pag-aaral at mga responsibilidad sa pamilya. Sa ganitong paraan hindi matatakpan ng mabubuting bagay lamang ang mahahalaga sa ating buhay, at hindi mabibigyan ng prayoridad o lubusang maglalaho ang mga bagay na di-gaanong mahalaga.

Nauunawaan ko na ang pag-ayon ng ating kalooban sa kalooban ni Jesucristo tulad ng pag-ayon Niya sa kalooban ng Ama ay hindi madaling gawin. Maunawaing binanggit ni Pangulong Brigham Young (1801–77) ang ating hamon nang sabihin niya:

“Matapos masabi at magawa ang lahat, matapos niyang pamunuan nang napakatagal ang mga taong ito, hindi ba ninyo nadarama na kulang ang tiwala nila sa ating Diyos? Nadarama ba ninyo ito sa inyong sarili? Maitatanong ninyo, ‘[Brother] Brigham, nadarama ba ninyo ito sa inyong sarili?’ Ramdam ko ito, nakikita ko na kulang pa ang tiwala ko, kahit paano, sa kanya na pinagtitiwalaan ko.—Bakit? Dahil wala akong kapangyarihan, dahil sa idinulot sa akin ng pagkahulog. …

“… May nadarama ako, paminsan-minsan[,] na kapansin-pansing naghihiwalay ng gusto ko sa gusto ng aking Ama sa Langit; isang bagay kaya hindi tugmang-tugma ang gusto ko sa gusto ng aking Ama sa Langit.

“Alam ko na dapat nating madama at maunawaan, hangga’t maaari, hangga’t tutulutan tayo ng ating makasalanang kalagayan, hangga’t may pananampalataya at kaalaman tayong unawain ang ating sarili, na ang gusto ng Diyos na iyon na ating pinaglilingkuran ang gusto natin, at wala nang iba, sa buhay mang ito o sa kawalang-hanggan.”1

Bagama’t hindi madali, maaari tayong sumulong palagi nang may pananampalataya sa Panginoon. Mapapatunayan ko na sa paglipas ng panahon ay mag-iibayo ang hangarin at kakayahan nating laging alalahanin at sundin ang Tagapagligtas. Dapat tayong magtiyagang isakatuparan ang layuning iyon at laging manalangin na makahiwatig at mabigyan ng tulong na kailangan natin. Ipinayo ni Nephi, “Sinasabi ko sa inyo na kinakailangan kayong laging manalangin, at huwag manghina; na huwag ninyong isasagawa ang anumang bagay sa Panginoon maliban sa kayo ay mananalangin muna sa Ama sa pangalan ni Cristo, upang kanyang ilaan ang inyong pagganap sa kanya, nang ang inyong pagganap ay maging para sa kapakanan ng inyong mga kaluluwa” (2 Nephi 32:9).

Nasaksihan ko ang simpleng halimbawa ng ganitong uri ng panalangin nang kami ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ay atasang magdaos ng videoconference interview ng isang mag-asawa sa ibang bansa. Bago pumasok sa studio, muli kong nirepaso ang impormasyong nakolekta namin tungkol sa mag-asawa at nadama kong handa na ako para sa interbyu. Ilang minuto bago ang takdang oras, nakita ko si Elder Oaks na nakaupong mag-isa at nakayuko. Saglit lang at nag-angat siya ng ulo at nagsabi, “Katatapos ko lang manalangin para makapaghanda sa interbyung ito. Kailangan natin ng kaloob na makahiwatig.” Hindi niya nakaligtaan ang pinakamahalagang paghahanda, isang panalangin para ilaan ang aming pagganap para sa ikabubuti namin at sa kaluwalhatian ng Panginoon.

2. Maghandang managot kay Cristo sa bawat isipin, sabihin, at gawin natin.

Nilinaw sa mga banal na kasulatan na magkakaroon ng dakilang araw ng paghuhukom na tatayo ang Panginoon upang hatulan ang mga bansa (tingnan sa 3 Nephi 27:16) at bawat tuhod ay luluhod at bawat dila ay magtatapat na Siya ang Cristo (tingnan sa Mga Taga Roma 14:11; Mosias 27:31; D at T 76:110). Ang katangian at lawak ng paghuhukom na iyon ay inilarawan ni Alma sa Aklat ni Mormon:

“Sapagkat ang ating mga salita ang hahatol sa atin, oo, lahat ng ating mga gawa ang hahatol sa atin; tayo ay hindi matatagpuang walang bahid-dungis; at ang ating mga pag-iisip ang hahatol din sa atin; at dito sa nakapanghihilakbot na kalagayan, tayo ay hindi mangangahas na tumingin sa ating Diyos; at tayo ay magagalak kung ating mauutusan ang mga bato at ang mga bundok na bumagsak sa atin upang itago tayo mula sa kanyang harapan.

“Datapwat hindi ito maaari; tayo ay kailangang lumabas at tumayo sa harapan niya sa kanyang kaluwalhatian, at sa kanyang kapangyarihan, at sa kanyang lakas, kamahalan, at pamahalaan, at kilalanin sa ating walang hanggang kahihiyan na ang lahat ng kanyang mga hatol ay makatarungan, na siya ay makatarungan sa lahat ng kanyang mga gawa, at na siya ay maawain sa mga anak ng tao, at na taglay niya ang lahat ng kapangyarihan upang iligtas ang bawat taong naniniwala sa kanyang pangalan at namumunga ng bunga na karapat-dapat sa pagsisisi” (Alma 12:14–15).

Nang liwanagin ng Tagapagligtas ang Kanyang ebanghelyo, ang paghuhukom na ito ay mahalagang bahagi nito. Sabi niya:

“Masdan, naibigay ko na sa inyo ang aking ebanghelyo, at ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.

“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, at katulad ng pagtataas sa akin ng mga tao gayundin ang mga tao ay ibabangon ng aking Ama, upang tumayo sa harapan ko, upang hatulan sa kanilang mga gawa, kung ang mga yaon ay mabuti o kung ang mga yaon ay masama—

“At sa dahilang ito ako ay ipinako; kaya nga, alinsunod sa kapangyarihan ng Ama ay hihikayatin ko ang lahat ng tao sa akin, upang sila ay mahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa” (3 Nephi 27:13–15).

Ang “maipako sa krus,” mangyari pa, ay simbolikong paraan ng pagtukoy sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo kung saan tinugunan Niya ang mga hinihingi ng katarungan sa bawat isa sa atin. Sa madaling salita, sa Kanyang pagdurusa at kamatayan sa Getsemani at sa Golgota, pinagbayaran Niya ang lahat ng mahihingi ng katarungan sa atin para sa ating mga kasalanan. Samakatwid Siya ang tumatayo sa lugar ng katarungan at kumakatawan sa katarungan. Tulad ng ang Diyos ay pag-ibig, ang Diyos ay katarungan din. Ang mga utang at obligasyon natin ay napunta na ngayon kay Jesucristo. Kung gayon, may karapatan Siyang hatulan tayo.

Ang paghatol na iyon, wika Niya, ay batay sa ating mga gawa. Ang lalong “mabuting balita” ng Kanyang ebanghelyo ay ipagkakaloob Niya ang kapatawaran kung tayo ay magsisisi. Samakatwid, kung kabilang ang pagsisisi sa ating mga gawa, patatawarin Niya ang ating mga kasalanan at pagkakamali. Kung iwawaksi natin ang kaloob na pagpapatawad, tatangging magsisi, ipapataw ang mga parusa ng katarungan na Kanya ngayong kinakatawan. Wika Niya, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko” (D at T 19:16–17).

Samakatwid, ang ibig sabihin ng lagi Siyang alalahanin ay lagi nating alalahanin na walang maililihim sa Kanya. Walang bahagi ng ating buhay, gawain man iyan, o salita, o kahit kaisipan, na maitatago sa kaalaman ng Ama at ng Anak. Walang pandaraya sa pagsusulit, walang sandali ng pang-uumit, walang mahalay na imahinasyon o pagmamalabis, at walang kasinungalingan ang malalagpasan, makakaligtaan, maililihim, o malilimutan. Anuman ang “matakasan” natin sa buhay na ito o mailihim sa ibang tao, haharap pa rin tayo pagsapit ng di-maiiwasang araw na iyon na tayo ay hahatulan sa harapan ni Jesucristo, ang Diyos ng kadalisayan at sakdal na katarungan.

Ang katotohanang ito ang nagtulak sa akin sa iba’t ibang pagkakataon na magsisi o tuluyang iwasang magkasala. Sa isang pagkakataon nang ibenta ko ang aking bahay, nagkaroon ng pagkakamali sa dokumentasyon, at nalagay ako sa posisyon na nagkaroon ako ng legal na karapatang kumita pa mula sa bumibili. Itinanong ng ahente ko kung gusto kong angkinin ang pera yamang may karapatan akong gawin iyon. Naisip ko ang pagharap sa Panginoon, na kinatawan ng katarungan, at ang pagtatangkang ipaliwanag na may legal na karapatan akong samantalahin ang pagkakamali ng bumili. Hindi ko mailarawan ang sarili ko na magaling mangumbinsi, lalo na’t malamang na humingi ako ng awa para sa sarili ko kasabay niyon. Alam kong hindi ako matatahimik sa buhay dahil hindi ako naging marangal kapag inangkin ko ang pera. Sumagot ako sa ahente na tutuparin namin ang napagkasunduan ayon sa unang napag-usapan. Mas mahalaga sa akin kaysa anumang halaga ng pera ang malaman na wala akong dapat ipagsisi sa transaksyong iyon.

Sa aking kabataan minsan na akong naging pabaya na naging dahilan para masaktan ang isa sa mga kapatid kong lalaki. Hindi ko inamin ang kahangalan ko noon, at walang nakaalam na sangkot ako sa nangyari. Ilang taon pagkaraan nanalangin ako na ihayag sa akin ng Diyos ang anumang bagay sa buhay ko na kailangang itama upang maging mas katanggap-tanggap ako sa Kanyang harapan, at pumasok sa isipan ko ang pangyayaring ito. Nalimutan ko na ito, ngunit ibinulong sa akin ng Espiritu na isa itong kasalanan na hindi pa naitatama na kailangan kong ipagtapat. Tinawag ko ang aking kapatid, humingi ako ng tawad, at hiniling ang kanyang kapatawaran, na agad at bukas-palad niyang ibinigay. Hindi sana ako gaanong napahiya at nalungkot kung agad akong humingi ng tawad nang mangyari iyon.

Nakakatuwa at mahalaga sa akin na hindi nalimutan ng Panginoon ang pangyayaring iyon na napakatagal na kahit limot ko na iyon. Hindi naitatama o basta na lang naglalaho ang mga kasalanan. Hindi “natatakpan” ang mga kasalanan sa kawalang-hanggan. Kailangang harapin ang mga ito, at ang maganda ay dahil sa nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas, maaaring harapin ang mga ito sa mas masaya at di-gaanong masakit na paraan kaysa tuwirang tugunin ang katarungan ng tayo lamang sa ating sarili.

Dapat nating lakasan ang ating loob kapag inisip natin ang paghuhukom kung kailan walang nakakaligtaan dahil ibig sabihin din nito ay walang pagsunod, walang kabaitan, at walang mabuting gawa ang malilimutan gaano man ito kaliit, at walang kaakibat na pagpapala ang ipagkakait.

3. Huwag matakot at umasa sa tulong ng Tagapagligtas.

Sa mga unang araw ng Panunumbalik, pinayuhan at pinanatag ni Jesus sina Joseph Smith at Oliver Cowdery, na gumagawa ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon at hindi maglalaon ay pagkakalooban ng priesthood. Si Joseph ay 23 taong gulang noon, at si Oliver naman ay 22. Madalas ang pang-uusig at iba pang mga hadlang kung hindi man palagian. Sa ganitong mga kalagayan, noong Abril 1829 sinabi ng Panginoon ang mga salitang ito sa kanila:

“Huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig.

“Masdan, hindi ko kayo inuusig; humayo kayo sa inyong mga gawin at huwag na muling magkasala; isagawa nang mahinahon ang gawaing ipinag-uutos ko sa inyo.

“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.

“Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit. Amen” (D at T 6:34–37).

Ang isaalang-alang ang Tagapagligtas sa bawat pag-iisip, mangyari pa, ay isa pang paraan ng pagsasabing “lagi siyang alalahanin.” Kapag ginawa natin ito, hindi na natin kailangang mag-alinlangan o matakot. Pinaalalahanan ng Tagapagligtas sina Joseph at Oliver tulad ng pinaaalalahanan Niya tayo na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay ipinagkaloob sa Kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa (tingnan sa Mateo 28:18) at nasa Kanya kapwa ang kakayahan at kagustuhang protektahan tayo at ibigay ang ating mga pangangailangan. Kailangan lang nating maging tapat, at lubos tayong makakaasa sa Kanya.

Bago ang nakaaaliw na paghahayag kina Joseph at Oliver, nagdanas ang Propeta ng isang matindi at masakit na karanasang nagturo sa kanya na umasa sa Tagapagligtas at huwag matakot sa mga opinyon, pamimilit, at pananakot ng mga tao.

Noong Hunyo 1828 pinayagan ni Joseph si Martin Harris na dalhin ang unang 116 pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon mula sa Harmony, Pennsylvania, upang ipakita sa kanyang mga kapamilya sa Palmyra, New York. Nang mabigong bumalik si Martin ayon sa kanyang pangako, naglakbay ang balisang si Joseph sakay ng upahang karwahe patungo sa tahanan ng kanyang mga magulang sa Manchester Township, New York. Agad pinasundo ng Propeta si Martin. Pagdating ni Martin, inamin nito na wala sa kanya ang manuskrito o hindi niya alam kung nasaan ito.

Napabulalas si Joseph: “Oh! Diyos ko, Diyos ko. … Nawala nang lahat, nawala. Ano ang gagawin ko? Ako’y nagkasala. Ako ang siyang nanukso sa poot ng Diyos sa paghiling sa kanya ng isang bagay na wala akong karapatang hilingin. … Ano pang pagkagalit ang hindi nararapat sa akin mula sa anghel ng Kataas-taasang Diyos?”

Kinabukasan nagbalik ang Propeta sa Harmony. Pagdating doon, sinabi niya, “Nagsimula akong magpakumbaba sa taos na dalangin sa harapan ng Panginoon … na kung maaari ay makamit ko ang kanyang awa at mapatawad ako sa lahat ng nagawa kong salungat sa kanyang kalooban.”2

Matapos parusahan si Joseph sa pagkatakot sa tao nang higit kaysa sa Diyos, sinabi sa kanya ng Panginoon:

“Ikaw ay si Joseph, at ikaw ay pinili upang gawin ang gawain ng Panginoon, subalit dahil sa pagkakasala, kung hindi ka mag-iingat ikaw ay babagsak.

“Subalit tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo, at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (D at T 3:9–10).

“Pansamantalang binawi ng Panginoon kay Joseph ang Urim at Tummim at mga lamina. Ngunit hindi nagtagal at ibinalik sa kanya ang mga ito. ‘Nagalak ang anghel nang ibalik niya sa akin ang Urim at Tummim,’ paggunita ng Propeta, ‘at sinabi na nasisiyahan ang Diyos sa aking katapatan at pagpapakumbaba, at minahal ako dahil sa aking pagsisisi at kasigasigan sa pagdarasal, kaya nga mahusay kong nagampanan ang aking tungkulin para … masimulang muli ang gawain ng pagsasalin.’ Nang magpatuloy si Joseph sa dakilang gawaing kinakaharap niya, pinalakas siya ng magiliw na damdaming matanggap ang kapatawaran ng Panginoon at ng panibagong determinasyong gawin ang Kanyang kalooban.”3

Ang determinasyon ng Propeta na umasa sa Diyos at huwag matakot sa magagawa ng tao ay naging matibay pagkatapos maranasan ito. Ang kanyang buhay mula noon ay naging maningning na halimbawa ng kahulugan ng alalahanin si Cristo sa pamamagitan ng pag-asa sa Kanyang kapangyarihan at awa. Ipinahayag ni Joseph ang pagkaunawang ito noong siya ay labis na nagdurusa sa bilangguan sa Liberty, Missouri, sa mga salitang ito:

“Nalalaman ninyo, mga kapatid, na ang isang malaking sasakyang-dagat ay labis na natutulungan ng isang napakaliit na timon sa oras ng bagyo, sa pamamagitan ng paggamit nito nang naaayon sa hangin at mga alon.

“Samakatwid, mga minamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:16–17).

Sa madaling salita, ang ibig sabihin ng “lagi siyang alalahanin” ay na hindi tayo mamumuhay nang may takot. Alam natin na ang mga hamon, kabiguan, at kalungkutan ay darating sa bawat isa sa atin sa iba’t ibang paraan, ngunit alam din natin na sa huli, dahil sa ating banal na Tagapamagitan, lahat ng bagay ay maaaring magkakalakip na gumawa para sa ating ikabubuti (tingnan sa D at T 90:24; 98:3). Iyon ang pananampalatayang ipinahayag nang napakasimple ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) nang sabihin niyang, “Magiging maayos ang lahat.”4 Kapag lagi nating inaalala ang Tagapagligtas, “malugod [nating magagawa] ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya,” tiwala na papatnubayan tayo ng Kanyang kapangyarihan at pagmamahal sa atin.

Nawa’y lagi natin Siyang alalahanin—“nang sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang espiritu upang makasama [natin]” (D at T 20:77). Pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pinatototohanan ko na totoong buhay at nabuhay na mag-uli ang Panginoon. Pinatototohanan ko ang walang hanggan at personal na pagmamahal ng Ama at ng Anak sa bawat isa sa atin, at dalangin ko na mamuhay tayo na palaging naaalaala ang pagmamahal na iyan na ipinahahayag sa lahat ng paraan.

Mga Tala

  1. Brigham Young, “Discourse,” Deseret News, Set. 10, 1856, 212.

  2. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 83–84.

  3. Mga Turo: Joseph Smith, 83–84.

  4. Sa Jeffrey R. Holland, “President Gordon B. Hinckley: Stalwart and Brave He Stands,” Liahona, Hunyo 1995 espesyal na edisyon, 6.

Ang Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; Putol na Tinapay, ni Walter Rane

SI CRISTO SA GETSEMANI ni Heinrich Hofmann, SA KAGANDAHANG-LOOB NG C. Harrison Conroy Co.

Ang Ikalawang Pagparito, ni Harry Anderson © IRI

Pinahiran Niya ang mga Mata ng Lalaking Bulag, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum