2011
Nakinig sa Wakas
Abril 2011


Nakinig sa Wakas

“Dati ko na siyang kaibigan, at hindi naman kami magdedeyt,” sabi ko sa sarili ko. Kaya bakit patuloy akong binabalaan ng Espiritu na hindi ako dapat pumunta roon?

Noong nasa kolehiyo, nabiyayaan ako ng magandang trabaho sa isang lungsod na malayo sa aming tahanan. Isang dati ko nang kaibigan ang nakatira nang di-kalayuan doon, at kahit magkaiba kami ng relihiyon, hindi naging hadlang iyon sa aming pagkakaibigan.

Noong una kong makilala si Madeline (pinalitan ang pangalan), kasama namin sa trabaho ang isang dalagita na magandang halimbawa ng isang Banal sa mga Huling Araw. Naaalala ko na ipinadarama ng Espiritu kahit ang maliliit na pagkakaiba ng dalawang dalagitang ito, na nagpapaliwanag kung paanong kahit ang maliliit na pagpili ay makaiimpluwensya kalaunan sa buhay. Hindi ko kailanman nalimutan ang mga espirituwal na karanasang ito sa paglipas ng mga taon.

Ngayong muli kaming magkikita pagkaraan ng ilang taon, nagplano kami ni Madeline na lumabas nang magkasama. Nang sumapit na ang gabi, hindi ko malaman kung bakit ako kinabahan. Sumakay ako ng tren papunta sa kanyang lungsod, at habang papalapit ako, may nadarama akong tinig sa puso ko’t isipan na nagsasabing, “Dapat ang kadeyt mo lamang ay ang mga taong may mataas na mga pamantayan.”

“Hindi naman ito deyt,” naisip ko. “Makikipagkita lang ako sa dati kong kaibigan.” Paulit-ulit na nagbabala at nagpumilit ang Espiritu, hanggang sa matanto ko na deyt nga iyon at naisip ko kung ano na kaya ngayon ang pamantayan at estilo ng pamumuhay ng aking kaibigan. “Alam niya na LDS ako,” ang katwiran ko. “Alam na alam niya ang mga pamantayan ko, kaya walang magiging problema.”

Gayunpaman, naisip ko na baka dahil sa “bahagyang mga pagkakaiba” na napansin ko noon ay humantong sa hindi inaasahan ang pagkikita naming ito. Kaya sinunod ko ang pahiwatig ng Espiritu at tinawagan ang kaibigan ko para hindi na ituloy ang aming pagkikita. Masyado akong natakot na baka masaktan ko ang damdamin niya. Paano ko maipapaliwanag ang mga espirituwal na nadama ko sa isang kaibigan na hindi naman nagpapahalaga sa misyon ng Espiritu Santo?

Ipinaliwanag ko na asiwa ako sa isa sa mga plinano naming gagawin at na sana katanggap-tanggap na dahilan ito para hindi makipagkita nang gabing iyon. Nalungkot siya at nagmungkahing baguhin ang mga iplinano namin. Napanatag ako at pumayag sa pagbabago dahil naisip ko, “Siguro ang aktibidad ang dahilan kaya ako binabalaan ng Espiritu.” Pero balisa pa rin ako.

Nagkakasayahan na kami nang gabing iyon, ngunit paulit-ulit na sinabi sa akin ng Espiritu na mahalaga ang naunang babala. Noong una parang wala namang nakakabalisang nangyayari, pero nang lumalalim na ang gabi, naging mas luminaw na kahit pareho kami ng pinagmulan, talagang magkaiba ang pinatutunguhan namin. Hindi magkapareho ang mga pamantayan namin—kahit sa maliliit na bagay. Nang umorder siya ng alak, ipinaliwanag ko na ayaw kong bayaran ang alak. Iginalang niya ang sinabi ko at siya ang nagbayad nito.

Lalong tumindi ang pagkabalisa ng espiritu ko habang lumalalim ang gabi. Nang patapos na kami sa pagkain, hindi na ako mapakali sa aking upuan, gusto ko nang umuwi, dahil alam kong malapit nang umalis ang huling biyahe ng tren at napakalayo ng tinitirhan ko para magtaksi. Nang mahalata ng kaibigan ko na balisa ako, sinabi niyang puwede akong matulog sa bahay niya. Ngayon talagang ayaw na akong tigilan ng Espiritu, pinagtitibay sa akin ang dati ko nang alam: hindi ako dapat manatili roon.

Nang ihatid ko na siya sa bahay niya, pinilit kong magmukhang kalmado. “Sigurado ka bang ayaw mong matulog dito?” tanong niya. Sigurado ako. Hindi naman siya namimilit o nang-iinsulto pero ang tinig ng Espiritu ay mas malinaw pa kaysa tunog ng kulog. Hindi ako dapat maiwan ng tren!

Naghintay ako hanggang sa masiguro ko na nasa loob na siya ng bahay, pagkatapos ay kumaripas na ako ng takbo para makarating sa istasyon ng tren sa oras. Bigla kong naisip si Jose ng Egipto noong tumakbo siyang palayo sa tukso (tingnan sa Genesis 39:7–12).

Kapag iniisip ko ang mga nangyari noong gabing iyon, nakadarama ako ng takot at pasasalamat: takot sa posibleng nangyari noon at pasasalamat sa paggabay ng Espiritu Santo. Nangusap ang Espiritu, at kahit sa una palang dapat ay nakinig na ako, natutuwa ako na sa wakas ay nakinig ako.

Malinaw na ang nakita ko sa sitwasyon nang gabing iyon ay hindi kasinglinaw ng nakita ng Panginoon. Tulad nang itinatala ni Isaias:

“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.

“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip” (Isaias 55:8–9).

Ang ilang mga pagpiling ginagawa natin sa buhay ay mabilis na ginagawa at nalilimutan. May mga pagpiling may kasamang mga aral na kung mahusay nating magagawa ay hindi kailanman malilimutan. Nagpapasalamat ako nang lubos na malaman na kapag sinusunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo—at kapag kaagad nating ginawa ito—mas madali para sa atin ang manatili sa landas na inihanda ni Jesucristo para ating sundan.

Paglalarawan ni Jeff Ward