2011
Mga Tanong at mga Sagot
Abril 2011


Mga Tanong at mga Sagot

“Bakit may mga problema kami sa pamilya kahit nagsisimba kami, nagdaraos ng family home evening, at sinisikap na ipamuhay ang ebanghelyo? Ano pa ang magagawa namin?”

Ang pagsunod sa ebanghelyo ay nagdudulot ng mga pagpapala ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi na kayo mahaharap sa mga hamon o pagsubok. Mapalalakas ng mga pagsubok ang inyong pananampalataya dahil mahihikayat kayong hingin ang tulong ng Ama sa Langit. Ang paglutas ng mga problema sa tulong Niya ay nagtuturo sa inyo kung paano gumawa ng mga tamang desisyon.

Napag-usapan na ba ng inyong pamilya ang ganitong sitwasyon? Sa sama-samang pag-uusap, maaari kayong makahanap ng mga ideya na makakatulong. Nag-ayuno at nanalangin na ba ang inyong pamilya para sa mga solusyon? Nasaliksik na ba ninyo ang mga banal na kasulatan at ang mga mensahe sa kumprensya? Marahil kailangan ng inyong pamilya na gumawa ng ilang pagbabago para mapabuti ang sitwasyon, o marahil kailangan lang ninyong patuloy na magsikap, matiyagang maghintay at magtiwala na palalakasin kayo ng Panginoon sa oras ng pagsubok na ito (tingnan sa Mosias 24:15).

Kung may ibang taong nagdulot ng pasakit sa inyong pamilya, sikaping patawarin sila at huwag silang sisihin. Bagama’t hindi kaagad nalulutas ng pagpapatawad ang problema, papayapain nito ang inyong puso at magiging mas madali ang pagharap sa problema.

Winawasak ng kaaway ang mga pamilya dahil ang kanilang lakas ay napakahalaga sa Simbahan at sa inyong komunidad. Kaya’y patuloy na magtiis. Patuloy na magsimba, magdaos ng family home evening, at ipamuhay ang ebanghelyo. Dahil sa pagsunod madarama ninyo ang Espiritu Santo, at napakahalaga ng kanyang patnubay upang mahanap ninyo ang mga kasagutan. Ang pamumuhay sa isang matatag na pamilya, kahit yaong kailangang humarap sa mga problema, ay isa sa pinakamahahalagang mithiing dapat ninyong taglayin.

Gamitin ang mga Gabay na Ibinigay sa Atin

Marahil hindi mapalalakas ang isang pamilya hangga’t hindi ito nasusubukan. Mabuti na lamang at hindi natin kailangang harapin ang ating mga problema nang mag-isa; nais ng Ama sa Langit na magtagumpay tayo bilang mga indibiduwal at pamilya. Upang tulungan tayo, nagbigay Siya ng mahahalagang gabay, tulad ng mga banal na kasulatan, ng buhay na propeta, iba pang mga lider ng Simbahan, at ang Banal na Espiritu. Matutulungan nila tayong maunawaan at maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapaligaya sa atin at sa ating pamilya. Bukod pa riyan, huwag kalimutang sabihin sa inyong mga magulang na mahalaga sila sa inyo at minamahal ninyo sila. Alam ko na ang Panginoon ay magbibigay ng paraan upang ang inyong pamilya ay magkaisa, mapalakas, at mabigyan ng inspirasyon. Alam ko na ang pamilya ay inorden ng Diyos.

Jared L., edad 18, Mindanao, Philippines

Matuto mula sa Inyong mga Pagsubok

Gaano man ang gawin ninyong pagsisikap, hindi mawawala ang mga hamon o pagsubok. Tutulungan kayo ng mga pagsubok na ito na umunlad. Depende na iyan kung paano kayo tutugon sa mga hamon na iyon. Ang mahalaga ay matuto kayo mula sa mga ito. Pag-aralan at tingnan ang talagang nangyayari sa paligid ninyo. Ipagdasal ang mga pagsubok na pinagdaraanan ninyo at manampalataya na tutulungan kayo ng Panginoon na malampasan ang mga ito. Magiging kalakasan ninyo ang mga ito, at dahil diyan mapalalakas din ninyo ang iba.

Makenzie C., edad 18, Chihuahua, Mexico

Basahin ang Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak

Darating ang mga problema magdasal man kayo o hindi. Hindi tayo pinaparusahan ng mga ito kundi pinapalakas tayo ng mga ito. Ang mga problemang kinakaharap natin ay nagbibigay ng pagkakataon para magtulungan ang ating pamilya. Habang nagsisikap ang aming pamilya na kayanin ang problema sa pera, at nagsisikap na magkaroon ng oras na magkasama-sama, lalo kaming nagiging malapit sa isa’t isa at sa ating Ama sa Langit. Isang bagay na ginagawa namin sa mga panahong nahihirapan kami ay basahin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ipinaaalala nito ang sagradong bagay na nagbibigkis sa amin at kung gaano kahalaga na tuparin ang aming mga tipan.

Anna G., edad 15, Georgia, USA

Manampalataya sa Panginoon

Ang nakatutulong sa akin sa tuwing nagtataka ako kung bakit may mga problema ang aming pamilya, kahit ginagawa namin ang lahat sa abot ng aming makakaya, ay ang kuwento ni Job at ang matinding pinagdaanan niya. Sa Job 19:25–26 ay mababasa natin: “Ngunit talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan: at pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman.” Naharap si Job sa ilan sa mga pinakamahihirap na hamon, subalit alam pa rin niyang buhay ang kanyang Manunubos! Kapag nagawa nating mag-isip at mamuhay nang tulad ni Job, alam ko na malalampasan natin ang ating mga problema at matatanto na mayroon tayong Manunubos, na nagpapalakas sa atin sa kabila ng mga pagsubok na ito.

Megan B., edad 17, Utah, USA

Harapin ang mga Problema nang may Pag-asa

Ang mga problema ay mas magpapalakas sa atin kung haharapin natin ito sa wastong paraan. Ang kailangan ninyong gawin ay harapin ang mga problema nang may pag-asa at tapang. Maaaring ginagawa mo na ang pinakamainam sa pamamagitan ng pagsisimba at pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, kaya dapat mong tanggapin ang katotohanan na ang mga problema ay magpapadalisay sa iyo at gagawin kang mas mabuting tao sa bandang huli. Subukan mo ring alamin ang isang bagay na hindi mo nagagawa nang tama at sikaping iwasto ito. Sikapin mong tumulong nang madalas sa iba, at kapag ginawa mo iyan, magiging tila mas magaan ang iyong mga problema. Higit sa lahat, laging humingi ng payo sa Panginoon. Ipagdasal ang iyong mga problema at hilingin sa Ama sa Langit na gabayan ka.

Raymond A., edad 18, Accra, Ghana

Tanggapin ang Kagustuhan ng Ama sa Langit

Palagay ko isang paraan ng pagsubok sa atin ng Ama sa Langit ang mga problema. Ang hindi natin dapat kalimutan ay na Siya ay ating Ama at dahil diyan mahal na mahal Niya tayo at hangad Niya ang pinakamainam para sa atin. Alam ko na ang tanging paraan upang makayanan ang mga problemang ito ay sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagtanggap sa kalooban ng Ama.

José C., edad 18, Ancash, Peru

Magtiis Hanggang Wakas

Ang pamilya ay mahalaga sa plano ng Maylikha, kaya talagang gagawin ng kalaban ang lahat upang hadlangan tayo na mamuhay nang magkakasama bilang masayang pamilya na nakatuon sa ebanghelyo. Alam nating hindi natin maaaring asahang maging madali ang buhay o na sa sandaling magsimba o magdaos tayo ng family home evening, ay ligtas na tayo sa mga tukso. Kapag nagiging mahirap ang mga bagay-bagay, basahin ang inyong mga banal na kasulatan, magdasal, at mag-usap-usap bilang pamilya.

Elder Dudley, edad 21, Indonesia Jakarta Mission