Mula sa Misyon
Ang Clue sa Aking Patriarchal Blessing
Naglingkod ako sa Texas Houston South Mission bilang elder na marunong magsalita ng wikang Espanyol. Isang araw nagbahay-bahay kami ng kompanyon ko, sa pagsisikap na makakita ng matuturuan. Nakarating kami sa isang bahay na may malaking butas sa lumang balkonahe na yari sa kahoy.
Binuksan ng isang matandang babae ang pinto at pinapasok kami. Hindi ko tiyak kung kilala niya kami at ano ang ginagawa namin, pero napakabait niya. Sinimulan namin siyang turuan ng unang aralin, at tila maayos naman ito. Hindi nagtagal at ako na ang magtuturo tungkol kay Joseph Smith at sa Unang Pangitain. Nakita ko sa mukha ng babae na tila unti-unti siyang naguguluhan. Halatang hindi niya talaga nasusundan ang sinisikap kong ipaliwanag sa kanya.
Matapos magtanong ng ilang bagay tungkol sa naituro na namin at kung gaano rito ang naunawaan niya, nakadama ako ng pagkayamot na hindi niya maunawaan ang konsepto ng Unang Pangitain. Nakakapagod ang araw na ito, at ang huling bagay na hindi nanaisin ng isang misyonero ay ang hindi maunawaan ng isang tao ang gustung-gusto niyang malaman ng mga tao na totoo.
Nang madama ko na malapit na akong magalit, isang talata mula sa patriarchal blessing ko ang pumasok sa aking isipan. Tungkol ito sa magiging pamilya ko na pinayuhan akong ituro sa magiging mga anak ko ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Habang iniisip ko ang talatang iyon, alam kong sinasabi ng Espiritu na turuan ko ang mapagpakumbabang babaeng ito sa katulad na paraan ng pagtuturo ko sa isang bata.
Sinimulan ko siyang turuan sa mas simple at mapagmahal na paraan. Naisip ko ang magiging mga anak ko na nakaupo sa sala at nakatingin sa akin, na kanilang ama, habang tinuturuan ko sila tungkol kay Propetang Joseph Smith. Nakamamanghang makita ang pagbabago sa kanyang mukha. Hindi naglaon ay nawala ang kunot sa kanyang noo, at nagningning ang kanyang mga mata. Ang kanyang pagkalito ay napalitan ng interes at pagkamangha. Habang ikinukuwento ko ang pagpapakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kay Joseph Smith, napuno ng luha ang kanyang mga mata at dumaloy ito sa kanyang mga pisngi. Napuspos ng Espiritu ang silid, at napalitan ng malaking kagalakan ang aking pagkayamot.
Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang ito. Ngayon ay sabik na akong ituro ang mga alituntuning iyon sa magiging mga anak ko balang-araw at madamang muli ang kagalakang iyon.