2011
Ang Tagapamagitan na si Jesucristo
Abril 2011


Ang Tagapamagitan na si Jesucristo

Mula sa “The Mediator,” Ensign, Mayo 1977, 54–56.

Binayaran ni Jesucristo, na ating Tagapamagitan, ang halagang hindi natin kayang bayaran upang makabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit.

President Boyd K. Packer

May ikukuwento ako sa inyo—isang talinghaga.

Minsan ay may isang lalaking gustung-gusto ang isang bagay. Tila mas mahalaga pa ito kaysa anupaman sa kanyang buhay. Para makamtan ang kanyang gusto, umutang siya nang malaki.

Binalaan na siya tungkol sa pag-utang nang ganito kalaki at lalo na sa nagpautang sa kanya ng pera. Ngunit tila napakahalaga sa kanya na makamtan kaagad ang gusto niya. Nakatitiyak siyang mababayaran niya ito kalaunan.

Kaya’t pumirma siya sa kontrata. Mababayaran din niya ito balang-araw. Hindi siya gaanong nag-alala rito, dahil mukhang matagal pa naman ang takdang araw ng pagbabayad. Nakamtan na niya ang gusto niya ngayon, at tila iyon ang mahalaga.

Hindi mawala sa isip niya ang nagpautang, at paunti-unti siyang nagbayad, iniisip na ang takdang araw ng paniningil [ang araw na kailangan niyang bayaran ang buong halaga] ay hindi na darating kailanman.

Katarungan o Awa?

Ngunit tulad ng laging nangyayari, dumating ang araw at dapat na siyang magbayad. Hindi nabayaran nang buo ang utang. Dumating ang nagpautang at naningil ng buong kabayaran.

Noon lamang niya natanto na ang nagpautang sa kanya ay hindi lamang may kakayahang ilitin [kunin] ang lahat ng ari-arian niya kundi may kakayahan din itong ipakulong siya.

“Hindi kita mababayaran, dahil hindi ko kayang magbayad,” pag-amin niya.

“Kung gayon,” sabi ng nagpautang, “iilitin namin ang mga ari-arian mo, at makukulong ka. Pumayag ka riyan. Ikaw ang nagpasiya. Pumirma ka sa kontrata, at ngayo’y dapat na itong ipatupad.”

“Puwede bang bigyan mo ako ng palugit o patawarin mo na lang ako sa aking utang?” pagmamakaawa ng nangutang. “Gawan mo naman ng paraan para hindi makuha ang mga ari-arian ko at hindi ako makulong. Naniniwala ka ba sa awa? Hindi ka ba maaawa sa akin?”

Sumagot ang nagpautang, “Isang panig lang ang laging nakikinabang sa awa. Ikaw lang. Kapag naawa ako sa iyo, hindi ako mababayaran. Katarungan ang gusto ko. Naniniwala ka ba sa katarungan?”

“Naniwala ako sa katarungan nang pirmahan ko ang kontrata,” sabi ng nangutang. “Nasa panig ko iyon noon, kasi akala ko poprotektahan ako nito. Hindi ko kailangan ang awa noon, ni hindi ko inisip na kakailanganin ko iyon kahit kailan.”

“Katarungan ang nagsasabing magbayad ka ayon sa kontrata o mapaparusahan ka,” sagot ng nagpautang. “Iyan ang batas. Pumayag ka rito at ganyan ang dapat mangyari. Hindi maaagaw ng awa ang katarungan.”

Gayon nga ang nangyari: Katarungan ang hiling ng isang panig, ang kabila naman ay humihingi ng awa. Walang sinumang masisiyahan [magwawagi] maliban kung magsakripisyo ang isa.

“Kung hindi mo patatawarin ang utang, wala kang awa,” pagsusumamo ng nangutang.

“Kung gagawin ko iyan, wala namang katarungan,” ang sagot.

Ang dalawang batas, pakiwari ko, ay kapwa hindi maipatutupad. Ang mga ito ay dalawang walang hanggang batas na tila magkasalungat. Wala bang paraan para maging lubos na makatarungan at maawa rin naman?

May paraan! Ang batas ng katarungan ay maaaring lubos na matugunan at ang awa ay maaaring lubos na ipagkaloob—ngunit kakailanganin dito ang ibang tao. At ganito ang nangyari sa pagkakataong ito.

Ang Kanyang Tagapamagitan

May kaibigan ang nangutang. Dumating siya para tumulong. Lubos niyang kilala ang nangutang. Naisip niyang hangal ito dahil inilagay nito ang sarili sa alanganin. Gayunman, gusto niyang tumulong dahil mahal niya ito. Namagitan siya sa dalawa, hinarap ang nagpautang, at inalok ito: “Babayaran ko ang utang kung palalayain mo ang nangutang sa kanyang kontrata para hindi mailit ang mga ari-arian niya at hindi siya makulong.”

Habang pinag-iisipan ng nagpautang ang alok, idinagdag ng namagitan, “Katarungan ang hangad mo. Kahit hindi ka niya mabayaran, ako ang magbabayad. Makatarungan na ito sa iyo at wala ka nang mahihiling pa. Hindi iyon makatarungan.”

Kaya’t pumayag ang nagpautang.

At saka bumaling ang namagitan sa nangutang. “Kung babayaran ko ang utang mo, tatanggapin mo bang ako ang nagpautang sa iyo?

“Naku, oo, oo,” bulalas ng nangutang. “Iniligtas mo ako sa kulungan at naawa ka sa akin.”

“Kung gayon,” sabi ng nagpala [ng taong tumulong], “sa akin mo bayaran ang utang, at ako ang magtatakda ng kasunduan. Hindi magiging madali, pero puwedeng mangyari. Gagawa ako ng paraan. Hindi mo kailangang makulong.”

Sa ganito nabayaran nang buo ang nagpautang. Makatarungan na sa kanya iyon. Walang kontratang nasira. Ang nangutang, sa kabilang dako, ay kinaawaan. Natugunan ang dalawang batas. Dahil nagkaroon ng tagapamagitan, lubos na nakamit ang katarungan at naipagkaloob ang awa.

Ang Ating Tagapamagitan

Bawat isa sa atin ay nabubuhay sa isang uri ng espirituwal na pagkakautang. Balang-araw ang halaga ay sisingilin, hihingin ang kabayaran. Ano man ang tingin natin dito ngayon, kapag dumating ang araw at malapit nang matapos ang palugit, mahihirapan tayo sa paghahanap ng isang tao, ng sinuman, na tutulong sa atin.

At dahil sa walang hanggang batas, ang awa ay hindi maipagkakaloob maliban kung may isang taong handa at kayang bayaran ang ating utang at tumbasan ang halaga at ayusin ang mga kasunduan para sa ikatutubos natin.

Maliban kung may tagapamagitan, maliban kung may kaibigan tayo, ang buong katarungan ay ipapataw sa atin. Ang buong kabayaran sa lahat ng kasalanan, gaano man kababaw o kalalim, ay sisingilin [kukunin] sa atin nang buung-buo.

Ngunit dapat natin itong malaman: Ang katotohanan, maluwalhating katotohanan, ay nagpapahayag na may isang Tagapamagitan. “Sapagka’t may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus” (I Kay Timoteo 2:5). Sa pamamagitan Niya lubos na maipagkakaloob ang awa sa bawat isa sa atin nang hindi sinasalungat ang walang hanggang batas ng katarungan.

Ang pagkakaloob ng awa ay hindi kusang nangyayari. Ito ay sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya. Ayon ito sa Kanyang kasunduan, sa Kanyang bukas-palad na kasunduan, na kinabibilangan ng binyag, na talagang kailangan, sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.

Ang buong sangkatauhan ay mapoprotektahan ng batas ng katarungan, at agad-agad ay mapagkakalooban ang bawat isa sa atin ng tumutubos at nagpapagaling na biyaya ng awa.

Paglalarawan ni Dan Burr