2011
Maaari Mo Ba Akong Basbasan?
Agosto 2011


Paglilingkod sa Simbahan

Maaari Mo Ba Akong Basbasan?

Napakalakas ng pag-ulan ng niyebe habang dahan-dahan akong nagmamaneho paakyat ng burol. Makarating lang ako sa tuktok, naisip ko, ligtas na akong makauuwi. Ngunit nang paliko ako sa isang kurbada, nakita ko ang isang kotseng pababa na pagewang-gewang ang takbo at papunta sa akin. Ang nagawa ko lamang ay sumigaw bago ako nabangga, at nawalan ako ng malay.

Hindi ko alam kung ilang oras na ang lumipas nang tangkain kong magmulat ng mga mata. Humahampas ang niyebe sa mukha ko mula sa basag na bintana. Pinilit kong alalahanin ang mga nangyari, gaya ng saan ako papunta bago ang aksidente. Nag-iisa at takot, napasigaw ako sa kumikirot na sakit sa balikat at dibdib ko. Nagsumamo ako sa Ama sa Langit na sana’y hindi malubha ang mga pinsala ko at maging maayos nawa ang kalagayan ko.

Ilang sandali kalaunan naramdaman kong may humawak sa kamay ko. Agad ko iyong sinunggaban. Nagmulat ako ng mga mata at nakita ko ang isang lalaking naka-amerikanang itim at sumbrero na nakatayo sa labas ng wasak na kotse ko. Nakita raw ng asawa niya ang banggaan mula sa bahay nila, at nagpunta siya para tingnan kung ano ang maitutulong niya. Hinawakan niya ang kamay ko at sinabing magiging OKEY ako.

Sinikap kong itanong sa lalaki kung Latter-day Saint siya, ngunit ang naibulong ko lang ay, “Maaari mo ba akong basbasan?”

Oo ang sagot niya at ipinasok niya ang kanyang mga kamay sa basag na bintana at ipinatong sa ulo ko.

Hindi ko maalala kung ano ang sinabi niya. Ngunit naaalala ko na inisip ko na magiging maayos ang kalagayan ko dahil nabasbasan ako. Nakadama ako ng kapayapaan at kapanatagan.

Pagdating ng ambulansya, hindi ko na nakita ang lalaki. Pagkaraan ng ilang oras nilisan ko ang ospital na may baling tadyang at maraming bukol at gasgas ngunit walang malubhang sugat o pinsala.

Nang umagang iyon nagdasal ako na makapaglakbay ako nang ligtas, at noong una ay inakala ko na hindi sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin. Ngunit hindi nagtagal natanto ko na sinagot Niya ito at hindi Niya ako iniwanang mag-isa. Sinagot ang aking panalangin sa pamamagitan ng isang handang maytaglay ng priesthood na ilang hakbang lamang ang layo ng tirahan mula sa pinangyarihan ng aksidente, isang aksidente na maaari sanang nagdulot ng mas malubhang pinsala sa akin.

Hindi ko makikilala ang mukha ng lalaking ito kung madaraanan ko siya sa kalsada. Hindi ko maaalala ang boses niya kung maririnig ko siyang bumati. Ngunit nagpapasalamat ako sa estrangherong ito na karapat-dapat at handang magbigay ng basbas ng priesthood nang kailanganin ko ito.

Paglalarawan ni Brian Call