Pagbabahagi ng Aking Patotoo sa Pamamagitan ng Musika
Felix Seidl, Germany
Bagama’t pinalaki ako sa Simbahan, hindi na ako gaanong naging aktibo noong 18 taong gulang ako. Kalaunan, noong lumipat na ako sa Frankfurt mula sa silangang Germany, niyaya akong tumira sa isang pamilyang miyembro ng Simbahan. Alam ko na maaaring pagkakataon ko na ito para magkaroon ng bagong simula at maging aktibong muli sa Simbahan.
Hindi nagtagal pagkalipat ko sa Frankfurt, tinawag ako bilang miyembro ng panguluhan ng sentro para sa mga young adult sa aming lugar. Bahagi ng tungkulin ko ang i-coordinate ang mga klase sa institute, family home evening, at iba pang mga aktibidad. Maraming dapat gawin, pero sulit naman dahil malaki ang naitutulong ng sentro sa mga young adult sa lugar.
Dahil sa tungkuling ito, nalaman ko ang tungkol sa koro ng mga young single adult at sumali ako. Pumunta ang koro sa Poland at sa Czech Republic para magtanghal ng konsiyerto. Napakagandang karanasan iyon, at gustung-gusto ko ang pagkakataong ibahagi ang aking patotoo sa pamamagitan ng musika. Lalo pa akong sumaya nang makatanggap ako ng e-mail makaraan ang ilang linggo na nagsasabi sa akin na may sumapi sa Simbahan dahil sa isa sa aming mga konsiyerto.
Dahil sinisikap kong gampanan ang aking tungkulin, nakatulong akong palakasin ang mga patotoo ng iba, at lumakas din ang sarili kong patotoo sa ebanghelyo.