2011
Magsimba Ka!
Agosto 2011


Magsimba Ka!

Dwight LeRoy Dennis, Utah, USA

Noong nasa junior high school ako, may nakilala akong babaeng Banal sa mga Huling Araw sa aking art class. Malaki ang naging impluwensya niya sa akin, at nabinyagan ako at naging miyembro ng Simbahan.

Nang makatapos na ako ng high school, nagpasiya sina Itay at Inay na lumipat kami mula sa California at tumira sa Idaho, USA. Ikinabit na namin ang aming trailer sa aming trak at nagbiyahe papuntang hilaga. Kalalampas lang namin sa Lovelock, Nevada, nang simulan kong bilisan ang pagmamaneho pababa sa isang maliit na burol. Dahil walang bakal na sumusuporta sa trailer, nagsimula itong pumaling sa magkabilang panig. Bigla kong tinapakan ang preno, at umigkas ang trailer, at napunta kami sa kanal sa gilid ng kalsada at tumiwarik ang trak sa isang panig at ang trailer naman sa kabilang panig.

Mabuti na lamang at walang nasaktan. Ngunit talagang nawasak ang loob at labas ng trailer. Ang panghatak ng trailer ay nabaluktot na parang pretzel, lahat ng bintana ay nangabasag, at lahat ng aming kagamitan ay nagkalat.

Dumating ang highway patrol at tumawag ng tow truck. Hindi alam nina Inay at Itay ang gagawin. Ang kaunti nilang pera ay napunta sa towing company. Sa sandaling ito ay nadama ko ang matinding pahiwatig na dapat akong magsimba kinabukasan, na araw ng Linggo. Inisip ni Itay, na hindi miyembro ng Simbahan, na nababaliw na ako. Kailangan naming tipunin ang aming mga kagamitan at ayusin ang trailer, at dahil pilay siya at mahina ang katawan, ako ang talagang gagawa o kikilos. Ngunit nagpumilit ang pahiwatig na magsimba ako. Hiniling ko kay Inay na kausapin si Itay para sa akin. Kinausap naman niya, at nagulat ako nang pumayag si Itay.

Pagsapit ng Linggo ng umaga nahanap ko ang meetinghouse sa lugar na iyon at umupo ako sa huling hanay ng upuan ng chapel nang magsisimula na ang sakrament miting. Ipinagdasal ko na gabayan ng Espiritu ang aming pamilya sa mahirap na sandaling ito.

Nang matapos ang miting, isa o dalawang tao ang nagpakilala sa akin, at maikli kong ikinuwento ang nangyari. Pagkatapos ay nagbalik na ako sa lugar na aming tinigilan at ginugol na ang nalalabing araw sa pagtulong sa paglilinis.

Kinaumagahan ng Lunes muli kaming nagsimulang maglinis nang biglang nagdatingan ang mga miyembro ng ward na dinaluhan ko at nag-alok ng tulong. Sinabi ng may-ari ng tindahan ng mga salamin sa lugar na iyon na papalitan niyang lahat ang mga bintana ng trailer nang walang bayad, at nag-alok ang isang welder na ituwid ang panghatak ng trailer nang libre.

Kaunti lang ang nasabi ni Itay at halatang namangha siya, naiyak naman si Inay sa pasasalamat, at nagpasalamat kami ng kapatid kong babae sa tulong. Nang patapos na ang maghapon, handa na kaming magpatuloy sa aming paglalakbay papuntang Idaho.

Bunga ng karanasang ito, nalaman ko na ang mga paramdam ng Espiritu ay tunay. Alam ko rin na ang ating mga dasal ay madalas sagutin ng ibang tao at ang pagtitiwala sa Panginoon ay nagdudulot ng kapayapaan at kagalakan sa ating puso.