2011
Pagmamahalan sa Tahanan—Payo mula sa Ating Propeta
Agosto 2011


Mensahe ng Unang Panguluhan

Pagmamahalan sa TahananPayo mula sa Ating Propeta

President Thomas S. Monson

Pinagpalang Buhay-Pamilya

“Ngunit kung marami na tayong naging karanasan at nakita natin na maraming bagay sa mundo ang panandalian at mababaw lamang, ang ating pasasalamat ay nadaragdagan sa pagkakataon na maging bahagi ng isang bagay na maaasahan natin—tahanan at mag-anak at ang katapatan ng mga mahal sa buhay. Nauunawaan natin ang kahulugan ng [mabuklod] sa pamamagitan ng tungkulin, paggalang, at [pagiging kabilang]. Natutunan natin na walang lubos na makakapalit sa pinagpapalang relasyon ng isang mag-anak.”1

Pagbabahagi ng Ating Pagmamahal

“Purihin ang inyong anak at yakapin siya; sabihing, ‘Mahal kita’ nang mas madalas; laging magpasalamat. Huwag gawing mas mahalaga kailanman ang problemang lulutasin kaysa taong kailangang mahalin. Lumalayo ang mga kaibigan, lumalaki ang mga bata, pumapanaw ang mga mahal sa buhay. Napakadaling balewalain ang iba, hanggang sa mawala sila sa ating buhay at madama nating ‘paano kung’ at ‘sana kung.’ …

“Maging masaya tayo sa buhay, magalak sa paglalakbay at bahaginan ng pagmamahal ang ating mga kaibigan at pamilya. Balang-araw, mawawalan ng bukas ang bawat isa sa atin. Huwag nating ipagpabukas ang pinakamahalaga.”2

Pagpapakita ng Ating Pagmamahal

“Mga kalalakihan, tratuhin natin ang ating asawa nang may dangal at paggalang. Sila ang ating makakasama sa walang-hanggan. Mga kababaihan, igalang ang inyong asawa. Kailangan nilang makarinig ng papuri. Kailangan nila ng magandang ngiti. Kailangan nilang madama ang init ng tunay na pagmamahal. …

“Sa inyo na mga magulang, sinasabi ko, mahalin ninyo ang inyong mga anak. Alam ninyong mahal ninyo sila, pero tiyaking alam din nila ito. Napakahalaga nila. Ipaalam ito sa kanila. Humingi ng tulong sa ating Ama sa Langit sa pag-aasikaso ninyo sa mga pangangailangan nila bawat araw at sa pagharap ninyo sa likas na mga hamon ng pagiging magulang. Higit pa sa sarili ninyong karunungan ang kailangan sa pagpapalaki sa kanila.”3

Pagpapadama ng Ating Pagmamahal

“Sa inyo na mga magulang, ipadama ang inyong pagmamahal sa inyong mga anak. Ipagdasal sila na malabanan nila ang mga kasamaan ng daigdig. Ipagdasal na lumago sila sa pananampalataya at patotoo. Ipagdasal na hangarin nila ang buhay ng kabutihan at paglilingkod sa iba.

“Mga bata, ipaalam sa inyong mga magulang na mahal ninyo sila. Ipaalam sa kanila kung gaano ang pasasalamat ninyo sa lahat ng ginawa nila at patuloy na ginagawa para sa inyo.”4

Ang Pinakamahalaga

“Ang pinakamahalaga ay halos palaging kinabibilangan ng mga tao sa paligid natin. Madalas akala natin na dapat ay alam nila na mahal natin sila. Ngunit huwag na huwag nating ipagpalagay na ganito; dapat nating ipaalam ito sa kanila. Isinulat ni William Shakespeare, ‘Hindi nagmamahal ang hindi nagpapakita ng pagmamahal.’ Hindi natin kailanman panghihinayangan ang magigiliw na salitang sinabi o ang ipinakitang pagmamahal. Sa halip, makadarama tayo ng panghihinayang kung hindi natin nagawa ang mga bagay na ito sa mga taong pinakamahalaga sa atin.”5

Higit na Ilapit ang Langit

“Sana ay mapuspos ng pag-ibig ang ating mga mag-anak at tahanan: pag-ibig sa bawat isa, pag-ibig sa ebanghelyo, pag-ibig sa kapwa-tao, at pag-ibig sa [ating] Tagapagligtas. Bunga nito, magiging mas malapit ang langit dito sa lupa.

“Sana ay magawa natin ang ating mga tahanan na mga kanlungan kung saan ang mga miyembro ng mag-anak ay magnanais palagi na bumalik.”6

Isang Dalangin para sa mga Pamilya

“Dahil ang pamilya ay sinasalakay ngayon sa mundo, at maraming bagay na matagal nang itinuturing na sagrado ang pinagtatawanan, hinihiling namin sa Inyo, aming Ama, na ipantay kami sa mga pagsubok na kinakaharap namin, upang matatag naming mapanindigan ang katotohanan at kabutihan. Nawa’y maging lugar ng kapayapaan, pagmamahal at espirituwalidad ang aming mga tahanan.”7

Mga Tala

  1. “Isang Kanlungan mula sa Mundo,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Peb. 9, 2008, 29.

  2. “Joy in the Journey” (Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 2, 2008), http://ce.byu.edu/cw/womensconference/archive/transcripts.cfm.

  3. “Lubos na Pinagpala,” Liahona, Mayo 2008, 112.

  4. “Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Mayo 2009, 113.

  5. “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay,” Liahona, Nob. 2008, 86.

  6. “Isang Kanlungan mula sa Mundo,” 30–31.

  7. Panalangin ng paglalaan para sa The Gila Valley Arizona Temple, Mayo 23, 2010; sa “The Gila Valley Arizona Temple: ‘Wilt Thou Hallow This House,’” Church News, Mayo 29, 2010, 5.

Paglalarawan ni John Luke