2011
Binasbasan ni Jesus ang mga Bata
Agosto 2011


Mga Kuwento Tungkol kay Jesus

Binasbasan ni Jesus ang mga Bata

Nag-aalalang umupo si Jairo at ang kanyang asawa sa gilid ng kama ng kanilang anak. Palala nang palala ang sakit ng kanilang anak habang lumilipas ang oras, at nangangamba sila na baka mamatay siya. Isa lang ang alam nilang makakatulong sa kanya.

Lumabas si Jairo sa mga kalsada ng Capernaum para hanapin si Jesus ng Nazaret. Alam ni Jairo na nakapagpagaling si Jesus ng mga tao. Siguro darating si Jesus at pagagalingin ang kanyang anak.

Sa dalampasigan nagtipon ang mga tao sa pinagbabaan ni Jesus mula sa bangka. Sumiksik si Jairo sa mga tao hanggang sa makalapit siya sa Panginoon. Lumuhod si Jairo at sinabi kay Jesus na maysakit at naghihingalo ang kanyang anak.

“Ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya’y gumaling, at mabuhay,” pagsamo ni Jairo.

Pumayag si Jesus, at sinundan sila ng maraming tao.

Nagmamadali silang sinalubong ng isang lalaki at sinabi nito kay Jairo na patay na ang kanyang anak. Huli na para pumunta pa si Jesus at tumulong. Sabi ni Jesus kay Jairo, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.”

Nang makarating sila sa bahay ni Jairo, nagkakagulo at nananangis ang mga tao. Maraming tao sa bahay, na humahagulgol sa lungkot.

Pumasok si Jesus sa bahay at sinabi sa kanila na huwag tumangis, dahil hindi patay ang bata kundi natutulog lang. Pinagtawanan ng ilang tao si Jesus. Alam nila na patay na ang bata.

Pagkatapos ay pinalabas ni Jesus ang maiingay na tao. Isinama niya si Jairo at ang asawa nito, pati ang Kanyang mga Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan, sa silid kung saan nakahiga ang bata.

Hinawakan ni Jesus sa kamay ang bata at sinabi, “Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.”

Bumangon ang dalaga. Namangha at nagalak ang kanyang mga magulang. Buhay ang kanilang anak!

May iba pang mga pagkakataon na pinagaling at binasbasan ni Jesus ang mga bata. Isang araw sa Perea, maraming tao ang nakapalibot sa Tagapagligtas, nakikinig habang Siya ay nagtuturo. Dinala ng ilang tao ang kanilang mga anak para makita si Jesus at mabasbasan Niya.

Nakita ng mga disipulo ni Jesus ang mga bata at tinangkang paalisin sila. Abala si Jesus sa maraming tao, at parang hindi mahalaga ang mga bata. Ngunit sinabi ni Jesus sa mga disipulo, “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan; sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.”

At isa-isang kinalong ni Jesus ang mga bata. Ipinatong Niya ang Kanyang mga kamay sa ulunan ng bawat isa at binasbasan sila. Sinabi ni Jesus sa matatanda na kailangan nilang maging mapagpakumbaba tulad ng mga bata.