2011
Ang Talinghaga ng Puno ng Saging
Agosto 2011


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Talinghaga ng Puno ng Saging

Maraming mga puno ng saging sa tinitirhan ko sa Sri Lanka. Malambot ang katawan ng mga ito, kaya’t madaling hiwain gamit ang kutsilyo, ngunit hindi pinuputol ng sinuman ang puno ng saging dahil mainam na prutas ang bunga nito.

Maraming taon na ang nakaraan noong maliit pa ako, nagkaroon ng napakalakas na bagyo. Nang matapos ito, lumabas ako at nakita ko na natumba sa unos ang isa sa aming mga puno ng saging; nabunot ito at natanggal ang mga dahon. Naisip ko na nakatutuwang putulin ang katawan ng sirang puno, kaya’t pumasok ako sa bahay at nakakita ako ng kutsilyo. Ngunit nang puputulin ko na, pinigilan ako ng aking lolo.

“Hindi mo dapat saktan ang puno ng saging,” sabi niya.

“Pero bakit po?” tanong ko. “Wala na po itong silbi, at nakakatuwang putulin.”

Wala nang sinabi pa ang aking lolo ngunit sumenyas na sumunod ako sa kanya. Nagpaputol siya sa akin ng isang kahoy. Pagkatapos ay ibinalik niya ako sa bakuran kung saan nakatumba ang puno ng saging. Kahit mukhang wala na itong silbi, nagtulong kami upang hilahin ito patayo. Nang tuwid na ang katawan nito, nilagyan namin ng suhay ang mahinang puno.

“Anton,” sabi ng aking lolo, “Gusto kong tingnan mo ang puno ng saging na ito sa bawat araw at tiyaking laging tuwid ito. Araw-araw kailangan mo itong diligan at pangalagaan.”

Kaya’t tuwing umaga ay tinitingnan ko ang puno ng saging upang matiyak na tuwid ang katawan nito. Araw-araw ay pinupuno ko ng tubig ang isang timba at maingat na ibinubuhos ito sa paligid ng mga ugat. Buong tiyaga kong pinangalagaan ang puno.

Hindi nagtagal may mga bulaklak na ito at, pagkatapos ay may mga saging na. Nang mahinog na ang prutas, binigyan ni Lolo ng isang saging ang bawat miyembro ng pamilya. Tuwang-tuwa akong nakamasid habang binabalatan at kinakain nila ito. Walang kasing-sarap ang mga saging na iyon, at nagalak ako na makitang nasisiyahan ang aking pamilya sa mga ito.

Nangyari iyan maraming taon na ang nagdaan, bago ko pa natagpuan Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit ang mga aral na natutuhan ko habang pinangangalagaan ko ang puno ng saging ay angkop pa rin sa buhay ko ngayon. Sa mga tungkulin ko sa Simbahan gayundin sa larangan ko sa medisina, madalas akong makakita ng mga taong nasa mahihirap na kalagayan. Gaya ng puno ng saging na iyon, ang mga taong ito ay pinabayaan, nawalan ng kagandahan, at wala nang patutunguhan—maging sa sarili nilang paningin. Kapag naiisip kong gusto ko nang sumuko sa kanila, naaalala ko ang matamis na bunga ng puno ng saging na iyon at nagkakaroon ako ng lakas-ng-loob na tulungan silang tumayo, lagyan sila ng suhay, pangalagaan sila, at malasakitan sila sa araw-araw gaya ng gagawin ng Tagapagligtas.

Ang mga saging na masayang kinain ng aking pamilya ay matatamis, ngunit may iba pang prutas na binabanggit sa Aklat ni Mormon—isang prutas na “napakatamis” at “kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga” (tingnan sa 1 Nephi 8:11–12). Magkakaroon tayo ng kagalakan sa pagtulong sa mga taong nahihirapang mahanap ang daan palabas sa abu-abo ng kadiliman at sa paggabay sa kanila upang makakain ng prutas o bunga na pinakamatamis sa lahat—ang bunga ng buhay na walang-hanggan.

Ang puno ng saging na sinira ng bagyo ay parang mamamatay na. Ngunit sa pamamagitan ng kaunting pagmamahal, pagmamalasakit, at araw-araw na pangangalaga, hindi lamang ito nakabangong muli kundi nagkaroon pa ng bunga.

Larawan ng © Superstock