Dalawang Pioneer sa Magkaibang Siglo
Isang batang lalaking taga Scotland. Isang batang babaeng taga Taiwan. Isa’t kalahating siglo ang pagitan ngunit pinag-ugnay ng pananampalataya.
Mahal kong Ebenezer, hindi mo ako kilala; hindi kailanman tayo nagkita.
Noong Nobyembre 17, 1830, ipinanganak ka sa Dunblane, Perthshire, Scotland, kina Andrew Bryce at Janet Adams Bryce. Ikaw ay pinangalanan nilang Ebenezer.
Makaraan ang isandaan at apatnapu’t tatlong taon, isinilang ako sa Hualien, Taiwan. Pinangalanan nila akong Ji-Jen Hung.
Nagsimula kang magtrabaho sa mga daungan ng barko sa edad na 10. Kalaunan ikaw ay naging isang apprentice at naging napakahusay sa iyong trabaho.
Sa edad na apat sinimulan kong isaulo ang mga times table at Chinese phonetic symbol. Hindi madali, ngunit nakaya ko.
Sa tagsibol ng 1848, nagkaroon ka ng interes sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bagama’t hindi nagkaroon ng gayong interes ang iyong ama, pamilya, at mga kaibigan. Ginawa nila ang lahat ng maaari nilang gawin para hikayatin kang talikuran ang Simbahan. Ikinakandado pa ng iyong ama ang lalagyan mo ng mga damit para hindi ka makadalo sa mga pulong sa Linggo. Ngunit matatag ang iyong pananampalataya. Sa kabila ng pang-uusig patuloy ka pa ring nagsikap.
Noong Disyembre 4, 1986, dalawang Amerikanong misyonero mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kumatok sa pinto ng bahay ng aking ama. Bagama’t pinayagan ni Itay na regular na bumisita ang mga misyonero, hindi siya kailanman naging interesado sa mensahe. Makaraan ang ilang buwan hiniwalayan niya si Inay at muling nag-asawa.
Nang ipaalam ni Itay sa mga misyonero ang malungkot na balita ng pagkawasak ng aming pamilya, sinabi din niya sa kanila na huwag nang bumalik.
Iniwan ng mga misyonero ang isang kopya ng Aklat ni Mormon na may address ng pinakamalapit na simbahan na nakasulat sa pabalat sa loob at sinabing, “Mananatili pa rin kaming mga kaibigan mo. Kung mayroon kaming anumang magagawa para sa inyong pamilya, magpunta kayo sa address na ito, at makikita ninyo kami roon.”
Ang pamamaalam sa mga misyonero nang gabing iyon ay mahirap, dahil nadama kong may bagay na mahalaga sa kanilang mensahe.
Tumira na sa amin ang aming madrasta. Naging malupit sila ni Itay, at naging mahirap ang buhay, at ako’y naging balisang tinedyer.
Isang gabi, nang hindi ko na matiis ang malupit na pakikitungong iyon, tumakbo ako palabas sa pintuan na takot na takot at nagtago sa mga palayan, malungkot, at walang pag-asa. Gusto kong tumakas, pero wala akong mapuntahan.
Bigla kong naalala ang sinabi ng mga elder noong huli silang bumisita. “Ang unang gagawin ko bukas, babalik ako para hanapin ang mga kaibigan ko!” ang nasabi ko sa aking sarili, habang nakadarama ng kapayapaan sa aking kalooban sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon.
Maagang-maaga kinabukasan sumakay ako sa aking bisikleta at nagpunta sa bayan patungo sa simbahan, ngunit ang mga elder na bumisita noon sa aking pamilya dalawang taon na ang nakararaan ay nakauwi na. Nang susuko na sana ako, dalawang mabait na babae na may suot ding itim na name tag sa kanilang coat ang lumapit sa akin at nagpakilala.
Mahal kong Ebenezer, sa kabila ng pagtutol ng iyong ama, ikaw ay bininyagan noong Abril 1848, ang tanging nabinyagan sa inyong pamilya.
Isang buwan matapos kong makilala ang mga misyonera, ako ay bininyagan, noong Nobyembre 1988, ang unang miyembro sa aking pamilya.
Ngunit dahil kay Itay at kay Tiya ay nahirapan akong magsimba.
Isang araw pagkauwi ko mula sa isang aktibidad sa Young Women, pumasok si Itay sa silid, minura ako, hinablot ang aking mga banal na kasulatan, at pinagpupunit ito. Lumutang at lumipad sa hangin ang mga puting piraso ng papel, dahan-dahang bumagsak sa sahig, kung saan din tumulo ang aking mga luha.
Isang bangungot iyon na hindi ko matakasan.
Nang tumuntong ako sa edad na 21, nagkaroon ako ng matinding hangarin na maglingkod sa full-time mission. Bilang tugon, itinakwil ako ni Itay. Pagsapit ng gabi ng Chinese New Year, kung kailan karamihan sa mga tao ay umuuwi para makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay, pinalayas ako sa aming tahanan.
Mahal kong Ebenezer, nang hindi mo na matiis ang pagpapahirap mula sa iyong pamilya at mga kaibigan, nagpasiya kang mandayuhan sa Amerika mula sa Scotland upang makasama ang mga Banal sa mga Huling Araw at tumawid sa mga kapatagan papuntang Utah. Galit na galit ang iyong ama. Inutusan ka niyang lumagi o manatili, pero ikaw ay isang binatang matatag ang paninindigan. Noong araw na sumakay ka ng barko ay iyon na ang huling araw na nakita mo siya.
Ang buhay bilang isang 17-taong gulang na nandayuhan ay hindi naging madali para sa iyo, Ebenezer, ngunit nakayanan mo. Ang iyong karanasan at husay sa karpinterya, pagtatayo ng gilingan o kiskisan, at paggawa ng barko ay kaagad na nagamit. Tinawag ka upang magtayo ng isang kapilya sa Pine Valley, Utah. Kahit hindi ka pa nakapagtayo kailanman ng isang kapilya, hindi ka nag-atubiling tanggapin ang tawag o tungkulin. Ngayon ang gusaling iyan ang pinakamatandang kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw na ginagamit pa rin sa kasalukuyan.
Kalaunan natuklasan mo ang kagila-gilalas na likas na tanghalan na ngayon ay nagtataglay ng iyong pangalan, ang Bryce Canyon National Park.
Noong Hunyo 4, 1994, nagreport ako sa Taiwan Taichung Mission bilang full-time missionary. Ikinabit ko na ang itim na name tag sa aking coat, gaya ng mga elder na dumalaw noon sa aming pamilya. Nakadama ako ng pagpapakumbaba. Ikinarangal ko ito. Ako’y pinagpala.
Pagkatapos ng aking misyon nanirahan ako sa Utah, kung saan ko natagpuan ang aking asawa. Ikinasal kami sa templo para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Sa pamamagitan ng angkan ng aking asawa, nagkaroon ako ng kaugnayan sa iyo.
Mahal kong Ebenezer, hindi mo ako kilala. Hindi tayo kailanman nagkita. Ngunit marami akong narinig na kuwento tungkol sa iyo. Hindi tumigil ang iyong mga paa sa paglalakbay. Hindi tumigil ang iyong mga kamay sa paggawa o pagtatrabaho. Hindi kailanman tumigil sa paniniwala ang iyong puso. Hindi ka kailanman tumigil sa paglilingkod. Pagkaraan ng maraming taon, ang iyong tapat na halimbawa ay nagbibigay-sigla pa rin sa akin. Salamat sa iyo, mahal kong Ebenezer. Salamat!