Quiz Mga Asawa ng mga Propeta
Mula kay Emma Smith hanggang kay Frances Monson, ang mga asawa ng mga Pangulo ng Simbahan ay nanatiling matatapat na katuwang ng kanilang mga asawa. Sa kanila at sa iba pang matatapat na kababaihan, sinabi ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Panginoon ay hindi kailanman nagpapadala ng mga apostol at propeta at matwid na kalalakihan para mamuno sa kanyang mga tao nang hindi sila binibigyan ng kababaihang makakasama sa buhay na kapantay nila ang espirituwalidad.”1 Tutulungan kayo ng quiz na ito na malaman ang ilang nakatutuwang detalye tungkol sa mga matatag na asawa ng walong propeta sa mga huling araw.
1. Ang babaeng ito ay bininyagan noong 1834 at kalaunan ay naglakbay nang 1,000 milya (1,600 km) nang mag-isa para makasama ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland, Ohio, USA. Nangako siya sa kanyang ina na babalik siya kapag nalaman niyang hindi totoo ang Simbahan, ngunit nanatili siya sa piling ng mga Banal sa mga Huling Araw sa nalalabing panahon ng kanyang buhay.
2. Ang dalagang ito ay pinahanga ng kanyang magiging asawa noong mga tinedyer pa sila nang ayusin ng lalaki ang bakuran ng kanyang mga magulang para makapaghanda ng salu-salo na kasingrangya ng inihahanda ng ibang mas mayayamang binata sa kanilang lugar.
3. Mahilig magbasa ang dalagang ito noon pa mang bata siya, madalas siyang magbasa sa mga oras na inaakala ng iba na tulog na siya, nagliligpit ng higaan, o nagpapraktis sa organo.
4. Noong walong taong gulang siya, nagpunta sa kakahuyan ang batang ito para magdasal. Ipinagdasal niya ang kanyang ama, na hindi matibay ang pananampalataya kay Cristo. Nang magpunta sa kakahuyan ang kanyang ama para mangaso, narinig nito ang dalangin ng kanyang anak. Lumambot ang puso ng ama, at siya ay naging mas matapat.
5. Sa unang pakikipagdeyt ng dalagang ito sa kanyang mapapangasawa, hinagkan ng kanyang ama’t ina ang kanyang kadeyt sa pisngi. Nang hanapin ng binata ang kadeyt, ito lang ang sinabi ng dalaga, “Kukunin ko lang ang pangginaw ko.”2
6. Nag-aral ang babaeng ito sa University of Utah at sa Cincinnati College of Music, kung saan siya natuto ng mga kasanayan sa pamamahay. Nakahiligan niya ang panitikan, drama, at ang sining at naging mahusay sa musika.
7. Bilang estudyante sa kolehiyo, ginampanan ng dalagang ito ang papel ng bida na si Viola sa Twelfth Night ni Shakespeare at naging tagapangulo ng junior prom committee, pangulo ng Girls’ Athletic Club, at pangalawang pangulo ng student body.
8. Napakahusay magbasa ng babaeng ito noong nasa Primary pa siya, kumpleto sa tamang pagbigkas at paggalaw. Sinabi ng kanyang asawa kalaunan tungkol sa isa sa kanyang mga pagbabasa, “Hindi ko alam kung ano ang ginawa nito sa akin, pero hindi ko na ito nalimutan kailanman. At lumaki siya na isang magandang dalaga, at hindi ako nagkamali na pinakasalan ko siya.”3