Gusto Kong Madamang Muli ang Espiritu
Victoria Mikulina, Russia
Noong ako ay 16 anyos, sumali ako sa student foreign-exchange program sa loob ng isang taon. Mula sa tahanan ko sa Ukraine, nagpunta ako sa isang munting bayan sa Arizona, USA, kung saan ako nakitira sa isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Hindi ko pa narinig ang tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw noon.
Hindi pinayagan ng exchange program ang pamilya na turuan ako, at hindi ako pinayagang makipagkita sa mga misyonero. Ngunit pinili kong magsimba kasama ang pamilyang kumupkop sa akin at makibahagi sa lahat ng aktibidad ng Simbahan.
Nadama ko ang Espiritu sa pamilyang iyon, at lubos kong nadama ang pagmamahal sa Simbahan. Sa panahong iyon hindi ko alam na ang nadarama ko ay ang Espiritu, ngunit naantig ang puso ko.
Nang bumalik ako sa Ukraine, gustung-gusto kong madamang muli iyon. Naalala ko ang buhay ko noong nagsisimba ako at namumuhay ayon sa mga turo ng ebanghelyo. Natanto ko ang nawala sa akin, pero walang simbahan at mga misyonero sa lugar na tinitirhan ko, kaya inakala ko na hindi ko na muling madarama iyon kahit kailan.
Gayunman, makalipas ang apat na taon, kumatok sa pintuan ko ang ilang misyonero. Napakasaya ko nang makita ko sila. Habang naghahanap sila ng tuturuan, nakinig sila sa Espiritu, na umakay sa kanila papunta sa bahay ko. Lubos akong nagpapasalamat na sumunod sila. Hindi nagtagal ay nabinyagan at nakumpirma ako.
Mula noon naibuklod na ako sa Stockholm Sweden Temple sa aking asawa, na isang nakabalik nang misyonero na taga-Russia. At ngayon may templo na sa Kyiv. Plano naming regular na dumalo roon.
Ang templo ang pinakakahanga-hangang lugar sa mundo. Ito ang lugar kung saan magiging malapit kayo sa Ama sa Langit. Lubos akong nagpapasalamat na matatanggap natin sa templo ang isa sa mga pinakadakilang kaloob sa atin ng Ama sa Langit: ang mabuklod nang walang hanggan bilang pamilya.
Nagpapasalamat ako sa mga miyembro ng pamilyang iyon na Banal sa mga Huling Araw na tumulong sa akin na madama ang Espiritu, na nagpasimula sa paglalakbay ko na aakay sa akin para magkaroon ng sarili kong pamilya na ibinuklod nang sama-sama magpakailanman.