2011
Paano ako sasagot kapag sinabi ng mga kaibigan ko na walang taong maaaring makakita sa Diyos?
Agosto 2011


Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ako sasagot kapag sinabi ng mga kaibigan ko na walang taong maaaring makakita sa Diyos?”

Marahil ay nabasa na ng mga kaibigan mo ang ilang talata sa Biblia na nagsasabing hindi maaaring makita ng tao ang Diyos (tingnan sa Exodo 33:20; Juan 1:18; I Kay Timoteo 6:14–16; I Juan 4:12). Ang mga talatang ito ay tila salungat sa iba pang mga talata sa Biblia na nagsasabi na nakita na ng kalalakihan—tulad nina Jacob, Abraham, Moises, at Isaias—ang Diyos (tingnan sa Genesis 18:1; 32:30; Exodo 33:11; Isaias 6:1).

Mabuti na lang at mayroon tayong Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, na naglilinaw sa apat na banal na kasulatang nagsasabi na hindi maaaring makita ng tao ang Diyos. Ipinaliliwanag ng mga binigyang-inspirasyong rebisyon ng Propeta sa mga talatang iyon na hindi maaaring makita ng mga taong makasalanan ang Diyos—tanging ang mga nananalig lamang. At magkagayunman, kailangang magbago ang isang matwid na tao—magbagong-anyo—upang makita ang Diyos (tingnan sa D at T 67:11). Sa kuwento sa Mahalagang Perlas na nakita ni Moises ang Diyos, ipinaliwanag ni Moises na ang kanyang espirituwal, hindi likas, na mga mata ang nakakita sa Diyos (tingnan sa Moises 1:11).

Maaari mong ipaalam sa mga kaibigan mo na “naniniwala [tayo] na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8). Maaari ka ring magpatotoo tungkol kay Joseph Smith at sa mga banal na kasulatan sa mga huling araw, na nagpapaunawa sa atin na “ang mga may malinis na puso … [ay] makikita ang Dios” (Mateo 5:8).

Espirituwal Siyang Makita

Itinuro ni Alma na lahat ng aspeto ng kalikasan ay nagpapatunay na may kataas-taasang Lumikha dahil sa walang-hanggang kasalimuotan at kaayusan nito (tingnan sa Alma 30:44). Malaking pagkakataon ito para mapatotohanan mo sa iyong mga kaibigan na nadarama mo ang Kanyang presensya sa buhay mo araw-araw sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaari mo ring ipaliwanag na hindi natin kailangang makita ang Diyos para maniwala na nariyan Siya. Kaya nga tayo may pananampalataya. Kung nakikita natin Siya, hindi na tayo gaanong magsisikap na paniwalaan at sundin Siya habang tayo ay nabubuhay. Darating ang panahon na makikita natin Siya sa kabilang-buhay. Hanggang sa sumapit ang panahong iyon, sapat na ang pananalig mo para espirituwal na makita ang patnubay Niya sa iyong buhay.

Janel E., edad 18, Washington, USA

Mahal Ako ng Diyos

Isang kasama ko sa kuwarto ang nagtanong kung paano ko napaniwalaan ang isang bagay na hindi ko nakikita. Sumagot ako na iyon ay dahil nadarama ko ang Espiritu Santo, na nagpapatotoo na kilala ako ng Diyos, at nagpapalakas ito ng aking pananampalataya at pumapayapa sa aking kaluluwa. Hindi ko Siya nakikita, pero alam kong mahal Niya ako dahil sumasampalataya ako at nadarama ko ang Kanyang Espiritu.

Samuel P., edad 18, Lara, Venezuela

Buksan ang Ating Puso

Iilang tao pa lamang ang nakakita sa Diyos nang mabuhay sila sa mundo, pero lahat tayo ay naapektuhan. Nakikita natin ang lahat ng nilikha Niya, lahat ng biyayang ibinibigay Niya, at nadarama nating lahat ang Kanyang pagmamahal. Lubos ko itong nadarama kapag nagpapatotoo ako. Kapag binuksan natin ang ating mga mata at puso, makikita natin ang Diyos sa buong paligid natin, gayundin sa isa’t isa, na Kanyang mga anak.

Katelyn E., edad 16, California, USA

Tatayo Tayo sa Kanyang Harapan

Kapag itinatanong ng mga kaeskuwela ko kung bakit ako nananalig sa Diyos gayong hindi ko pa Siya nakita kahit kailan, ipinaliliwanag ko na hindi natin nakikita ang Diyos dahil hindi pa panahon para makita natin Siya. Kapag nabuhay tayong mag-uli, haharap tayo sa Kanya para hatulan (tingnan sa D at T 137:9). Pagkatapos ay ibinabahagi ko ang aking patotoo at ipinaliliwanag ko na ang ibig sabihin ng sumampalataya ay manalig at magkaroon ng pag-asa. Kung sumasampalataya sila, makikita nila ang Diyos na tulad ng pagkakita ko sa Kanya—sa aking puso.

Daiana V., edad 18, Santa Cruz, Argentina

Alam Niyang Totoo Ito

Isang araw tinuruan naming magkompanyon ang isang mag-asawa, at sinabi namin sa kanila na nagpakita ang Ama at ang Anak kay Joseph Smith bilang sagot sa kanyang panalangin. Sinabi ng lalaki na walang taong maaaring makakita sa Diyos. Agad tumunog ang alarma sa relo ko, para ipaalam na kailangan na naming umuwi. Nilisan namin ang kanilang tahanan nang hindi sinasagot ang pahayag na iyon.

Kinabukasan may nabasa akong talata sa Biblia na nagsasabing, “Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay pakikilala sa kaniya sa pangitain” (Mga Bilang 12:6). Alam ko na makakatulong ang talatang ito para maniwala ang lalaking ito.

Oras na para bumisita kami ulit, at tinalakay namin ang tungkol sa mga propeta. Ipinakita ko sa kanya ang talatang ito, at nagbago ang kanyang mukha. Napuno ng luha ang kanyang mga mata, at sinabi niyang, “Totoo ito. May mga taong inihanda upang makita ang Diyos.” Kalaunan ay tinuruan namin siya tungkol sa mga propeta sa Aklat ni Mormon na nakakita na sa Diyos, at alam niyang totoo ito.

Elder Diaz, edad 25, Mexico Mérida Mission

Pananampalataya na Mayroong Diyos

Karaniwan ay hindi natin nakikita ang Diyos, pero madarama mo ang Kanyang Espiritu. Gusto Niyang makilala mo Siya sa pagbabasa mo ng mga banal na kasulatan at pagsampalataya sa Kanya. Kung sumasampalataya ka sa Kanya, hindi mo na Siya kailangang makita para makilala kung sino Siya at na Siya ay buhay. Ang mga propeta, tulad nina Moises at Joseph Smith, na talagang nakakita sa Diyos ay kinailangang magbagong-anyo upang makita Siya.

Aaron F., edad 12, Oregon, USA

Magpatotoo

Minsan ay itinanong ito ng isang kaibigan ko, at tinanong ko siya kung saan niya nakuha ang ideyang ito. Sinabi niya sa akin na isang lalaki ang nagpakita nito sa kanya sa Biblia. Pagkatapos ay naalala ko ang Juan 1:18, kung saan sinabi niya na walang taong maaaring makakita sa Panginoon. Sa tulong ng seminary, naalala ko ang iba pang mga talata sa Biblia na nagsasabi na ang kalalakihang tulad nina Moises at Jacob, na puspos ng Espiritu Santo, ay nakita ang Diyos. Kaya nasagot ko ang kaibigan ko nang may tiwala at nagpatotoo ako.

Luis M., edad 17, Mato Grosso, Brazil