2011
Tumulong Upang Sumagip
Agosto 2011


Mga Klasikong Ebanghelyo

Tumulong Upang Sumagip

Si Gordon B. Hinckley ay itinalaga bilang ika-15 Pangulo ng Simbahan noong Marso 12, 1995. Siya ang nanguna sa pagtatayo ng maliliit na templo, at ipinaalam ang 79 na mga bagong templo noong kanyang panunungkulan sa panguluhan. Si Pangulong Hinckley ay naaalala rin sa kanyang paglalakbay upang bisitahin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mahigit 60 mga bansa. Ang kasunod na artikulo ay hango sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na ibinigay niya noong Oktubre 6, 1996. Para sa buong mensahe, puntahan ang conference.lds.org.

President Gordon B. Hinckley

Lahat tayo ay kailangang paalalahanan tungkol sa nakalipas. Sa kasaysayan tayo nakakakuha ng kaalaman na magliligtas sa atin para hindi na natin ulitin pa ang mga pagkakamali at ito ang gawin nating saligan para sa hinaharap. …

Ibabalik ko kayo sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1856. Sa Sabado ng kumperensyang iyon si Franklin D. Richards at ilang mga kasamahan niya ay dumating sa [Salt Lake Valley]. Naglakbay sila mula sa Winter Quarters na malalakas ang kanilang mga baka at magagaan ang bagon at nasiyahan sila sa paglalakbay. Kaagad hinanap ni Brother Richards si Pangulong Young. Inireport niya na daan-daang kalalakihan, kababaihan, at mga bata ang nakakalat sa mahabang landas mula sa Scottsbluff papunta sa lambak na ito. Karamihan sa kanila ay may hilang mga kariton. May kasama silang dalawang bagon na inatasang umalalay sa kanila. Narating nila ang lugar na huling tatawiran sa North Platte River. Nasa unahan nila ang isang landas na paakyat sa burol hanggang sa Continental Divide at milya-milya pa ang landas pagkalagpas doon. …

Kinaumagahan nagpunta si [Pangulong Young] sa lumang Tabernacle na nakatayo sa [Temple Square]. Sinabi niya sa mga tao:

“… Marami sa ating mga kapatid ang nasa mga kapatagan na may hilang mga kariton, at malamang marami ngayon ang pitong daang milya ang layo mula sa lugar na ito, at kailangan silang madala rito, kailangan natin silang mapadalhan ng tulong. …

“Iyan ang aking relihiyon; iyan ang dikta ng Espiritu Santo na sumasaakin. Ang iligtas ang mga tao.

“Mananawagan ako sa mga Bishop sa araw na ito. Hindi na ako makapaghihintay pa hanggang bukas, ni sa susunod na araw, para sa 60 mahuhusay na grupo ng mga buriko at 12 o 15 mga bagon. Ayaw kong magpadala ng mga kapong baka. Ang gusto ko’y mahuhusay na kabayo at buriko. Narito na sila sa Teritoryong ito, at kailangang makuha na natin sila. At kailangan din ng 12 tonelada ng harina at 40 mahuhusay magpatakbo ng bagon, bukod sa mga nagpapatakbo sa mga hayop.

“Sasabihin ko sa lahat na ang inyong pananampalataya, relihiyon, at pananalig sa relihiyon, ay hindi makapagliligtas ni isang kaluluwa sa inyo sa Kahariang Selestiyal ng ating Diyos, maliban kung ipamuhay ninyo ang mga tuntuning itinuturo ko sa inyo ngayon. Humayo kayo at dalhin dito ang mga taong nasa kapatagan.”1

Nang hapong iyon, maraming pagkain, matutulugan, at damit ang tinipon at inayos ng kababaihan.

Kinaumagahan, nilagyan na ng sapatos ang mga kabayo at kinumpuni ang mga bagon at kinargahan ng pagkain at kagamitan.

Nang sumunod na umaga, Martes, 16 na kabayo at burikong may hilang mga bagon ang tumulak papuntang silangan. Pagsapit ng katapusan ng Oktubre, may 250 kabayo at buriko na ang nasa lansangan upang tumulong.

Magagandang sermon ang naipangaral na mula sa pulpitong ito, mga kapatid. Ngunit walang mas huhusay pa sa mga sinabi ni Pangulong Young sa pagkakataong iyon.

… Ang mga kuwento ng pagkasagip sa kanila ay kailangang ulit-ulitin. Ipinakikita ng mga ito ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo. …

… May ilan sa ating mga miyembro na lumuluha dahil sa hirap at dusa at kalungkutan at pangamba. Tayo ay may malaking tungkulin na lapitan at tulungan sila, bigyang-sigla sila, pakainin sila kung sila ay nagugutom, pangalagaan ang kanilang mga espiritu kung sila’y nauuhaw sa katotohanan at kabutihan.

Napakaraming kabataan ang walang direksiyon ang buhay at sa kasawiang-palad ay nabubuhay sa droga, masasamang barkada, kahalayan, at sa mga problemang kaakibat ng mga bagay na ito. May mga balong naghihintay ng mga kaibigan at mga taong buong pagmamahal na magmamalasakit sa kanila. May mga taong aktibo at puno ng patotoo noon sa Simbahan ngunit ngayon ay nanlamig na. Marami sa kanila ang gustong bumalik ngunit hindi nila alam kung paano gawin ito. Kailangan nila ng mga kaibigan na lalapit at tutulong sa kanila. Sa kaunting pagsisikap, marami sa kanila ang maaaring muling maibalik sa piging ng hapag ng Panginoon.

Mga kapatid, umaasa ako, dumadalangin ako, na bawat isa sa atin … ay magpapasiyang hanapin ang mga taong nangangailangan ng tulong, na nasa mapanganib at mahirap na kalagayan, at bigyang-sigla sila sa diwa ng pagmamahal tungo sa Simbahan, kung saan naroon ang malalakas na kamay at mapagmahal na mga puso na malugod na tatanggap sa kanila, na aalo sa kanila, magtataguyod sa kanila, at maghahatid sa kanila sa maligaya at kapaki-pakinabang na buhay.

Iniiwan ko sa inyo minamahal kong mga kaibigan, mga kasamahan ko sa napakagandang gawaing ito, ang aking patotoo sa katotohanan ng gawaing ito, ang gawain ng Makapangyarihan, ang gawain ng Manunubos ng sangkatauhan.

Tala

  1. Brigham Young, sinipi sa LeRoy R. Hafen and Ann W. Hafen, Handcarts to Zion (1960), 120–21.

SIMULA NG PAG-ASA, NI A. D. Shaw