Nakatuon sa Aklat ni Mormon ang Isyu ng Liahona at Ensign sa Oktubre
Ang mga magasin ng Simbahan ay naglalathala paminsan-minsan ng isyu na nakatuon sa isang mahalagang paksa. Sa taong ito ang isyu ng Liahona at Ensign sa Oktubre ay nakalaan sa Aklat ni Mormon.
Ang isyu ay magtutuon sa tatlong mahahalagang tanong: Ano ang Aklat ni Mormon? Bakit tayo may Aklat ni Mormon? Ano ang kabuluhan ng Aklat ni Mormon sa akin?
Ang isyu ay kabibilangan ng kasaysayan ng Aklat ni Mormon, mga personal na karanasan dito ng mga miyembro, mga mungkahi sa pag-aaral ng banal na kasulatan, at impormasyon kung paano ito naaangkop sa ngayon. Ang mga patotoo at pananaw tungkol sa Aklat ni Mormon mula sa 15 buhay na propeta at apostol, gayon din mula sa lahat ng nagdaang Pangulo ng Simbahan, ay isasama sa buong isyu.
“May lakas sa mga patotoo ng mga namumuno sa Simbahan,” sabi ni Jenifer Greenwood, assistant managing editor ng Liahona. “Ang kanilang patotoo ay batay sa Aklat ni Mormon, ang saligang bato ng ating relihiyon. Malaki ang hangad naming madama ng mga miyembro ang mga patotoong iyon.”
Hinihikayat ang mga miyembro na gamitin ang isyu sa dalawang paraan, sabi ni Elder Paul B. Pieper ng Pitumpu, Executive Director ng Curriculum Department.
“Una, dapat itong pag-aralang muli ng mga miyembro at misyonero para sa kanilang ikabubuti at upang mapalakas ang kanilang patotoo sa Aklat ni Mormon,” wika niya. “Pangalawa, dapat nilang ibahagi ang magasin sa iba, pati na sa di-gaanong aktibong mga miyembro at hindi miyembro ng Simbahan.”
“Hangad namin na ang isyung ito ang maging unang hakbang para talagang basahin ng mga tao ang Aklat ni Mormon mismo at muling ituon ang kanilang sarili rito,” sabi ni Sister Greenwood. “Magandang pag-usapan ang Aklat ni Mormon, magbasa tungkol sa Aklat ni Mormon, at malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa Aklat ni Mormon, ngunit ang Aklat ni Mormon mismo ang nagpapabago, na mas naglalapit sa mga tao sa Diyos.”
Ang Aklat ni Mormon ay nakalagpas sa mga pagsubok, at siyang pundasyon ng ebanghelyo ni Jesucristo.
“Inihanda ang isyung ito sa pag-asang magdudulot ito ng inspirasyon sa mga pamilya at indibiduwal kapag hinangad nilang maunawaan, ipamuhay, at ibahagi sa iba ang mga turo ng Aklat ni Mormon,” sabi ni Elder Pieper.
Ang isyu sa Oktubre ay makukuha sa 42 wika. Hinihikayat ang lahat ng miyembro na maging pamilyar sa nilalaman nito. May 39 na wika pang tatanggap ng Mensahe ng Unang Panguluhan at Mensahe sa Visiting Teaching mula sa isyu. Ang buong isyu ay makukuha rin online sa maraming wika sa mga web page ng Liahona at Ensign.
Ang mga miyembrong nais kumuha ng suskrisyon, magregalo ng suskrisyon, o magkaroon ng mga ekstrang kopya ng isyu tungkol sa Aklat ni Mormon ay maaaring puntahan ang kanilang pinakamalapit na Distribution Services store o bisitahin ang store.lds.org.