Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
Pagtataglay ng Kanyang Pangalan sa Aking Sarili
“Walang ibang pangalang ibinigay kung saan ang kaligtasan ay darating; kaya nga, nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo” (Mosias 5:8).
Ilang linggo pa lang ako sa misyon, nalungkot na ako at nangulila sa pamilya ko. Gustung-gusto kong maging misyonero, ngunit mas mahirap pala ang gawain kaysa inasahan ko. Nangulila ako sa mga kaibigan at pamilya ko, at sa lahat ng pamilyar na bagay na naiwan ko sa amin. Sa personal na pag-aaral ko isang umaga, nakaupo ako nang tahimik, at ipinihit-pihit ko ang missionary name tag ko na hawak ko, na iniisip kung gaano ang pag-asam ko sa kapaligirang pamilyar sa akin. Kahit marinig ko man lamang sana ang isang tao na tawagin ako sa pangalan ko.
Habang nakatingin ako sa name tag ko, napansin ko na bagaman wala ang pangalan ko sa tag, nakita ko ang apelyido ko, ang pangalan ng Simbahan, at ang pangalan ng Tagapagligtas na nakaukit doon. Bigla kong naunawaan ang isang bagay na nagpabago kapwa sa aking pananaw at pag-uugali. Natanto ko na bilang misyonero naroon ako hindi para katawanin ang sarili ko. Sa halip naglilingkod ako upang katawanin ang pamilyang naiwan ko sa bahay at, higit sa lahat, kinakatawan ko ang aking Tagapagligtas at ang Kanyang Simbahan. Inilagay ko ang name tag sa bulsa ng polo ko, sa ibabaw mismo ng puso ko. Nang gawin ko ito, ipinangako ko sa aking Tagapagligtas na mas lubos ko Siyang isasapuso’t isipan.
Hindi ko na hinangad na marinig ang pangalan ko nang umagang iyon. Mula noon nagtrabaho ako at naglingkod sa abot ng makakaya ko, at may pagmamalaking suot ko ang name tag ko araw-araw. Sa mga panahong pinanghinaan ako ng loob, tinitingnan ko ang name tag ko, at naalala ko ang responsibilidad kong sundin ang halimbawa ni Jesucristo.
Sinikap kong taglayin ang Kanyang pangalan sa aking sarili nang mas lubusan at maging higit na katulad Niya. Nang gawin ko ito, mas minahal ko ang aking mga kompanyon at ang mga taong pinaglingkuran ko, lumakas ang aking patotoo, at nagalak ako sa gawaing misyonero. Kinalimutan ko ang aking sarili at nagtuon ako sa paglilingkod sa Panginoon.
Ilang taon na akong nakauwi buhat sa aking misyon, ngunit may pagkakataon pa rin akong taglayin ang pangalan ng Tagapagligtas sa aking sarili. Katunayan, bilang mga miyembro ng Simbahan, lahat tayo ay nangangakong tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo tuwing araw ng Sabbath kapag tumatanggap tayo ng sakrament. Sa paggawa nito, nangangako tayo na kakatawanin natin ang ating Tagapagligtas sa abot ng ating makakaya at sisikapin nating maging higit na katulad Niya. Tulad ng itinuro ni Haring Benjamin: “Nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo. … Sinuman ang gagawa nito ay matatagpuan sa kanang kamay ng Diyos, sapagkat malalaman niya ang pangalang itatawag sa kanya; sapagkat siya ay tatawagin sa pangalan ni Cristo” (Mosias 5:8–9). Sa pagtataglay ng Kanyang pangalan sa ating sarili, makakakita tayong lahat ng higit na layunin at galak sa ating misyon dito sa lupa.