2011
Iniligtas Kami ni Inay
Agosto 2011


Mga Kabataan

Iniligtas Kami ni Inay

Noong anim na taong gulang ako, pinanood namin ng kapatid kong mas bata sa akin ang basketball game ni Ate. Umalis si Itay, at maya-maya ay nagpasiya kaming sumabay sa kanya pauwi, kaya’t hinabol namin siya sa gitna ng ulan. Nang hindi namin siya makita, bumalik kami sa gym para sumabay kay Inay pauwi, ngunit pagpasok namin sa gym, wala nang tao.

Naaalala ko na sumiksik kami sa may pintuan, sa pagsisikap na hindi kami mabasa ng ulan ng kapatid ko, habang nagdarasal na sana ay may sumundo sa amin. Pagkatapos ay naaalala ko na narinig kong sumara ang pinto ng pulang sasakyan namin, at tinakbo namin ang pinagmulan ng tunog na iyon. At nangyari ang isa na ngayon sa mga pinakamalilinaw na alaala noong bata pa ako: niyakap kami ni Inay “tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak” (3 Nephi 10:4). Iniligtas kami ng aking ina, at sa sandaling iyon lamang ako napanatag nang husto.

Kapag iniisip ko ang kanyang impluwensya sa akin, nakikita ko na itinuro sa akin ng buhay ng aking ina ang Tagapagligtas at ipinakita sa akin ang kahulugan ng “itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (D at T 81:5). Umasa siya kay Jesucristo, “sa gawad [Niyang] lakas” na higit kaysa kanya (“Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164).