Mga Larawan
“Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala” (Mga Awit 56:4).
Isinabit ko ang bag ko sa kabinet at nakita ko ang buong larawan ko sa malaking salamin sa pinto nito. Tumigil ako at tiningnan ko ang maluwag na pagkatali ng buhok ko, ang gusot kong damit, at nakalaylay kong medyas. Naalala ko ang sinabi ng titser ko sa Primary: “Ikaw ay isang espesyal na anak ng ating Ama sa Langit. Marami Siyang pagpapalang nakalaan para sa iyong hinaharap.”
Dumukwang ako at inaninag ko ang salamin, sa hangad na makita ko ang hinaharap. Ano kaya ang hitsura ko kapag 12 o 22 anyos na ako? Maganda kaya ako? Ismarte kaya ako? Ikakasal kaya ako sa templo? Magkakaroon kaya ako ng magagandang anak? Ito ang mga pangarap ko, pero ito ba ang mga pagpapalang inilaan sa akin ng Diyos?
“Ano ang tinitingnan mo?” Malambing na tinig iyon ni Inay.
Sa larawan sa salamin nakita ko si Inay na nakatayo sa likuran ko sa may pintuan.
“Ako po,” sabi ko. “Ako lang po sa salamin.”
Lumapit si Inay at tumingin mula sa likuran ko. “‘Ikaw lang’ ay isang taong napaka-espesyal,” sabi niya.
“Iyan po ang sabi ng titser ko sa Primary. Sinabi niya na maraming pagpapalang nakalaan ang Ama sa Langit para sa akin. Ano ang nakalaan sa buhay ko?”
“Halika sa kuwarto ko. May ipapakita ako sa iyo,” sabi ni Inay.
Sa kanyang silid-tulugan binuksan ni Inay ang isang maliit na kahon at inilabas ang isang maliit na salaming may pilak na hawakan.
“Ang ganda,” sabi ko, na hinahaplos ang letrang B na nakaukit sa likod nito.
“Salamin ito ng lola ko,” sabi ni Inay. “Kapag pinupunasan ko ang salaming ito, para kong nakikita ang nakita ni Lola Beatrice nang tumingin siya rito. Siguro noong una nakita niya ang isang batang babae, katulad mo, na nangangarap ng kanyang hinaharap.
“Para kong nakikita ang kislap ng kaligayahang nakita niya sa kanyang mga mata nang tingnan niya ang mahaba niyang tirintas sa salamin bago siya bininyagan. Alam mo ba na nabinyagan lamang siya pagtuntong niya ng 18 taong gulang?”
Umiling ako. “Hindi po.”
“At matapos siyang maikasal kay Lolo, nagkaroon siya ng anak na babaeng dalawang araw lang nabuhay. Para kong nakikita na ang mga matang nakita niya sa salaming ito noon ay namumugto sa kaiiyak.
“Maraming taon pagkaraan niyon, nakita na niya siguro ang kanyang masayang larawan sa salamin habang naghahanda siyang magpunta sa templo para ibuklod sa kanyang asawa at tatlong anak.
“At nang tumanda na siya, maaaring ginamit niya ang salaming ito para isuot ang sumbrero bago magpunta sa mga pulong ng Relief Society.
“At sa huli, noong biyuda na siyang lola, maaaring nakita niya ang matapang na determinasyon sa kanyang mga mata nang mabuhay siyang mag-isa nang maraming taon ngunit naging tapat hanggang sa huli.”
“Pinagpala po ba ng Ama sa Langit si Impo?” tanong ko.
“Oo, pinagpala nga Niya,” sabi ni Inay.
“Naging masaya ba si Impo sa buhay niya?”
“Oo. Hindi iyon ang eksaktong ipinlano niya. Ang ilan doon ay napakahirap, ngunit nagtiwala siya sa Diyos, at ang mga karanasang iyon ay nakatulong sa kanya na maging higit na katulad Niya.”
“Siguro po hindi ko na kailangang makita ang hinaharap,” sabi ko, habang maingat na ibinabalik ang salaming pilak sa kahon nito. “Magtitiwala na lang ako sa Ama sa Langit at susundin Siya.”
“Tiyak ko na may magandang buhay na nakalaan ang Diyos para sa iyo,” sabi ni Inay. “At kung susundin mo Siya, hanggang wakas, ang mukhang mababanaag mo sa salamin ay larawan Niya. At talagang magiging pangarap iyan na natupad.”