Ang Ating Paniniwala
Ipinadala Tayo ng Diyos sa Lupa Bilang Miyembro ng Isang Pamilya
May plano ang ating Ama sa Langit para sa atin, at ang pagsusugo sa atin sa lupa bilang mga miyembro ng isang pamilya ay bahagi ng planong iyan. Sina Eva at Adan ang unang pamilya sa lupa; ikinasal sila ng ating Ama sa Langit at inutusan silang magkaroon ng mga anak (tingnan sa Genesis 1:28). Nais ng Diyos na magkaroon ng katawang pisikal ang Kanyang mga espiritung anak. Kapag nagsisilang ang mga magulang ng mga anak sa mundong ito, tinutulungan nila ang ating Ama sa Langit na isakatuparan ang Kanyang plano ng kaligtasan. Magiliw nilang tinatanggap sa kanilang pamilya ang bawat bagong silang na sanggol bilang anak ng Diyos.
Alam ng ating Ama sa Langit na ang pagiging miyembro ng isang pamilya ang naglalaan sa bawat isa sa atin ng pinakamagandang pagkakataong mahalin at mapangalagaan habang narito tayo sa mundo. Ang mga pamilya ay nagtutulungan upang matuto ng disiplina sa sarili, sakripisyo, katapatan, at kahalagahan ng paggawa. Pinagsisikapan din nilang matutong magmahal, magbahagi, at maglingkod sa isa’t isa (tingnan sa Mosias 4:14–15). Ang mga bata ay natututong magpakita ng pagmamahal sa kanilang mga magulang, nagiging masunurin, at sinisikap na mamuhay sa paraang magdudulot ng karangalan sa kanilang apelyido.
Kapag hinihikayat at pinupuri ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa, nag-iibayo ang pagtitiwala at pagmamahal nila. Ang matatagumpay na pamilya ay nagpapakita ng pag-asa at kasigasigan sa pagsuporta sa bawat kapamilya sa kani-kanyang mga pangangailangan at sa pagtulong sa isa’t isa na matuto at magtulungan nang may pagmamahal. Ang mithiin nila ay maging isang masaya at walang hanggang pamilya.
Narito ang ilang aktibidad na tutulong sa atin na magkaroon ng masaya at matagumpay na pamilya:
-
Magkasamang manalangin bilang mag-asawa.
Magkaroon ng panalangin ng pamilya tuwing umaga at gabi (tingnan sa 3Â Nephi 18:21).
Ituro ang ebanghelyo sa mga anak sa lingguhang mga family home evening.
Regular na pag-aralan ang mga banal na kasulatan bilang pamilya.
Dumalo sa mga pulong ng Simbahan tuwing Linggo (tingnan sa D at T 59:9–10).
Matutong maging mabait, matiyaga, at mapagmahal sa kapwa (tingnan sa Moroni 7:45–48).
Sama-samang gawin ang mga bagay-bagay bilang pamilya, tulad ng pagkain ng hapunan, pagtatrabaho, pamamasyal, at paggawa ng desisyon.