Mga Pulo ng Apoy at Pananampalataya: Ang Galápagos
Marami ang makikita sa Galápagos Islands bukod sa namuong bato ng lahar, mga ibon, pawikan, at turismo. Ito ay isang sentro ng pananampalataya, kung saan ang paglilingkod at sakripisyo ay nagbunga ng pambihirang pagkakaisa at lakas ng paniniwala.
Sa banda pa roon ng bitak-bitak na parang ng umitim na namuong bato ng lahar ay nakatayo ang isang malaking haliging bato, isang matatag na moog laban sa tilamsik ng malamig na tubig-alat mula sa karagatan. Kung titingnan nang malapitan, malalaman ng isang tao na ang matutulis na gilid ay totoong mga ulo ng isang dosenang iguanang-dagat, na nagsisiksikang parang mga dragon at naghihintay ng init ng sikat ng araw sa umaga. Ang ilang ligaw na iguana ay mag-isang naghihintay kung saan-saan malapit sa paanan ng bato, ang kanilang malalaking kuko, na kasingtalim ng mga kutsilyo at halos kasinghaba ng mga daliri ng babae, ay mahigpit na nakakapit sa bato.
Ngunit karamihan ay nakatipon sa mga grupo para makaramdam ng init at kaligtasan, ang parang katad nilang katawan ay sumusuporta sa bawat isa laban sa lamig at dilim, nagtutulungan sa iisa nilang pangangailangan. Dito, sa Galápagos, na mga pulong nagmula sa apoy, mahalaga ang kahulugan ng buhay. Isa itong lupain kung saan magkahalo ang siyensya at pananampalataya, kung saan nauunawaan natin na lahat tayo ay bahagi ng iisang sangkatauhan. At dito, nauunawaan ng mga miyembro ng Simbahan, katulad ng mga iguanang-dagat na ito, na ang lakas ay nagmumula sa mahigpit na pagkapit sa kanilang mga tipan habang sumusulong sila sa nagkakaisang landas tungo sa Panginoon sa pananampalataya, paglilingkod, at sakripisyo.
Paano Nagsimula ang Pagtitipon
Isang madaling-araw nang bumisita sa Quito, Ecuador, naparaan ang tour guide at naturalist na si André Degel sa isang meetinghouse ng Simbahan habang naglalakad-lakad sa araw ng Linggo. Iyon ay taong 1997, at bagaman miyembro siya ng Simbahan, matagal na siyang hindi nagsisimba matapos lumipat sa Galápagos Islands. Naalala ni André ang panatag na damdaming makapunta sa simbahan at madalas ay sadya siyang nagdaraan sa isang meetinghouse kapag nasa Ecuador siya. Karaniwan ay hindi siya pumapasok dito. Gusto lang niyang mapalapit sa gusali. “Gumaganda ang pakiramdam ko,” wika niya, “para akong nakauwi.”
Sa araw na ito nagsisimula pa lang ang sakrament miting. Matapos mag-alinlangan sandali, nagpasiyang pumasok si André. Iyon ang desisyon na sa huli ay magpapabago sa tadhana ng daan-daang buhay.
Pagkatapos ng pulong binati ng mga misyonero at miyembro si André. Masaya niyang ginugunita ang pakikipag-usap na iyon, lalo na kung gaano kagulat—at katuwa—silang matuklasan na taga-Galápagos siya.
Noong panahong iyon, walang pormal na organisasyon ng Simbahan sa kapuluan. Katunayan, ni hindi alam ng mga lider ng priesthood sa Ecuador na may mga miyembrong nakatira doon.
Hindi nagsayang ng panahon ang mga misyonero. Ipinakilala nila si André sa Quito Ecuador Mission president at tiniyak na may impormasyon sila kung paano makokontak si André.
Hindi naglaon pagkatapos niyon umuwi na si André sa Puerto Ayora, ang pinakamalaking bayan sa Galápagos, sa pulo ng Santa Cruz. Hindi nagtagal pinadalhan siya ng misyon ng dalawang kahon ng mga materyal ng Simbahan, pati ng mga manwal na pag-aaralan. Ngunit marahil ang pinakamahalaga, nakuha ng mission president ang isang listahan ng mga miyembrong nakatira sa pulo, na magagamit ni André para makatulong sa pagtipon sa mga Banal. Nagulat si André nang mabasa ang listahan.
“May mga tao sa listahan na kilala ko, ngunit hindi ko alam na miyembro sila ng Simbahan,” paliwanag niya.
Kasabay nito, naantig ang puso ng ibang mga miyembro sa Santa Cruz sa pagtatatag ng Simbahan doon. Lahat ay naglipatan na sa Galápagos Islands para maghanap ng trabaho. Ngayon ay hinahanap nila ang isa’t isa.
Ang Panawagang Magtipon
Para kay Mariana Becerra, mahirap ang buhay bago itinatag ang Simbahan doon. Dalawang taon pa lang siyang miyembro ng Simbahan nang magpunta siya sa kapuluan noong 1990.
“Walang Simbahan pagdating ko roon,” sabi ni Mariana. “Dalawa lang kami ng anak kong lalaki. Nagdaos kami ng family home evening at sinikap naming ipamuhay ang ebanghelyo. Ngunit ang ilang miyembrong kilala ko ay hindi namumuhay ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo.”
Gayon din ang naranasan nina David at Jeanneth Palacios. Sumapi si David sa Simbahan noong tinedyer siya, at nabinyagan si Jeanneth noong 1993, isang taon lang bago lumipat ang mag-asawa sa Galápagos.
“Nang lumipat kami rito, wala kaming kilalang iba pang mga miyembro. Akala ko kami lang. Napakahirap mabuhay nang wala ang Simbahan,” sabi ni Jeanneth.
“Pagkatapos isang araw noong 1997 nagpunta si André sa pinagtatrabahuhan ko at sinabing, ‘Hinahanap ko si Jeanneth de Palacios. Miyembro ka ba ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang Simbahang Mormon?’
“Pakiramdam ko ay iniunat ng Panginoon ang Kanyang kamay at tinitipon ang Kanyang mga tupa,” pag-alaala ni Jeanneth. “At sinabi kong, ‘Oo, oo!’ Masayang-masaya ako dahil hindi kami nag-iisa. Mas marami kami!”
Dagdag pa ni Mariana, “Ang sarap ng pakiramdam nang tipunin kami ni André. Napakalalim ng aming pinagsamahan—na higit pa sa pagkakaibigan—bilang mga miyembro ng Simbahan.”
Ang Pagkakaisa sa Loob
Nang makabuo ng sapat na grupo si André, nagsimula silang magpulong nang regular. Noong una’y apat na pamilya lang at mga kaibigan.
“Madalas kaming magpulong, kung minsan araw-araw, karaniwan ay sa bahay ko,” sabi ni André. “Pinag-aralan namin ang mga aklat na ipinadala ng misyon sa amin at ang Biblia at Aklat ni Mormon.”
“Magandang sandali iyon,” sabi Araceli Duran. “Nagkakaisa kami. Nagtitipon kami linggu-linggo para mag-aral.”
“Isang bagay iyon na hinding-hindi ko malilimutan,” sabi ni Jeanneth, “dahil may diwa ng pagkakaisa, at nadama namin na mahal kami ng Ama sa Langit at alam namin na ngayon kami kailangang magkasama-sama.”
Umasa sila sa isa’t isa, tinuruan ang isa’t isa, at sama-samang pinatatag ang kanilang pananampalataya. Hindi nagtagal ay kinilala ang kanilang mga pagsisikap, at isang opisyal na branch ang inorganisa noong mga unang buwan ng 1998.
Sa pagdaan ng panahon lumago ang branch, at kinailangan ng mga miyembro ng mas malawak na lugar. Umupa sila ng maliit na bahay at pagkatapos ay lumipat sa mas malaking gusali na dating isang hotel. Sa mas malaking gusaling ito umabot sa halos 100 miyembro ang dumadalo. Bagaman lumago ang branch sa pamamagitan ng pagpapaaktibo at paglipat ng mga miyembro, ang malaking katatagan nito ay nagmula sa mga nabinyagan.
Si Oswaldo Villón at ang kanyang asawang si Rosario, ay halimbawa nito. Si Rosario ay nabinyagan noong 2000 at naglingkod bilang Relief Society president, Primary president, at Young Women president. Si Oswaldo, na nabinyagan pagkaraan lamang ng isang taon ay naglilingkod bilang elders quorum president. Para sa kanilang dalawa, ganap na binago ng Simbahan ang buhay nila.
“Iniligtas ako ng Simbahan,” paliwanag ni Oswaldo. “Dati, makamundo ang pamumuhay ko. Hindi ako lasenggo, pero parang ganoon ako noon kapag umiinom ako. Nang sumapi ako sa Simbahan, ang 25 kataong ito ang naging pamilya ko. Talagang nagkaisa kami. At nagsikap kami nang husto para mapalago ang branch.”
Dahil sa walang pagod na mga pagsisikap ng mga miyembro sa Galápagos, kadalasan ay nasa pagitan ng 100 at 120 miyembro ang dumadalo sa sakrament. Noong Setyembre 2009 biniyayaan sila nang ilaan ang isang kapilya.
Ang Kapangyarihan ng Paglilingkod
Ilang miyembro ng branch at kanilang mga pamilya ang nakatira sa mapunong kabundukan ng Santa Cruz. Dito ipinasiya ng mga lider ng branch na magdaos ng proyektong paglilingkod noong Setyembre 4, 2010.
“Bilang elders quorum, buwan-buwan ay sinisikap naming magdaos ng isa or dalawang mingas,” o mga proyektong paglilingkod, sabi ni Oswaldo. “Idinaraos namin iyon para sa taong lubhang kailangang paglingkuran. Sa pagkakataong ito magtatayo kami ng bahay para sa isang kapatid na babae.”
Ang totoo, kalahati lang ng bahay. Isang linggo o mahigit pa ang nakararaan, naitayo na ng mga miyembro ang kalahati nito. Sa araw na ito mahigit 20 sa kanila ang gumugol ng anim na oras o mahigit pa sa pagtatayo ng kalahati pa nito, kasama na ang kusina, imbakan ng tubig, at daanan sa paligid ng bahay. Ang abang tahanan ay nagsisilbing tirahan ni Elena Cedeño at ng kanyang mga anak, na hindi mga miyembro ng Simbahan noong panahong iyon. Lahat ay lubos na nagpasalamat sa oras at pagsisikap na ibinigay ng mga miyembro. (Si Sister Cedeño at ang kanyang anak na si Sebastián ay nabinyagan noong Enero 2011).
“Walang ibang mas mainam kaysa paglingkuran ang mga taong nangangailangan nito,” sabi ni Oswaldo. At ang sulyap sa kanyang mga mata, gayundin ang sulyap sa mga mata ng iba pang mga miyembro ng branch at ng babaeng pinaglingkuran nila, ay nagpapatotoo sa pagkakaisang bunga ng gayong paglilingkod.
Ang Tunay na Mahalaga
Ang paglilingkod at pag-asa ng mga miyembro sa Galápagos Islands sa isa’t isa na lumikha ng gayong pagkakaisa ay humantong sa saganang mga pagpapala noong 2007. Sa taong iyon sinamahan nina David at Jeanneth Palacios ang limang pamilya ng branch, na halos 25 katao lahat, sa Guayaquil Ecuador Temple.
“Nang makita naming nabuklod ang mga pamilyang iyon, para kaming naiakyat sa langit,” sabi ni Jeanneth. “Nadama namin nang matindi ang presensya ng Panginoon. Ang limang pamilyang iyon ay napakaaktibo ngayon.”
Sa pagpuntang ito sa templo, nabuklod ang branch president na si Daniel Calapucha at kanyang asawang si Angela, at nabuklod din ang tatlo nilang anak sa kanila. “Tuluyan kang babaguhin ng templo,” sabi ni President Calapucha. “Totoong ito ang bahay ng Panginoon. Ang magkasama-sama bilang pamilya sa ebanghelyo ng Panginoon ay nagpapabago ng buhay. Kaya nga ako nananatili sa simbahang ito. Matapos mabuklod bilang pamilya, hindi na ako takot mamatay. Hindi na ako nangangambang mawawala sa akin ang aking pamilya kapag namatay ako.
“Ang templo ay naging pundasyon ng damdamin at kaalaman na naririyan ang ating Ama sa Langit—at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at ang Espiritu Santo. Ito ay isang patotoo na hindi makukuha sa akin ninuman.”
Ang Itinuturo sa Atin ng Galápagos
Bawat miyembro ng Simbahan sa Galápagos Islands ay makabagong pioneer. Halos lahat ng miyembrong nasa hustong gulang ay binyagan, at marami sa kanila ang sumapi nitong nakaraang ilang taon. At bawat isa ay tumutulong na maitatag ang kaharian ng Diyos sa isang liblib na pulo kung saan kakaunti ang kabuhayan. Karamihan sa pagkain at lahat ng gasolina at mga produktong industriyal at teknolohikal ay kailangang importahin. Ang ekonomiya ng lugar, bagama’t medyo sagana, ay umaasa sa pabagu-bagong kabuhayang laan ng turismo.
Marahil ang pinakamatatag na bagay sa kapuluan ay ang katapatan ng mga miyembro sa isa’t isa at sa pagtatayo ng kaharian. Ang katapatang iyon ay kapansin-pansing tulad ng pag-asa ng ekolohiya sa kapuluang tinitirhan nila. Ang ecosystem sa Galápagos Islands ay umaasa sa kalusugan ng mga buhay na nilalang—kapwa mga tao at hayop at halaman—na matagumpay na nakikipag-ugnayan sa kanilang likas na kapaligiran.
Bilang tour guide at naturalist, ipinaliwanag ni André, “Itinuturo sa atin ng Galápagos na ang ecosystem ay parang buhay na nilalang. Para itong katawan. Ito ay may pressure, mga fluid, at mga organ. Kung masira ang isa sa mga iyon, mahihirapan ang lahat.”
Itinuturo din sa atin ng Galápagos Islands ang malawak na karingalan ng mga likha ng Diyos. Walang anumang katutubo sa Galápagos. Lahat ng buhay, mga halaman, hayop, at tao ay inimporta.
“Kung iisipin ninyo,” paliwanag ni André, “ang tsansa o pagkakataong sumibol ang buhay rito sa Galápagos ay hindi kapani-paniwala. Una, ang namuong bato ng lahar ay kailangang mapulbos hanggang sa makasuporta ito ng buhay. Pagkatapos ay kailangang magkaroon ng pagmumulan ng malinis na tubig. Pagkatapos ay kailangang dumating ang mga binhi sa kapaligiran na maaaring tumubo ang mga ito. At kailangang magbigayan ng polen ang mga ito.
“Pagkatapos ay kailangang dumating ang mga nilalang, isda man o ibon o anuman ito. At ang magkaibang kasarian ay kailangang sabay na dumating sa iisang lugar at kapaligiran para dumami sila at makakita ng pagkain at inumin. May libu-libong uri ng mga hayop sa Galápagos.
“Tandaan, ang pinakamalapit na lupa ay 600 milya [1,000 km] ang layo. Para maging ganito ang buong kapaligiran ay isang himala ang kailangang mangyari.”
At sa walang katapusang karunungan ng Panginoon, iyan mismo ang Kanyang tinutulutang mangyari.
Tulad ng pag-iral ng ecosystem kapag nagkakasundo ang lahat ng bahagi nito, ang mga miyembro ng Simbahan ay bumubuo ng isang uri ng ecosystem na panlipunan at espirituwal. Ang mga miyembro ay mga taong bahagi rin ng mga ecosystem na tinatawag na mga pamilya at ward at branch ng Simbahan. Bawat miyembro ay gumaganap ng mahalagang papel, na nakatutulong sa kaligtasan at kadakilaan ng kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pang mga miyembro ng branch.
Maaaring may walang hanggang epekto ang mga desisyon ng bawat tao, tulad ng desisyon ni André na magsimba sa araw na iyon noong 1997. Ang pinagsama-samang desisyon ng mga miyembro na itayo ang kaharian sa pamamagitan ng hindi makasariling paglilingkod ay parang isang lumang kasabihan lamang sa ilan. Ngunit para sa mga miyembro sa Galápagos Islands, gayong mga desisyon ang gumagawa ng malaking kaibhan sa katatagan ng kanilang paniniwala, lakas ng kanilang pagkakaisa, at pananampalataya nila sa kanilang mga tipan.