2011
Hindi Po Sana Nila Makita ang Bahay Namin
Agosto 2011


Hindi Po Sana Nila Makita ang Bahay Namin

Alice W. Flade, Utah, USA

Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, noong ako ay 19 na taong gulang, sinakop ng mga kaaway ang aking bayang-sinilangan sa Europa. Isang gabi nakaupo kami ng aking mga magulang sa tabi ng aming mesa nang makarinig kami ng malakas na ingay. Sumilip kami sa itim na itim na mga kurtina, na isinabit para hindi matiktikan ng mga nambobomba ang bahay namin sa gabi, para makita ang mga kaaway—at ang kanilang mga motorsiklo, trak, at tangke—papasok sa aming nayon mula sa dalawang magkaibang direksyon. Takot na takot ako noon.

Sabi lang ng aking ama, na lagi nang nananalig, “Huwag kang matakot.” Sa gitna ng nangyayari sa labas ng bahay namin, kakaibang pahayag iyan. Alam naming lahat na malamang na pasukin ng mga sundalo ang sambayanan para nakawan ang bahay ng mga tao. Iminungkahi ni Itay na lumuhod kami sa tabi ng sopa at magdasal na protektahan kami ng Ama sa Langit. Ang sabi niya sa dasal, “Ama sa Langit, bulagin po sana ninyo ang mga sundalong iyon. Hindi po sana nila makita ang bahay namin.”

Matapos siyang magdasal, ang nanay ko naman ang nagdasal. Pagkatapos ay ako naman ang nagdasal. Pagkatapos nito, nagbalik kami sa mesa at maingat na sumilip sa bintana. Nakita namin ang paglusob ng mga sundalo sa bawat bahay sa kalye namin. Ang bahay namin ang nasa dulo ng kalye. Nilapitan nila ang bahay namin pero nilagpasan ang tarangkahan namin at nagpunta sila sa kabilang kalye. Nakita namin silang pumasok sa bawat bahay na nakikita namin mula sa aming bintana.

Matapos ang halos dalawang oras na paglusob, may pumito nang malakas, at nagbalikan ang mga sundalo sa kanilang mga sasakyan. Nang unti-unti silang magsialis, nakahinga kami nang maluwag at muling lumuhod, at nagpasalamat sa Ama sa Langit sa Kanyang kabaitan at proteksyon.

Kinabukasan nalaman ko sa isang balisang kaibigan na gumawa ng mga kahindik-hindik na bagay ang mga sundalo sa bawat bahay na alam niya. Nang sabihin ko sa kanya na hindi nila kami pinasok, nagulat siya. Sabi niya nakita niya silang papunta sa amin at alam niya na walang bahay sa kalye namin na hindi nila pinasok. Bahay lang namin ang kaisa-isang hindi pinasok ng mga sundalo.

Alam ko na pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga pagsamo. Kung minsan tila hindi tayo sasagutin kahit kailan, at nais nating sumagot Siya nang mas maaga. Ngunit alam ko na sa bahay namin 65 taon na ang nakararaan, sumagot Siya kaagad.