Dapat ba Naming Ipagbili ang Pangarap Naming Bahay?
Sullivan Richardson, Nevada, USA
Noong 1998 hinimok ako ng Espiritu na ipagbili ang pangarap naming bahay, na ipinatayo at nilipatan namin apat na taon pa lamang ang nakararaan. Dahil malapit nang magsipagtapos sa high school ang mas matatanda naming anak at magsasarili na, naging malinaw na mas malaki at mas magastos ang bahay namin kaysa aming kailangan. Kalilipat ko lang ng trabaho at nakita ko kung paano maaapektuhan ang kinikita ko at posibleng mahinto ang pagkita ko ng pera.
Nang dumalo ako sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre, naapektuhan ako sa sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008). Tungkol sa ating pananalapi, ito ang sinabi niya sa mga maytaglay ng priesthood, “Panahon na upang isaayos natin ang ating mga bahay.” Pagkatapos ay nagbabala siya, ‘May mga palatandaan ng mga maunos na panahong darating na kailangan nating bigyang-pansin.”
Maya-maya ay sinabi niya: “Batid ko na maaaring kailangang humiram upang makabili ng bahay. [Ngunit] bumili tayo ng bahay na kaya nating bayaran at nang sa gayon ay mapadali ang pagbabayad ng bayarin na palaging [bumabagabag] sa ating isipan nang walang awa o humpay sa loob ng hanggang 30 taon.”1
Ikinuwento ko sa asawa ko ang payo ni Pangulong Hinckley, at idinagdag na sa palagay ko ay dapat naming ipagbili ang bahay namin. Nagulat ako nang pumayag siya.
Nang sumunod na ilang buwan, naghanda kaming ibenta ang bahay namin at bumili ng iba. Napakahaba at napakatagal ng paghahandang iyon na kinapalooban ng matinding panalangin at pag-aayuno ng pamilya. Sa huli, pagkaraan ng isang taon ay lumipat kami sa aming bagong bahay, na mas mababa ang buwanang bayad.
Nangyari nga ang sinabi ni Pangulong Hinckley. Nang sumunod na taon umabot sa pinakamataas ang U.S. stock market nang bumagsak ang halaga ng mga kumpanyang nakabase sa internet. Pagkatapos ay sumunod ang ilang taon ng mababang patubo sa utang, na sinamantala namin para mabayaran ang sangla sa bahay namin.
Ngayon ay may bagong krisis sa ekonomiya sa maraming bansa sa buong mundo. Ang sinabi ni Pangulong Hinckley noong 1998 ay totoo pa rin ngayon.
Napakasaya namin na sinunod namin ang payo ng propeta at mga panghihikayat ng Espiritu. Wala na kaming utang sa bahay, at masaya kaming makita na namumuhay ang aming mga anak ayon sa kanilang kinikita.
Inaasam namin ang payo ng mga pinuno ng ating Simbahan sa bawat pangkalahatang kumperensya. Alam namin na pagpapalain kami kung susundin namin ang kanilang tagubilin.