Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Isang Matatag na Pioneer, Maraming Pinagpalang Henerasyon,” pahina 16: Sa pagbabahagi ninyo ng artikulong ito sa inyong pamilya, isiping talakayin kung paano nakaimpluwensya ang halimbawa ni Sara sa kanyang ama. Talakayin kung paano makaiimpluwensya ang inyong halimbawa sa mga nakapaligid sa inyo sa kabutihan o kasamaan. Magtakda ng mithiin na maging isang “matatag na pioneer” araw-araw.
“Itinanong Nga Ba Niya sa Akin Iyan?”, pahina 42: Habang pinag-aaralan ang artikulong ito, tukuyin at ihambing ang mga alalahaning nadama ng mga miyembro ng Simbahan tungkol sa kanilang mga tungkulin. Basahin ang sinabi ni Pangulong Monson at pagkatapos ay talakayin ang mga paraan upang matamo ang tulong ng Ama sa Langit sa pagganap sa inyong mga responsibilidad. Isiping pag-aralan ang mga mapagkukunang nakalista sa ilalim ng “Pagtanggap ng Tulong mula sa Iba pang mga Pagkukunan.”
“Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan,” pahina 48: Isiping ilista ang tatlong katangiang binanggit ni Elder Oaks na nagpapatunay na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa mundo. Talakayin ang bawat katangian at kung paano nito pinagpapala ang inyong pamilya. Maaari ninyong isadula kung paano mapatototohanan ng inyong pamilya ang mga katangiang ito sa mga taong iba ang relihiyon.
“Mga Larawan,” pahina 60: Matapos ninyong basahin nang sama-sama ang artikulo, paharapin sa salamin ang bawat kapamilya at ipasabi kung ano ang nakita niya. Ipaunawa sa bawat isa na ang tinitingnan niya ay isang anak ng Ama sa Langit. Maaari ninyong talakayin at patotohanan kung gaano Niya kamahal ang bawat isa sa atin at gaano kahalaga na magtiwala tayo sa Kanya. Maaari ninyong basahin nang sama-sama ang Mga Awit 56:4 at I Mga Taga Corinto 2:9.
Isang Aralin tungkol sa Patotoo
Nang ikasal kaming mag-asawa, nag-alala ako na ang family home evening na dadalawa kami ay magiging asiwa o paulit-ulit. Akala ko mauubusan kami ng ituturo sa isa’t isa. Pero sinorpresa ako ng asawa ko sa una naming Lunes ng gabi sa pagsasabing, “Gusto kong magpatotoo.” Nagpatuloy siya sa pagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa kasal. Pagkatapos niyang magpatotoo, ako naman ang nagbahagi. Isang gabi iyon na lagi kong itatangi. Bagama’t hindi niya alam ang inaalala ko tungkol sa family home evening, sinagot niya ito, at nalaman ko na bawat family home evening ay isang espirituwal na karanasang maaasam.Â
Mula noon nanatiling tradisyon ang pagbabahagi ng patotoo sa aming mga family home evening. Kahit ngayong may anak na kami at iniaakma namin ang mga aralin sa kanya, hindi rin namin ito tinatapos nang hindi kami nagpapatotoo. Nasasabik ako sa araw na maririnig ko ang patotoo ng aking mga anak at maituturo ko sa kanila kung bakit mahalaga ang patotoo.
Heidi Icleanu, Kentucky, USA