Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Isang Matatag na Pioneer, Maraming Pinagpalang Henerasyon
Noon pa mang mga unang araw ng Simbahan, inusig at nilibak na ang mga miyembro dahil sa kanilang mga paniniwala. Isang dalagitang naharap sa gayong pag-uusig si Sara Elvira Eriksen. Isinilang siya sa Drammen, Norway, noong 1895. Matapos magkaroon ng patotoo, naging tapat siya sa ebanghelyo—katapatan na mas malawak ang epekto kaysa kaya niyang wariin sa buong buhay niya. Dahil sa kanyang tapang at pananampalataya, pinagpala ng ebanghelyo ang buhay ng kanyang mga inapo ngayon.
Tulad ni Sara, maaari tayong maharap sa mga balakid sa buhay kung saan kakailanganin nating manindigan para sa ating patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Ang pasiya nating manindigan sa ating mga paniniwala nang may katatagan ay makaiimpluwensya sa buhay ng iba, tulad ng ginawa ni Sara. Narito ang kanyang kuwento.
Noong 15 taon ako, naglakad-lakad kami ng tatay ko isang Linggo ng gabi. Biglang huminto ang tatay ko at nagmungkahing magpunta kami sa Simbahang Mormon. Nagulat ako, pero sumama ako sa kanya para mag-usisa. Kinakanta noon ng koro ang isang magandang himno. Noon lang ako nakarinig ng pagkanta na nakaaantig.
Pagkatapos ng kanta, tumayo ang isang misyonero at nagsalita tungkol sa Panguluhang Diyos. Kalaunan ay kinausap niya kaming mag-ama sa loob ng ilang minuto.
Hindi na ako nagbalik sa simbahan hanggang sa lumipas ang isang taon nang magpaturo ako ng Ingles sa mga misyonero. Pagkatapos ng klase sa Ingles, napunta sa relihiyon ang usapan namin. Itinuro sa akin ng mga misyonero ang tungkol sa ebanghelyo at kung paano manalangin sa Diyos Ama sa pangalan ni Jesucristo. Ikinuwento nila sa akin ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang paglabas ng Aklat ni Mormon, at marami pang ibang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Lahat ng ito ay bago sa akin, subalit mukhang pamilyar ito. Pinag-aralan ko nang husto ang mga banal na kasulatan at taimtim akong nanalangin para maliwanagan, na ibinigay naman sa akin.
Napansin ng tatay ko ang pagbabago sa aking pagkatao. Ngunit nang malaman niya na nagiging seryoso na ako tungkol sa Simbahan, nagalit siya at binawalan akong magsimba. Nagsimba pa rin ako. Madalas niya akong ipasundo sa kapatid ko sa gitna ng mga pulong ng Simbahan.
Noong ika-17 kaarawan ko, itinanong ng tatay ko kung ano ang gusto kong regalo. Sinabi ko sa kanya na gusto kong payagan niya akong magpabinyag. Napasuntok siya sa mesa at sumigaw, “Hindi maaari!”
Sa panahong ito sumapi ang mga magulang ko sa ibang simbahan. Pinapunta ng tatay ko ang pastor ng simbahan at ang iba pa para kausapin ako, pero matatag ang patotoo ko sa ebanghelyo. Sinabi sa akin ni Itay na nagdulot ako ng kahihiyan sa pamilya, at napilitan akong umalis sa aming tahanan. Nakitira ako nang mga isang linggo sa bahay ng isang miyembro ng Relief Society. Sa panahong iyon lumambot ang puso ng tatay ko, at pinayagan akong makauwi.
Sa loob ng ilang buwan natanto ng tatay ko na walang makapagpapaalis sa patotoo ko sa ebanghelyo, kaya pinayagan na niya akong magpabinyag. Kaylaki ng aking galak at kaligayahan kaya natanim ito nang husto sa isipan ng tatay ko. Gusto pa niyang sumama sa akin sa Oslo para dumalo sa binyag ko.
Sa buong panahong ito, walang gaanong sinabi ang nanay ko, pero masasabi ko na naniwala siya na totoo ang ebanghelyo. Maraming oras kaming nag-usap tungkol sa ebanghelyo.
Gayunman, hindi pa tapos ang hindi pagkakasundo sa bahay. Ayaw makinig sa akin ng tatay ko. Naglagay ako ng mga polyeto sa mesa sa tabi ng kanyang kama, dahil lagi siyang nagbabasa sa gabi. Inanyayahan ko nang madalas ang mga misyonero sa bahay namin, at kinausap nila ang tatay ko, ngunit tila walang makatulong.
Isang araw tinanong ako ng tatay ko, “Nagdarasal ka ba?” Sinabi ko sa kanya na ipinagdarasal ko araw-araw na mamulat ang kanyang mga mata sa katotohanan ng ebanghelyo. Sumagot siya na nagmula lahat iyon sa diyablo pero pagkatapos niyon ay sinabi niyang, “Sabay tayong magdasal.”
Sabi ko, “Sige po, magdasal kayo sa Diyos ninyo, at magdarasal ako sa Diyos ko, at tingnan natin kung sino ang unang sasagot.” Ginawa nga namin iyon.
Hindi nagtagal pagkatapos niyon napansin ko na binabasa niya ang mga polyeto at ang Aklat ni Mormon. Ilang beses siyang sumama sa aking magsimba ngunit hindi namin pinag-usapan kailanman ang tungkol doon at ni hindi siya nagpakita sa akin ng pagbabago sa kanyang mga paniniwala. Gayunman, madalas naming talakayin ang iba’t ibang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Isang araw, makalipas ang tatlong taon sa ganitong situwasyon, sinabi niyang pupunta siya sa Oslo at gusto niya akong sumama. Pagdating namin sa istasyon, naroon ang isa sa mga elder sa lugar na iyon. Tinanong ko siya kung saan siya pupunta.
Sabi ng elder, “Hindi mo ba alam? Bibinyagan ko ang tatay mo.”
Napaiyak ako at napatawa! Pagkaraan ng isang buwan nabinyagan din ang nanay ko at bunsong kapatid kong lalaki. Sumapi sa Simbahan ang kapatid kong babae at ang kanyang asawa pagkaraan ng maikling panahon, tulad ng tatlo pa sa aking mga kapatid na lalaki.