Ang Tradisyon ng Balanse at Matwid na Pamumuhay
Mula sa mensaheng ibinigay noong Enero 15, 2010, sa Utah Valley University.
Nawa’y biyayaan kayo ng Diyos ng kakayahan at pagnanais na maging halimbawa sa mundo at umangkop sa balanse at matwid na buhay na inaasahan Niya sa Kanyang mga anak habang sila ay nabubuhay.
Sa simula ng di-malilimutang musikal na pagtatanghal na Fiddler on the Roof, sinimulan ni Tevye, ang bida, ang kanyang kuwento sa pagsasabing:
“Sa aming munting nayon ng Anatevka, maaari ninyong sabihin na lahat kami rito ay biyolinista sa bubong, na nagpipilit tumugtog ng maganda at simpleng himig nang walang kahirap-hirap. Hindi ito madali. Maitatanong ninyo, bakit kami namamalagi rito sa bubong kung napakadelikado pala? Namamalagi kami dahil ang Anatevka ang aming tahanan. At paano kami nananatiling balanse? Masasabi ko iyan sa inyo sa isang salita—tradisyon!
“Dahil sa aming mga tradisyon, nanatili kaming balanse sa loob ng napakaraming taon. … Dahil sa aming mga tradisyon, alam ng bawat isa kung sino siya at ang inaasahan ng Diyos na gawin niya.”1
Ako at ang iba pang nakatatandang mga miyembro ng Simbahan ay nagkaroon ng pribilehiyong mabuhay sa isang natatanging panahon sa kasaysayan ng Simbahan. Ang panahon ng mga pioneer ay nagbigay sa amin ng magagandang tradisyon. Dahil mismong buhay ng mga pioneer ang nakasalalay rito, nagkaroon sila ng lubos na pagkakaisa. Kabilang ako sa pangatlong henerasyon ng mararangal na pamilyang Mormon pioneer, ngunit mapalad ako na nabiyayaan ako ng modernong tahanan, sasakyan, at nakatapos ng kolehiyo. Gayunman, hindi gaanong kaiba ang buhay ko sa buhay ng pioneer, at patuloy pa rin ang mga tradisyon ng pioneer sa aming pamilya,ward, at komunidad.
Sa tahanang kinagisnan ko kitang-kita na mahal nina Itay at Inay ang isa’t isa at bawat isa sa kanilang mga anak. Lubos nilang inilaan ang pinakamahalagang bahagi ng kanilang buhay sa kanilang pamilya. Bilang pamilya, lagi kaming magkakasalong kumain nang tatlong beses sa isang araw. Ang tradisyonal na tahanang kinamulatan ko ay unti-unti nang nawawala ngayon. Kung minsan hinahanap-hanap namin ang “masasayang panahong nagdaan.”
Ang aming mga aktibidad na pangkasiyahan ay ginanap sa ward o sa paaralang elementarya sa aming lugar. Pinanood ng buong ward ang sinalihan naming mga laro. Kasali ang buong pamilya kapag may mga sayawan sa ward. Ang mga pagdiriwang na tulad ng Pasko, Araw ng Kalayaan, Pioneer Day, at mga palabas sa bayan ay mga okasyong pangkomunidad na dinaluhan ng buong pamilya.
May mga tradisyon din kami sa pamilya. Ang mga karanasan namin sa mga tradisyong ito ng pamilya ay nagturo sa amin ng mahahalagang alituntunin. May nakatutuwang tradisyon sa aming pamilya na hindi namin malilimutan. Kapag ang mga bata sa pamilya ay umabot na sa isang taong gulang, ipinupuwesto sila sa kabilang dulo ng silid at sa kabilang dulo naman ang pamilya. Sa pinagpuwestuhan ng pamilya, may apat na bagay na inilalagay sa sahig: bote ng gatas, laruan, maliit na alkansya, at mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay pinapagapang ang bata palapit sa mga bagay at pinapipili ng isa sa mga ito.
Pinili ko ang alkansya at naging isa akong financial executive. Pinili ng kapatid kong si Ted ang mga banal na kasulatan, na buong buhay na nahilig sa mga aklat, at naging abogado. Si Bob ang kapatid kong maraming alam sa buhay. Gumapang siya at inupuan ang mga banal na kasulatan, dinampot ang alkansya at inilagay sa paanan niya, at isinubo sa bibig ang bote ng gatas sa isang kamay at hinawakan ang laruan sa kabilang kamay. Naging accountant siya. Balanseng-balanse ang naging buhay niya.
Gamit ang apat na bagay na ito bilang halimbawa, gusto kong talakayin ang pamumuhay nang balanse.
Ang Ating Katawan ay Isang Templo
Ang bote ng gatas ay kumakatawan sa ating pisikal na kalusugan. Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatunay kung gaano kahalaga ang ating katawan sa ating walang hanggang pag-unlad.
“Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?
“Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios; sapagka’t ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo” (I Mga Taga Corinto 3:16–17).
Ang Panginoon ay nagtakda ng mataas na pamantayan para sa atin nang sabihin Niyang ituring nating templo ang ating katawan. Nagkaroon ako ng pribilehiyong makasama ang Pangulo ng Simbahan sa paglalaan ng maraming templo. Bago ang serbisyo sa paglalaan, laging gusto ng Pangulo na suriin ang pagkakagawa sa bagong templo, na pinakamataas ang kalidad at maganda ang disenyo. Ang bakuran ng ating mga templo ang laging pinaka-kaakit-akit na lugar sa mga komunidad na pinagtayuan sa mga ito.
Pumunta at tumayo sa harapan ng isang templo. Suriin ninyong mabuti ang bahay ng Panginoon at tingnan kung hindi kayo mahikayat na gumawa ng ilang pagbabago sa pisikal na templong ibinigay sa inyo ng Panginoon upang matahanan ng inyong walang-hanggang espiritu. Ang Panginoon ay bumuo ng ilang pangunahing pamantayan sa pangangalaga ng ating pisikal na katawan. Ang pagsunod sa mga pamantayang ito ay nananatiling kailangan para maorden sa priesthood, mabigyan ng temple recommend, at magkaroon ng tungkulin sa Simbahan.
Kung minsan maaari nating madama na hindi tayo tanggap ng mga tao dahil sa matataas na pamantayang itinakda natin sa ating sarili. Gayunman, may mga bagay na sadyang hindi natin ginagawa. Mayroon tayong Word of Wisdom, na tumutulong para tayo maging mas malusog, isang uri ng buhay na kapaki-pakinabang sa ating pag-unlad at mabuting kapakanan. Tayo ay may mga pamantayan, huwaran, at pamumuhay na kinaiinggitan ng karamihan sa mundo. Nalaman ko na kung namumuhay kayo nang ayon sa nararapat, napapansin kayo ng mga tao at humahanga sila sa inyong mga paniniwala at naiimpluwensiyahan ninyo ang buhay ng iba.
Nagtrabaho ako sa isang department store. Dahil isa ako sa mga namamahala, naging mahalaga sa akin ang makihalubilo sa ibang mga negosyante. Ang mga miting sa karamihan ng mga organisasyong ito ay laging nagsisimula sa cocktail. Ito ang oras para makahalubilo at makilala ang mga taong kabilang sa organisasyon. Lagi akong hindi komportable sa ganitong mga pagtitipon. Noong una humingi ako ng lemon-lime soda. Ngunit hindi nagtagal at natuklasan ko na kakulay ng marami sa iba pang mga inumin ang lemon-lime soda. Hindi ko maipapakita sa iba na hindi ako umiinom ng alak samantalang may hawak akong soda. Sinubukan ko ang root beer. Ganoon din ang problema.
Sa huli at nagpasiya ako na kailangan kong pumili ng inuming talagang magpapakita na hindi ako umiinom ng alak. Pinuntahan ko ang bartender at humingi ako ng isang basong gatas. Noon lang may humiling ng gayon sa bartender. Pumunta siya sa kusina at nakahanap ng isang basong gatas para sa akin. Kaya may inumin na ako na talagang ibang-iba sa itsura ng mga alak na iniinom ng iba. Bigla na lang natuon sa akin ang pansin ng lahat. Maraming nagbiro tungkol sa iniinom ko. Pinag-usapan na ang gatas na iniinom ko. Mas marami akong nakilalang negosyante nang gabing iyon kaysa mga dati kong dinaluhang cocktail.
Gatas na ang pinipili kong inumin sa mga cocktail. Hindi nagtagal marami na ang nakaalam na Mormon ako. Talagang ikinagulat ko ang respetong tinanggap ko, pati na ang nakatutuwang pangyayaring naganap. Nakisama na rin sa akin ang iba sa pag-inom ng gatas sa cocktail!
Magkaroon ng lakas-ng-loob na maging kaiba. Ipamuhay ang mga pamantayang itinuturo sa atin sa ebanghelyo.
“Ang pisikal at espirituwal na kalusugan ay makakatulong sa atin na manatili sa makipot at makitid na landas,” sabi ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ibinigay ng Panginoon ang kanyang batas ng kalusugan sa Word of Wisdom, ‘isang alituntunin na may lakip na pangako’ na patuloy na pinatutunayan ng makabagong siyensya ng medisina. (D at T 89:3.) Lahat ng kautusan ng Diyos, kabilang na ang Word of Wisdom, ay espirituwal. (Tingnan sa D at T 29:34–35.) Kailangan nating espirituwal na pangalagaan ang ating sarili, nang higit pa sa pisikal.”2
Dapat nating pasalamatan nang husto ang mga turo ng ebanghelyo tungkol sa kahalagahan ng pananatiling dalisay at karapat-dapat ng ating katawan para matahanan ng ating walang-hanggang kaluluwa.
Mga Laruan ng Mundo
Nabubuhay tayo sa kakaibang mundo. Ang paghahangad sa mga laruan o bagay-bagay ng mundo ay napakatindi. Ang mauunlad na bansa ay nagiging lubhang sekular sa kanilang mga paniniwala at kilos kaya ikinakatwiran nila na ang tao ay may ganap na kalayaang pamahalaan ang kanyang sarili. Naniniwala sila na hindi natin kailangang managot kaninuman o sa anuman maliban sa ating sarili at, sa ilang aspeto, sa lipunan na ating ginagalawan.
Nagbabala sa atin ang mga banal na kasulatan, “Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig, at kung kaninong kaanyuan ay yaong sa diyus-diyusan, na naluluma at masasawi sa Babilonia, maging ang Babilonia na makapangyarihan ay babagsak” (D at T 1:16).
Ang mga lipunang pinagmumulan ng ganitong sekular na pamumuhay ay malaki ang hinihinging kapalit sa kanilang espirituwalidad at moralidad. Ang paghahangad sa tinatawag na mga pansariling kalayaan nang hindi isinasaalang-alang ang mga batas na itinatag ng Panginoon upang pamahalaan ang Kanyang mga anak sa mundo ay hahantong sa sumpa ng matinding kamunduhan at kasakiman, ng pagbagsak ng moralidad ng lahat at ng sarili, at ng pagsuway sa awtoridad. Sa gitna ng kaguluhan ng sekular na mundo, at kawalang-katiyakang dulot nito, dapat ay may mga lugar na nag-aalok ng espirituwal na kanlungan, panibagong-sigla, pag-asa, at kapayapaan.
Salungat sa sekular na pamumuhay na ito, itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa atin ang kahalagahan ng paghahangad ng karunungan mula sa Diyos:
“Sa wastong pagkakasunud-sunod, nauuna riyan ang kaalaman tungkol sa Diyos at sa kanyang layunin, na siyang daan sa buhay na walang-hanggan, kasunod niyan ang kaalaman sa mga sekular na bagay, na [napakahalaga] rin. …
“Sina Pedro at Juan ay kaunti lang ang kaalaman sa sekular, at itinuring na mangmang. Subalit alam nila ang mahahalagang bagay sa buhay, na buhay ang Diyos at na ang ipinako sa krus, na nabuhay na [mag-uling] Panginoon ay ang Anak ng Diyos. Alam nila ang landas tungo sa buhay na walang-hanggan. Ito ang natutuhan nila sa iilang dekada ng buhay nila sa lupa. Ang matwid nilang pamumuhay ay nagbukas ng daan sa kanila tungo sa pagka-diyos at sa paglikha ng mga daigdig na walang-hanggan ang pag-unlad. Dahil dito kakailanganin nila marahil, sa bandang huli, ang ganap na kaalaman sa mga siyensya. Datapwa’t sina Pedro at Juan ay may ilang dekada lang para matuto at gawin ang espirituwal, mayroon na silang labinsiyam na siglo para matutuhan ang sekular o ang heolohiya, ang soolohiya at pisyolohiya at sikolohiya ng mga nilalang sa mundo. Ang mortalidad ang panahon para unang matutuhan ang tungkol sa Diyos at sa ebanghelyo at magsagawa ng mga ordenansa. Matapos matatag na maitapak ang ating mga paa sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan, makapag-iipon tayo ng maraming kaalaman sa mga sekular na bagay. …
“Ang sekular na kaalaman, kahit mahalaga ito, ay hindi kailanman makapagliligtas ng kaluluwa ni makapagbubukas ng kahariang selestiyal ni makalilikha ng daigdig ni magagawang diyos ang isang tao, ngunit lubos na makatutulong ito sa taong iyon na, dahil inuuna ang mga dapat unahin, ay nakatagpo ng daan tungo sa buhay na walang-hanggan at magagamit na ang lahat ng kaalaman bilang kanyang kasangkapan at tagapaglingkod.”3
Hangarin ang mga bagay ng Diyos, kung saan naghihintay sa inyo ang mga gantimpalang walang-hanggan.
Pag-asa sa Kagandahang-asal
Ang Tagapagligtas, ayon sa nakatala sa Lucas 14, ay itinuro sa atin ang aral na ito:
“Sapagka’t alin sa inyo, ang kung ibig magtayo ng isang moog, ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol kung mayroong maipagtatapos?
“Baka kung malagay na niya ang patibayan, at hindi matapos, ang lahat ng mga makakita ay mangagpasimulang siya’y libakin,
“Na sabihin, Nagpasimula ang taong ito na magtayo, at hindi nakayang tapusin” (Lucas 14:28–30).
Sa paghahanda ninyo para sa hinaharap, dapat ninyong tiyakin na ang karanasang natatamo ninyo sa buhay na ito ay magbibigay-kakayahan sa inyo na makatapos nang may katatagan at makamit ang inyong walang-hanggang gantimpala.
Ang ating mundo ngayon ay bumibilis ang pag-ikot at masalimuot. Laging may mga pagkakataon ang mga tao na kumilos nang mabilis at walang pakundangan. Maraming taong gustong makinabang nang mabilisan at madalas na sinasamantala ang ibang nagsisikap na kumilos ayon sa mga patakarang itinakda ng mabubuting gawi. Ang mundong ito na mabilis ang pag-ikot ay nagpasidhi sa tukso sa mga tao na mabuhay ayon sa sarili nilang mga patakaran.
Gayunman, lagi tayong dapat managot sa batas ng pag-ani. “Sapagkat kung anuman ang inyong itinanim, iyon din ang inyong aanihin; samakatwid, kung kayo ay nagtanim ng kabutihan kayo rin ay aani ng kabutihan bilang inyong gantimpala” (D at T 6:33). Ito ang batas na hindi kailanman mapapawalang-bisa.
“Ang pagkatao ng isang tao ang totoong siya.—Ang kanyang reputasyon ay ang opinyon ng iba tungkol sa kanya.—Ang pagkatao ay nasa kanyang kalooban;—ang reputasyon ay nagmula sa iba—[pagkatao] ang katawan, [reputasyon] ang anino.”4
Ang mabuting pagkatao ay isang bagay na dapat ninyong likhain sa inyong sarili. Hindi ito maaaring manahin mula sa mga magulang. Hindi ito malilikha sa pagkakaroon ng mga pambihirang kalamangan sa iba. Hindi ito kasama sa pagsilang, yaman, talento, o katayuan. Bunga ito ng inyong sariling pagsisikap. Ito ang gantimpalang nagmumula sa pamumuhay ng mabubuting alituntunin at pagpapamalas ng mabuti at marangal na pamumuhay.
Kalakip ng marangal na pagtitiwalang iyan ang reputasyon ng isang taong tapat at may angking integridad. Ito ang mga pag-uugaling titiyak sa pangmatagalan at matagumpay na propesyon. Ang pinakamagandang katangiang maaari ninyong taglayin ay ang reputasyon na maaari kayong pagkatiwalaan.
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan Araw-araw
Sa mga isinulat niyang damdamin tungkol sa mga banal na kasulatan, sinabi ni Nephi: “Sa mga ito ay isinulat ko ang mga bagay ng aking kaluluwa, at maraming banal na kasulatan ang nakaukit sa mga laminang tanso. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon, at isinulat ang mga yaon para sa ikatututo at kapakinabangan ng aking mga anak” (2 Nephi 4:15).
Nakikita natin ang saganang pananalig at kaalaman mula sa ating mga banal na kasulatan: sa Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Makikita natin ang mga inspirasyong tuluy-tuloy na nag-uugnay sa bawat isa sa mga ito. Sa ating pag-aaral madali nating matutukoy ang mga ito.
Itinuturo sa mga banal na kasulatan na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Siya ay buhay at ating Manunubos at Tagapagligtas. Dapat natin Siyang sundin at ipakita na mahal natin Siya sa pamamagitan ng pag-alaala sa Kanya at sa mapagpakumbaba nating pagsunod sa Kanyang mga utos.
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala maaari tayong magsisi at maging malinis. Tayo ay Kanyang mga pinagtipanang tao at dapat ay lagi nating tuparin ang mga tipang ginawa natin.
Dapat tayong sumampalataya, magsisi, magpabinyag, tanggapin ang Espiritu Santo, at magtiis hanggang wakas.
Ang personal at taimtim na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nagbubunga ng pananampalataya, pag-asa, at mga solusyon sa ating mga hamon sa araw-araw. Ang madalas na pagbabasa, pagninilay, at pagsasabuhay ng mga aral sa mga banal na kasulatan, na may kasamang panalangin, ay nagiging walang kapantay na bahagi ng pagkakaroon at pagpapanatili ng malakas at masiglang patotoo.
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Kimball ang kahalagahan ng palagiang pagbabasa ng banal na kasulatan nang sabihin niyang: “Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipag-ugnayan ko sa kabanalan at kapag tila … walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag ibinubuhos kong muli ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, kumikitid ang agwat at nagbabalik muli ang espirituwalidad.”5
Ugaliing pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.
Isang Halimbawa sa Mundo
Ang aking henerasyon ay mabilis na lumilipas. Handa na kaming ipasa ang responsibilidad sa bago at mas-handang henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw. Umaasa kami na kanilang:
-
Pananatilihing dalisay at banal ang kanilang malulusog na katawan bilang mga templo ng Diyos.
-
Uunahin ang espirituwal na pagkatuto at kaalaman mula sa Diyos.
-
Maging isang henerasyon na mapagkakatiwalaan at gamitin ang pundasyon ng mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo sa pagbuo ng mga pamantayan at pinahahalagahan.
-
Hangaring matuto mula sa mga walang-hanggang katotohanan na nasa mga banal na kasulatan.
Nawa’y biyayaan kayo ng Diyos ng kakayahan at hangarin na maging halimbawa sa mundo at umangkop sa balanse at matwid na buhay na inaasahan Niya sa Kanyang mga anak habang sila ay nabubuhay.