Tinawag Upang Makaimpluwensya
Georgina Tilialo, New Zealand
Nang tawagin akong maglingkod bilang Mia Maid adviser sa organisasyon ng Young Women, nag-alinlangan ako na baka hindi ko magampanan ang tungkulin. Hindi ko inisip na gugustuhin ako ng mga bata o matututo sila sa akin, lalo na nang malaman ko na ibang-iba ang lahat para sa kanila kaysa noong kaedad nila ako.
Nagbago ang damdaming iyan ilang linggo mula nang tawagin ako nang dumalo ako sa isang kaganapan ng Young Women. Sa kaganapan ipinahayag ng isang ina kung gaano niya pinasasalamatan ang programang Young Women dahil pinalakas nito ang kanyang anak laban sa tukso. Naipaunawa sa akin ng kanyang mga sinabi kung gaano talaga kahalaga ang aking tungkulin.
Natanto ko na ang tungkulin ko ay higit pa sa pagtuturo ng mga aralin tuwing Linggo at pagtulong na magplano ng mga aktibidad. Tungkulin iyon para tulungan ang mga dalagitang ito na maghanda para sa hinaharap—magpunta sa templo, maglingkod sa Simbahan, at maging mabubuting ina. Kinailangan kong tulungan silang maghanda para sa buhay.
Ang mga tungkulin sa Simbahan ay nagmumula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit. Alam Niya ang mga pangangailangan natin at ng ating mga pinaglilingkuran. Ang kaalamang iyan ay makatutulong sa atin na sumampalataya sa Kanya at magtiwala sa ating sarili, kahit hindi natin nauunawaan kung bakit tayo binigyan ng partikular na tungkulin o hindi tayo nakatitiyak sa kakayahan nating gampanan ang isang tungkulin. Mapasasalamatan natin ang mga pagkakataong maglingkod at na karapat-dapat tayong magkaroon ng tungkulin, at maaari nating samantalahin ang pagkakataong matuto hangga’t kaya natin habang umuunlad tayo sa ebanghelyo.