Isang Awitin at Isang Panalangin
Nang hindi maabot ni Dillon ang mataas na nota, lalo pa siyang sumamo sa itaas para sa tulong na kailangan niya.
May malaking problema si Dillon: ang pinakamahusay niyang talento ang pinakamalaki rin niyang pangamba. “Gustung-gusto kong kumanta,” sabi ng 16-na taong gulang na Tongan, “pero hindi sa harap ng maraming tao. Masyado akong takot.”
Para na ninyong nakita ang magkahalo niyang damdamin nang ibalita ng Simbahan sa Tonga ang awdisyon para sa mga bokalista upang irekord ang bersiyon sa Tongan ng Old Testament seminary soundtrack. Kapwa siya nasasabik at nangangamba.
Tatlo sa mga awitin sa soundtrack ang nangangailangan ng isang male vocalist. Pagkatapos kantahin ni Dillon ang awitin kung saan siya nag-awdisyon, ginulat siya ng producer nang pakantahin siya ng isa pa sa mga awitin na nasa soundtrack. Kahit kabado siya, ginawa niya ito, at sinabi ng producer, “Natagpuan na natin ang kakanta.”
Sa kanyang pananabik—at pangamba—inalok si Dillon ng pagkakataon na irekord lahat ang tatlong awitin.
Ang Talento ni Dillon, ang Pangamba ni Dillon
Si Dillon, na miyembro ng Ma‘ufanga Ward, Nuku‘alofa Tonga Stake, ay mahusay sa paaralan. Isa siya sa mga 10 porsiyento ng mga estudyanteng Tongan na napiling mag-aral sa paaralan ng gobyerno. Masaya din siya sa seminary. “Maaga niya kaming ginigising para makapunta siya sa seminary,” sabi ng kanyang inang si Malenita Mahe.
Ngunit ang pagkanta ang gustung-gusto niyang gawin—bagama’t hindi ito alam ng kanyang pamilya hanggang sa nang minsan ay hilingan siyang kumantang mag-isa sa isang programa sa Primary.
“Mahiyain talaga si Dillon,” ang sabi ng kanyang ina.
Napakahusay ng pagkanta niya sa programa ng Primary kaya’t hinilingan siyang kumanta sa isang kumperensya ng Nuku‘alofa Tonga Stake. Pagkatapos niyon ay palagi na siyang pinakakanta.
Sinabi niya sa kanyang ina, “Balang-araw gagamitin ko po ang talento para sa Diyos.” Pagkatapos siyang mapiling kumanta sa soundtrack, sinabi niya sa kanyang ina, “Inay, nagamit ko na po ang talento ko.”
Sinabi ng kuya ni Dillon na si Sione na sinisikap niyang hikayatin si Dillon na kumanta. “Gugustuhin kong magkaroon ng talentong tulad ng sa kanya,” sabi niya. “Gusto ng lahat na ibahagi niya ito.”
“Gustung-gusto ko kapag kumakanta siya,” sabi ng kapatid niyang babae na si Pea.
“Gusto kong makakantang tulad niya balang-araw,” sabi ng kanyang siyam na taong gulang na kapatid na lalaking si Paula.
Nagpapasalamat si Dillon sa suporta ng kanyang pamilya. “Mahal ko ang pamilya ko,” sabi niya. “Natitiyak ko na sa tulong nila, magiging kalakasan ko ang aking mga kahinaan.”
Abutin ang Mas Mataas
Habang nakikipagtulungan si Dillon sa sound crew sa pagrekord ng mga awitin, nahirapan siya sa isang nota. “Hindi ko maabot ang nota,” sabi niya. “Maraming oras kaming nagpraktis.”
Sa huli, pagod na at pinanghihinaan ng loob, umuwi na siya nang gabing iyon, nalalaman na kinabukasan ay kailangan na niyang irekord ang awitin.
“Dumiretso ako sa aking silid at nagdasal sa aking Ama sa Langit na tulungan ako,” sabi niya.
Ang naiisip lang niya ay kung gaano kahalaga ang soundtrack sa 50,000 miyembro ng Simbahan sa Tonga, gayundin sa libu-libong iba pa na nakapagsasalita ng Tongan sa buong mundo.
“Isa iyon sa mga pinakamahabang gabi ng buhay ko,” sabi niya.
Matapos ang mahabang gabi ng panalangin at kaunting pagtulog, lumakad na si Dillon papasok sa recording studio at naabot niya ang nota.
“Aleluyah,” ang naaalala niyang sinabi niya. “Napakasaya ko.”
Huwag Matakot
Isa sa mga paboritong talata ni Dillon ang Josue 1:9: “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot at manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.”
Sinubukan ni Dillon ang pangako, at nalaman niyang totoo ito. “Sinikap kong gawin ang lahat ng magagawa ko. Ginawa ko ang lahat at ibinuhos ko ang puso ko sa mga awitin para madama ng mga makikinig ang Espiritu.”
Sa pagkapawi ng pangamba ni Dillon at pagtutuon sa kanyang mga talento, nalaman niya na marami siyang natatanggap na tulong—hindi lamang mula sa kanyang pamilya kundi mula sa kanyang Ama sa Langit.
“Alam ko,” sabi niya, “na sinagot ng Diyos ang mga dasal ko.”