2011
Pagiging mga Makabagong Pioneer
Agosto 2011


Pagiging mga Makabagong Pioneer

Itinuro sa atin ng mga pinuno ng Simbahan ang kahalagahan ng mga kontribusyong ginagawa natin ngayon.

Tayong Lahat ay mga Pioneer

“Wala akong mga ninunong kabilang sa mga pioneer noong ikalabingsiyam na siglo. Gayunman, simula pa noong mga unang araw ko sa Simbahan, nakadama na ako ng malapit na kaugnayan sa mga pioneer noon na tumawid sa kapatagan. Sila ang aking mga espirituwal na ninuno, gayundin ng bawat miyembro ng Simbahan, anuman ang ating bansang pinagmulan, wika, o kultura. …

“Sa pagtanggap ngayon ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo, tayong lahat ay mga pioneer sa ating kani-kanyang lugar na ginagalawan at kalagayan.”

Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Pakikinig sa Tinig ng mga Propeta,” Liahona, Hulyo 2008, 3.

Lahat ay Pinagpapala ng Unang Henerasyon

“Dahil kayo ang unang tumanggap ng ebanghelyo sa inyong pamilya, kayo ang nagiging unang henerasyon, isang piling henerasyong nagiging tulay upang mapagpala ang nakalipas, kasalukuyan, at darating na henerasyon. …

“… Nababasa at nababanggit natin sa Simbahan ang tungkol sa mga pioneer sa simula ng kasaysayan ng Simbahan. Sila ay mga unang henerasyong miyembro na katulad ninyo. …

“Ang kanilang pamana ay mapapasainyo bilang kapwa unang henerasyong miyembro. Maging matapat, maglingkod sa kapwa, pagpalain ang inyong pamilya, at gumawa ng mga tamang pagpapasiya. Kayo ang unang henerasyon, isang piling henerasyon na magpapala sa nakalipas, sa kasalukuyan, at sa darating na mga henerasyon.”

Elder Paul B. Pieper of the Seventy, “Ang Unang Henerasyon,” Liahona, Nob. 2006, 11, 13.

Lahat Tayo ay Kailangan

“Lahat tayo ay kailangan para matapos ang gawain na pinasimulan ng mga pioneer na Banal mahigit 175 taon na ang nakalilipas at isinagawa sa nakalipas na mga dekada ng matatapat na Banal ng bawat henerasyon. Kailangan nating manalig tulad nila. Kailangan nating gumawa tulad nila. Kailangan nating maglingkod tulad nila. At kailangang magtagumpay tayo tulad nila. …

“… Hindi tayo inuutusan ng Panginoon na kargahan ang handcart o kariton; inuutusan Niya tayong palakasin ang ating pananampalataya. Hindi Niya tayo inuutusang tawirin ang isang kontinente; inuutusan Niya tayong tumawid sa kabilang kalsada para dalawin ang ating kapitbahay. Hindi Niya tayo inuutusang ibigay lahat ang ating ari-arian para magtayo ng templo; inuutusan Niya tayo na magbigay mula sa ating kabuhayan at ating panahon sa kabila ng kahirapan ng modernong pamumuhay para patuloy na makapagtayo ng mga templo at pagkatapos ay regular na dumalo sa mga templong naitayo na. Hindi Niya tayo inuutusang mamatay bilang martir; inuutusan Niya tayong mamuhay tulad ng isang disipulo.

“Ito ay isang dakilang panahon para mabuhay, mga kapatid, at tayo na ang bahalang magpatuloy ng mayamang tradisyon ng matapat na pangako na siyang natatanging katangian ng naunang mga henerasyon ng mga Banal sa mga Huling araw.”

Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol “Ang Katotohanan ng Diyos ay Magpapatuloy,” Liahona, Nob. 2008, 83–84.

Paglalarawan ni Craig Dimond