2011
Pag-awit sa Singapore
Agosto 2011


Pag-awit sa Singapore

Nalaman ng mga kabataan ng Singapore Stake ang mga pagpapalang dulot ng sakripisyo at kasipagan sa paghahanda ng isang produksyong musikal.

Pagtunog ng alarm nang alas-5:00 n.u., nagbangon ang 17-taong-gulang na si Yee Mun Lim at naghanda para sa araw na iyon. Umalis siya ng bahay nang alas-5:20 para mag-seminary. Pagsapit ng alas-6:30 n.u. nagmamadali siyang pumasok sa paaralan, at nanatili roon hanggang alas-7:00 n.g. para sa mga klase at co-curricular activity. Pagkatapos ay nagmamadali siyang sumakay papunta sa stake center upang magpraktis para sa produksyong musikal ng stake.

Ito ang karaniwang ginagawa ng karamihan sa mga kabataan sa Singapore Stake tuwing Biyernes sa loob ng limang buwan. Kung minsan pagod at hapo na sila, ngunit sa buong paghahanda para sa produksyong musikal na, When a Prophet Speaks [Kapag Nagsalita ang Propeta], walang mga reklamo o panghihinayang, dahil dama ng mga kabataan na makabuluhan ang mga sakripisyo nila. “Ito ang kaganapang pinakakahanga-hanga, kamangha-mangha, nagpapasigla sa espiritu, nakakatuwa, at nagpapasaya sa puso na sinalihan ko,” sabi ni Yee Mun, ng Singapore Second Ward.

Paano Ito Nagsimula

“Ang pangunahin naming layunin ay magkaisa ang mga kabataan,” sabi ni Kate Loreto, ang stake Young Women president. “May mga kabataan kami sa walong iba’t ibang ward at nagmula sa iba’t ibang kultura. Mahirap para sa kanila ang makihalubilo sa isa’t isa. Kaya naisip namin, bakit hindi gumawa ng isang musikal para mapagsama-sama sila?”

Pumili ang mga lider ng musikang binigyang-inspirasyon ng listahan ng mga M ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008).1 Pinili ang musikang ito “upang tumimo sa mga kabataan ang titik ng mga awit, madama ang Espiritu, at maipamuhay ang mga pamantayan,” sabi ni Connie Woo, ang direktor ng buong pagtatanghal. “Gusto naming maisali ang mas maraming kabataan hangga’t maaari,” sabi ni Sister Woo. Sa kabuuan, 78 kabataan ang nagtanghal.

Marahil hindi lahat ng kabataang sumali ay iisa ang motibo sa simula, ngunit halos lahat sila ay patuloy na dumating sa praktis dahil nasiyahan sila sa pagkakaibigan, pag-awit, at, higit sa lahat, sa Espiritu.

Pakikibahagi

Matapos piliin ang tema at maiskedyul ang praktis, inilagay ang mga kabataan sa iba’t ibang bahagi ng produksyon at sa iba’t ibang komiteng akma sa kanilang mga talento.

Si Ally Chan, edad 18, ng Singapore Second Ward ay nagboluntaryong tumulong sa costume committee. “Kinailangan naming pumili ng disenteng kasuotan, na napakahalaga, at kinailangang maging mura ito, angkop sa kabataan, at maganda ring tingnan sa entablado,” sabi niya. Hindi lang siya natutong magdesisyon batay sa mga pamantayan ng ebanghelyo at makipagtulungan sa iba, kundi masaya rin siya sa naging hitsura ng mga kabataan.

Si Canden Petersen, edad 15, ng Singapore First Ward ay itinalagang choir president para tumulong na tiyaking maayos ang bawat praktis. Kabilang sa mga responsibilidad niya ang mag-atas ng magdarasal, tipunin at yayain ang mga kabataan sa mga praktis at laro, at ipaalam kung saan uupo sa entablado. “Hinilingan din akong patulungin ang ilang binatilyo sa pag-aayos at pagliligpit ng mga gamit at pamahalaan ang mga kabataan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin,” sabi niya. “Nadama ko na nakabuti ang responsibilidad na ito sa mga kabataan. Sana’y naipaunawa nito sa kanila na tumatawag ng mga lider ang Panginoon ngayon, hindi lamang mula sa matatanda. Makakaya at dapat nilang itaguyod ang kanilang mga lider anuman ang edad o karanasan ng mga ito.”

Si Kandace Lim, edad 18, ng Woodlands Ward ay tumulong sa pagtanggap ng maraming tungkulin, kabilang na ang pagiging miyembro ng costume committee, choreography committee, photography committee, at maging sa pag-awit nang solo. Tungkol sa marami niyang responsibilidad, sabi niya, “Si Inay ang naghikayat sa aking tanggapin ang mga tungkuling ito. Itinuro niya sa akin na kung may pagkakataong maglingkod, gawin ito. Kung tatanggapin mo ang gawain at magiging masigasig dito, tiyak na tutulungan ka ng Panginoon na malagpasan ang anumang hirap na daranasin mo.”

Bukod pa rito sa mga responsibilidad sa pangangasiwa, kinailangan din ng mga gaganap. Si John Lee, edad 17, ng Clementi Ward ay isa sa malalakas ang loob na nagboluntaryong mag-solo. Simple lang ang kanyang dahilan: “Gusto ko lang kumanta! At nadarama kong espesyal ako dahil dito.”

Si Ezra Tadina, edad 17, ng Woodlands Ward ay hindi nadama na kaya niyang kumanta, kaya naghanap siya ng ibang paraan para makatulong. “Pinili kong sumali,” sabi niya, “at ako talaga ang nagsalaysay ng tungkol sa pakikibahagi. Dama ko ang mensahe dahil alam kong totoo ito.”

Malaking Sakripisyo

Ang mga praktis ay nagsimula noong Nobyembre 2009 hanggang Marso 2010. Sa panahong ito, nagtipon ang mga kabataan sa stake center para magpraktis tuwing Biyernes ng gabi, maliban kung pista-opisyal. Ang panahon at katapatan ng mga kabataan na dumalo ay malaking sakripisyo, kung iisipin na nakakapagod ang iskedyul ng karaniwang kabataang Singaporean.

Pinili ng first-year junior college student na si Olivia Hoe ng Bedok Ward na sumali dahil “gaano man kalaki ang mga problema ko sa buhay, pagkatapos ng maghapon, ang ebanghelyo ang nagpapatatag at tumutulong sa akin na malagpasan ang mga ito. Ang kaalaman na may Isang nagbabantay at lubos na nagmamahal sa akin ay nagpapanatag nang husto sa akin, at sa palagay ko sobra na iyan para magpatuloy ako sa araw-araw.”

Marami sa mga kabataan ang may iba pang gagawin, ngunit alam nila na naglaan ng daan ang Panginoon para sa kanila. Ganyan ang nangyari sa 16-na taong-gulang na si Amanda Ho ng Singapore Second Ward. “May praktis ako sa sayaw, na nasabay sa ilang praktis para sa musikal na ito, pero himalang nagpalit ng iskedyul ang paaralan, kaya nakapunta ako sa mga praktis,” paliwanag niya.

Oras Na para Magtanghal

Pagkaraan ng maraming buwang pagpapraktis, handa na ring ipalabas ang pagtatanghal. Salamat sa masigasig na promosyon ng mga kabataan, mahigit 700 katao ang nanood sa kanila sa tatlong pagtatanghal. Nang ibahagi ng mga kabataan ang kanilang mensahe sa mga awit, sayaw, tugtog, at sarili nilang patotoo, marami sa mga manonood ang naantig.

Naging hamon din sa grupo ang pag-aanyaya ng mga kaibigang di-miyembro na panoorin ang kanilang pagtatanghal at gawin itong isang oportunidad para sa gawaing misyonero. Sineryoso ni Michael Lee, edad 18, ang hamong ito. “Anim ang inanyayahan kong kaibigan, at tatlo sa mga kaeskuwela ko at isang guro ang pumunta,” sabi niya. Ang kanilang pagtatanghal ay hinangaan lalo na ng kanyang guro. “Sinabi niya na ito ay isang napakagandang karanasan. Humingi pa siya ng kopya ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sinabi niya na nadama niya ang sigla sa maraming umaasang puso ng mga kabataan.”

Ang unang layunin ng mga lider na pagsama-samahin ang mga kabataan ay talagang natupad. “Habang nakaupo ako at nakatingala sa bawat isa sa kanila sa pagtatanghal, napuspos ng galak ang puso ko,” sabi ni Sister Woo. “Hindi ito dahil sa napakaganda nilang tingnan, napakahusay nilang kumanta at tumugtog, o napakahusay nilang magsalaysay. Hindi ito dahil sa paaralan o bansang kanilang pinanggalingan. Sila ay nagkaisa.”

Ang Mensahe sa Musika

Nakatulong ang musikal na magkaroon ng mas malakas na patotoo ang marami. Sinasabi ng ilan na hinihimig nila ang tono at kinakanta ang mga titik ng mga awitin saanman sila naroon, at nakakatulong ang mensahe sa mga awitin na malagpasan nila ang mga hamon sa kanilang araw-araw na buhay. Marami sa kanila ang hindi lamang naging mabubuting magkaibigan kundi mga espirituwal na suportang kayang pasiglahin ang isa’t isa kapag nahihirapan. Matutulungan nila ang isa’t isa na manatili sa makitid na landas at espirituwal na umunlad.

Tala

  1. Ang siyam na M ay maging mapagpasalamat, maging ismarte, makibahagi, maging malinis, maging tapat, maging positibo, magpakumbaba, maging payapa, maging madasalin; tingnan sa Gordon B. Hinckley, Way to Be! (2002); tingnan din sa “Payo at Panalangin ng Isang Propeta para sa Kabataan,” Liahona, Abr. 2001, 33.

Mga larawang kuha ni Daniel Soh

Amanda Ho

Olivia Hoe

Michael Lee

Yee Mun Lim

Canden Petersen

Kandace Lim

Ezra Tadina

Ally Chan

Cerys Ong

John Lee