2012
Ang Tagapag-alaga
Nobyembre 2012


Ang Tagapag-alaga

President Henry B. Eyring

Kayo ay palalakasin subalit bibigyang-inspirasyong malaman ang mga limitasyon at hangganan ng inyong kakayahang maglingkod.

Nagpapasalamat akong makasama kayo ngayong gabi. Ang kababaihan ng Simbahan ni Jesucristo ay nagiging samahan ng kababaihan na inilarawan ng ina ni Propetang Joseph Smith na si Lucy Mack Smith, sa mga salitang ito: “Kailangan nating pakamahalin ang isa’t isa, [pangalagaan] ang isa’t isa, aliwin ang isa’t isa at maturuan, upang makaupo tayo nang magkakasama sa langit.”1

May tatlong bahagi sa napakagandang paglalarawang iyan ng mga kwalipikasyon upang maging maligaya sa piling ng Diyos. Ang una ay pangalagaan ang isa’t isa. Ang isa pa ay turuan ang isa’t isa at maturuan. At ang pangatlo ay magkakasamang maupo sa piling ng Diyos.

Ang layunin ko ngayong gabi ay tulungan kayong madama ang papuri at pagpapahalaga ng Diyos sa nagawa ninyo para matulungan ang isa’t isa na makamtan ang dakilang mithiing iyon. At, pangalawa, para ilarawan ang ilan sa mga mangyayari pa sa inyong nagkakaisang paglilingkod.

Tulad ng kababaihan noong araw, tumugon kayo sa panawagan ng Panginoon na tumulong sa kapwa. Noong 1856 hiniling ng propetang si Brigham Young sa mga Banal na tulungan ang mga handcart pioneer na hindi makaalis dahil sa makapal na niyebe. Sa panahong iyon ng pangangailangan ay sinabi niya sa mga miyembro sa pangkalahatang kumperensya: “Ang inyong pananampalataya, relihiyon, at pangangaral ng relihiyon, ay hindi makapagliligtas ng kahit isang kaluluwa sa inyo sa kahariang selestiyal ng ating Diyos, kung hindi ninyo susundin ang mga alituntuning itinuturo ko sa inyo ngayon. Humayo kayo at dalhin dito ang mga taong nasa kapatagan ngayon, at [isagawang] mabuti ang mga bagay na tinatawag nating temporal, … kung hindi [ay] mawawalang-saysay ang inyong pananampalataya.”2

Daan-daang kababaihan sa Utah ang tumugon dito. Sa kanilang karalitaan pinuno nila ang mga bagon ng lahat ng maibibigay nila at makakalap mula sa iba upang bigyang-ginhawa ang mga nasa kagipitan. Itinala ng isa sa magigiting na kababaihang iyon, “Hindi pa ako kailanman higit na nasiyahan at, masasabi kong, natuwa sa anumang pagsisikap na ginawa ko sa aking buhay, gayon ang nanaig na damdamin ng pagkakaisa.”3

Nang matapos ang pagsagip at natunaw na ang niyebe, itinala ng kapatid na iyon ang tanong ng kanyang tapat na puso: “Ano pa ang susunod na gagawin ng mga taong handang tumulong?”4

Sa ating panahon, ang mga grupo ng magigiting na kababaihan sa iba’t ibang dako ng mundo ay ipinamumuhay ang kanilang pananampalataya sa napakaraming lugar. At itinatanong nila sa kanilang puso at mga panalangin ang bagay ding iyon tungkol sa paglilingkod na kanilang gagawin.

Bawat isa sa inyo ay kakaiba ang kalagayan sa inyong paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan. Ang ilan ay marami nang karanasan sa paglilingkod, at ang iba ay nagsisimula pa lamang sa kanilang pagiging disipulo sa buhay. Bawat isa ay may kakaibang personal na kasaysayan at mga hamon sa buhay. Ngunit kayong lahat ay magkakapatid at minamahal na mga anak ng ating Ama sa Langit, na nakakikilala at nangangalaga sa inyo.

Ang napakagandang nagawa ninyo nang sama-sama ay ang mahalin, pangalagaan at bigyang-ginhawa ang isa’t isa. Nasaksihan ko ang tatlong bahagi ng himalang iyan isang buwan pa lang ang nakalilipas sa paglilingkod ninyo sa isang miyembro. Bilang kanyang ama, salamat sa inyo at salamat sa Diyos, na gumabay sa isang visiting teacher.

Ang anak naming si Elizabeth, na nakatira sa ibang estado at napakalayo sa amin, ay nasa bahay kasama ang kanyang tatlong-taong-gulang na anak na babae. Ang isa pang anak niya ay nasa unang linggo pa lang ng kindergarten. Si Elizabeth ay anim na buwan nang nagdadalantao at umaasam na ipanganak ang ikatlo niyang anak, na ayon sa mga doktor ay babae na naman. Ang asawa niyang si Joshua ay nasa trabaho.

Nang makita niyang dinudugo na siya at tuluy-tuloy ito, tinawagan niya sa telepono ang kanyang asawa. Sinabihan siya nito na tumawag ng ambulansya at doon na sila magkita sa ospital, na 20 minuto ang layo mula sa bahay niya. Bago siya nakatawag, narinig niyang may kumatok sa pintuan.

Sa pintuan nagulat siyang makita ang kanyang Relief Society visiting teaching companion. Wala silang usapan nang umagang iyon. Nadama lang ng kompanyon niya na dapat niyang puntahan si Elizabeth.

Tinulungan siya nitong makasakay sa kotse. Dumating sila sa ospital ilang minuto bago nakarating si Joshua mula sa trabaho. Wala pang 20 minuto ay nagpasiya na ang mga doktor na operahan si Elizabeth para mailabas ang sanggol at mailigtas ang buhay ng mag-ina. Kaya isinilang ang isang munting sanggol na babae sa mundo, na umiyak nang malakas, na napaaga nang 15 linggo ang pagsilang. Siya ay may timbang na isang libra, labing-isang onsa (765 g). Ngunit buhay siya, gayon din si Elizabeth.

Natupad ang sinabi ni Lucy Mack Smith nang araw na iyon. Isang tapat na miyembro ng Relief Society, na binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo, ang nagbantay, nagmahal, at nagbigay-ginhawa sa kanyang kapatid sa kaharian ng Diyos. Siya at libu-libo pang ibang nakapagbigay ng inspiradong paglilingkod sa nagdaang mga henerasyon ay hindi lamang pinasalamatan ng mga natulungan nila at ng kanilang mga mahal sa buhay kundi maging ng Panginoon.

Alalahanin ang pagpapahalaga Niya sa mga taong di-gaanong kinikilala ng mundo sa kanilang kabutihan: “At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”5

Ngunit ang himala ng isang miyembro ng Relief Society na tamang-tama ang dating para tumulong ay naragdagan sa pamamagitan ng lakas ng nagkakaisang samahan ng kababaihan. Narito ang isang bahagi lamang ng mensahe ng bishop ni Elizabeth na ipinarating kina Elizabeth at Joshua sa ospital ilang oras matapos isilang ang sanggol: “Ang Relief Society president na ang bahala sa lahat. Nagpaplano na kaming tulungan ang mga anak ninyo sa bahay para makaparoo’t parito si Elizabeth sa ospital habang nasa ospital ang inyong magandang sanggol na wala pang pangalan. Nagawa na namin ito noon nang matagalan, at sinasamantala ng [ating] mga tao ang pagkakataong ito.

Sabi pa ng bishop, na tinutukoy ang sarili at ang ward: “Nagpunta pa nga kami sa ospital at sinamahan ang mga bata sa playroom nang hindi sila maiwan ng kanilang ina sa ibang lugar.”

At patuloy niya: “Hindi namin isasagawa ang aming plano nang walang koordinasyon at pagsang-ayon ninyo, siyempre. Gusto lang naming ipaalam na hindi kayo dapat mag-alala sa mga bagay na magagawa [at gagawin] namin.”

Dahil sa pagtulong nila sa aking anak, nagkaroon siya ng matamis na sandaling kargahin, sa unang pagkakataon, ang kanyang munting sanggol.

At tinapos ng bishop ang kanyang mensahe kina Joshua at Elizabeth sa ipinararating ng kababaihan dahil sa pangako nilang paglingkuran ang iba sa lahat ng dako ng mundo alang-alang sa Panginoon: “Manatiling tapat.”

Kahit magkakaiba ang kalagayan at karanasan ninyo sa buhay, may sasabihin ako tungkol sa ilang bagay na naghihintay sa inyo. Kapag nanatili kayong tapat, makikita ninyo na madalas kayong aanyayahan ng Panginoon na paglingkuran ang isang taong nangangailangan kapag tila hindi ito madali para sa inyo. Maaaring mukha itong mahirap at marahil ay imposible pang gawin. Kapag dumating ang pagkakataong iyon, maaaring tila hindi kayo kailangan o may iba pang taong mas makakatulong kaagad.

Alalahanin na kapag hinayaan ng Panginoon na makita natin ang isang taong nahihirapan, pinupuri natin ang mabuting Samaritano sa hindi niya ginawa at maging sa kanyang ginawa. Hindi siya dumaan sa kabilang daan kahit estranghero at marahil ay kaaway pa ang nabugbog na manlalakbay. Ginawa niya ang makakaya niya para sa nabugbog na lalaki at nagplanong makatulong pa ang iba pagkatapos. Ginawa niya ito dahil naunawaan niya na ang pagtulong ay maaaring mangailangan ng higit pa sa magagawa ng isang tao.

Ang mga aral sa kuwentong iyan ay maaaring gumabay sa inyo anuman ang inyong hinaharap. Ang mga aral ding iyon ay natamo ninyo sa inyong kabataan at sa mga karanasan ninyo ngayon.

Kahit minsan lang, at marahil ay madalas, ay nagulat kayong makita ang isang taong nangangailangan ng pangangalaga. Maaaring isa itong magulang, lolo, lola, kapatid, o anak na nagkasakit o may kapansanan. Ang pagkahabag ninyo ang nanaig kaysa inyong mga pagnanais bilang tao. Kaya sinimulan ninyong mag-alok ng tulong.

Tulad ng manlalakbay sa kuwento ng mabuting Samaritano sa banal na kasulatan, malamang na ang tulong na kailangan ay naging pangmatagalan na hindi ninyo kayang ibigay nang mag-isa. Kinailangang paalagaan ng Samaritano ang manlalakbay sa katiwala ng bahay-tuluyan. Ang plano ng Panginoon na paglingkuran ang ibang nangangailangan ay may pagtutulungan.

Laging inaanyayahan ng bishop at mga Relief Society president ang mga miyembro ng pamilya na magtulungan kapag kailangan. Napakaraming dahilan para sa alituntuning iyan. Ang nangunguna ay ang maglaan ng ibayong pagmamahal sa mas maraming tao na dulot ng paglilingkod sa isa’t isa.

Nakita at nadama na ninyo ang pagpapalang iyan. Kapag inalagaan ninyo ang isang tao kahit sandali lang, napapamahal sa inyo ang taong inyong pinaglingkuran. At nang tumagal pa ang pag-aalaga ninyo, nag-ibayo ang pagmamahal na iyon.

Dahil tayo ay mortal, ang nag-ibayong pagmamahal na iyan ay maaaring hadlangan ng lungkot at pagod. Iyan ang isa pang dahilan kaya hinahayaan ng Panginoon na matulungan tayo ng iba sa paglilingkod natin sa mga nangangailangan. Iyan ang dahilan kaya nagtatag ang Panginoon ng mga samahan ng mga tagapag-alaga.

Ilang linggo na ang nakalilipas naroon ako nang sang-ayunan ang isang babae sa sacrament meeting bilang assistant coordinator ng visiting teaching, isang posisyong hindi ko alam na mayroon noon. Inisip ko kung alam ba niya ang pagpapahalaga ng Panginoon sa kanya nang tawagin siya sa tungkuling iyon. Dahil sa malikot na anak, kinailangan niyang lisanin ang miting bago ko nasabi sa kanya kung gaano siya kamahal at pinahahalagahan ng Panginoon sa kanyang pagtulong na pangasiwaan ang mga ginagawa ng Kanyang mga disipulo.

Ang pangangalaga sa mga nangangailangan ay kailangan ng pagtutulungan, isang mapagmahal at nagkakaisang samahan. Iyan ang itinatatag ng Panginoon sa inyo. Mahal Niya kayo anumang tungkulin ang inyong ginagampanan.

Ang isang patunay ng Kanyang pagpapahalaga sa inyo ay tinutulutan kayo ng Diyos na lalo pa ninyong mahalin ang inyong mga pinaglilingkuran. Iyan ang dahilan kaya ninyo iniiyakan ang pagkamatay ng isang taong pinaglingkuran ninyo nang matagal. Ang nasayang na pagkakataong alagaan sila ay maaaring parang mas malaki pang kawalan kaysa pansamantalang paghihiwalay. Narinig ko ang isang babae—na matagal ko nang kilala—kamakailan, noong linggong pumanaw ang kanyang asawa, na nagpatotoo at nagpasalamat sa pagkakataong mapaglingkuran ito hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Walang makitang luha sa kanya, kundi masayang ngiti.

Kahit malaki ang pagpapala ng mahaba at mapagmahal na paglilingkod sa mga tao, malalaman ninyo na may pisikal, emosyonal, at pinansiyal na mga limitasyon sa maaaring mangyari. Ang taong nag-aalaga nang sapat na haba ng panahon ay maaaring siyang mangailangan ng pag-aalaga.

Ang Panginoon, na siyang Dalubhasang Mangangalaga ng mga taong nangangailangan, ay nagbigay ng magandang payo sa mga pagod na tagapag-alaga sa mga salitang ito na ipinahayag ni Haring Benjamin at nakatala sa Aklat ni Mormon: “Alang-alang sa pananatili ng kapatawaran ng inyong mga kasalanan … nais kong ibahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa mga maralita, bawat tao alinsunod sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal, alinsunod sa kanilang mga pangangailangan.”6

Ngunit nagbabala rin Siya sa ilan sa inyo na maaaring nagpapabaya sa sarili sa walang tigil at napakatagal na mapagmahal na paglilingkod: “At tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao [o sinumang tagapag-alaga] ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas. At muli, kinakailangang siya ay maging masigasig, nang sa gayon siya ay magkamit ng gantimpala, anupa’t ang lahat ng bagay ay dapat na gawin nang maayos.”7

Ang payong iyan ay maaaring mahirap gawin kapag kailangan ninyong magpasiyang balansehin ang hangarin ninyong gawin ang lahat para tulungan ang iba at ang karunungan ninyong magtipid sa sarili ninyong mga pangangailangan upang patuloy kayong makapaglingkod. Maaaring nakita na ninyo ang iba na nahirapan sa gayong mga pagpapasiya. Ang isang halimbawa ay ang pagpapasiya kung aalagaan ninyo sa bahay o paaalagaan sa isang bahay-ampunan ang isang taong malapit nang pumanaw kapag pagod na pagod na kayo.

Ang nalalaman ninyo tungkol sa plano ng kaligtasan ay maaaring gumabay sa inyo sa gayon kahirap na mga pagpapasiya. Iyan ang isa sa mga dahilan kaya matalinong sinabi ni Lucy Mack Smith na ang kababaihan ay dapat “maturuan.”

Makabubuting magkaroon ng matibay na pananalig sa layunin ng Panginoon para sa bawat anak ng Diyos sa panahon ng paghihirap sa buhay. Itinuro Niya kay Propetang Joseph ang napakahalagang bagay sa plano ng kaligtasan sa ganitong paraan nang sikapin ni Joseph na unawain ang tila walang-katapusang mga pagsubok sa kanya: “At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.”8

Ang pasiya nating makatulong nang husto sa isang taong nasa gitna ng mahihirap na pagsubok ay nagiging, “Ano ang dapat kong gawin na makakatulong nang husto sa taong mahal ko na ‘lubos na makapagtiis’?” Kailangan natin siyang tulungan na matutong sumampalataya kay Cristo, umasa sa buhay na walang hanggan, at ibigin ang kanyang kapwa, na dalisay na pag-ibig ni Cristo, hanggang sa wakas ng kanyang buhay.

Nakakita na ako ng kababaihan sa kaharian na nagtuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang layunin. Isipin ang mga panahong naparoon kayo sa silid kung saan nagpulong ang Relief Society o Primary o Young Women.

Maaaring walang makitang larawan doon ng Tagapagligtas o ng Kanyang mga salita, ngunit alam ninyo na nagkaroon ng patotoo sa katotohanan at kahalagahan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa oras na iyon na katulad sa gabing ito. Maaaring walang larawan ng banal na templo o mga salitang “Ang Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” ngunit nakikita ninyo ang pag-asa sa kanilang mga ngiti.

At nakita ninyo, katulad ko, na pinalakas ng isang matalinong visiting teacher ang loob ng isang miyembrong nahihirapan na kailangan at mahalaga pa rin ang kanyang paglilingkod sa iba, kahit siya ay nagkukulang. Naghahanap ng paraan ang mahuhusay na Relief Society president para makatulong ang mga nangangailangan sa pag-aalaga sa iba. Nagbibigay sila ng mga pagkakataon sa kababaihan na matiis ang mga pagsubok kapag inalagaan nila ang isa’t isa sa dalisay na pag-ibig ni Cristo. Maaaring kabilang diyan ang magiliw na panghihikayat sa pagod na tagapag-alaga na magpahinga at tanggapin ang tulong ng iba.

Nagagawa iyon ng kababaihan dahil hindi sila nanghuhusga sa mga taong dumaranas ng matinding pagsubok. Karamihan sa mga tao na may mabibigat na pasanin ay nagsisimulang mag-alinlangan sa sarili at sa kanilang kahalagahan. Pinagagaan natin ang kanilang mga pasanin kapag nagpasensya tayo sa kanilang mga kahinaan at nagsasaya sa anumang kabutihang makita natin sa kanila. Ginagawa iyan ng Panginoon. At maaari nating tularan ang Kanyang halimbawa—dahil Siya ang pinakadakilang tagapag-alaga ng lahat.

Madalas nating pag-uusapan ang lakas ng grupo ng kababaihan sa Simbahan ni Jesucristo. Dapat nating malaman na ang Tagapagligtas ay laging kasama sa grupo kapag inaanyayahan natin Siya.

Makikita natin na parami nang parami ang inaanyayahan ng mga anak na babae ng Diyos na kababaihan na sumama sa kanila. Kapag dumarating sa isang miting ang kababaihan at naghanap ng upuan, maririnig nila ang magiliw na salitang, “Halika[yo], tabi-tabi tayo.”

Maririnig natin ang mga salitang iyan sa araw na nakita ni Lucy Mack Smith na ang kababaihan ay “[makaupo] nang magkakasama sa langit.” Hindi tayo naghahanda para sa araw na iyon sa isang iglap lamang. Mangyayari ito sa mga araw at taon ng pag-aalaga natin sa isa’t isa at pagsasapuso ng mga salita ng buhay na walang hanggan.

Dalangin ko na marami sa atin ang magkasama-sama sa maluwalhating hinaharap na iyon na naghihintay sa atin. Pinatototohanan ko na ang pag-asam ninyo sa mga araw na iyon ay hindi mabibigo. Ginawa itong posible ng Panginoong Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, para sa bawat isa sa inyo. Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang inyong mga panalangin ng pananampalataya para patnubayan at tulungan kayong magtiis sa paglilingkod sa Kanya.

Isinusugo ang Espiritu Santo sa inyo at sa mga inaalagaan ninyo. Palalakasin kayo subalit bibigyang-inspirasyon ding malaman ang hangganan ng inyong kakayahang maglingkod. Papanatagin kayo ng Espiritu kapag inisip ninyo, “Sapat na ba ang nagawa ko?”

Pinatototohanan ko na sasainyo ang Panginoon at ihahanda ang inyong daan at papatnubayan kayo sa inyong paglilingkod sa mga taong mahal Niya sa kanilang mga pangangailangan at pagsubok. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Lucy Mack Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 30.

  2. Brigham Young, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 44.

  3. Lucy Meserve Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 44.

  4. Lucy Meserve Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 44.

  5. Mateo 25:40.

  6. Mosias 4:26.

  7. Mosias 4:27.

  8. Doktrina at mga Tipan 121:8.