2012
Magsigising sa Ating mga Tungkulin
Nobyembre 2012


Magsigising sa Ating mga Tungkulin

Carole M. Stephens

Kailangan nating magsigising sa ating tungkulin at magpatuloy nang may pananampalataya habang humuhugot tayo ng kapanatagan, lakas, kakayahan, at paggaling sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.

Matapos akong tawagin sa Relief Society general presidency, hinangad kong kilalanin pa ang kababaihang unang naglingkod kaysa akin. Humanga ako sa mga turo ni Sister Zina D. Young, unang tagapayo sa ikalawang Relief Society general presidency. Sabi niya, “Mga kapatid, kailangan nating magsigising sa ating mga tungkulin.”1 Pinag-isipan ko ang mga salitang magsigising at tungkulin at nagsaliksik pa ako sa mga banal na kasulatan.

Sa Bagong Tipan, itinuro ni Pablo sa mga Banal sa kanyang panahon:

“Ngayo’y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka’t ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan. …

“Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: … ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.”2

Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Alma sa kanyang mga tao ang mga sagradong tungkulin ng mga nakikipagtipan sa Diyos:

“At ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;

“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar. …

“Ngayon, sinasabi ko sa inyo, kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?

“At ngayon, nang marinig ng mga tao ang mga salitang ito, ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan, at nagbulalas: Ito ang mga naisin ng aming mga puso.”3

Dahil sa sinabi ni Sister Young at sa mga talatang ito, pinag-isipan ko ang “mga tungkulin” na dapat nating gampanan sa ating panahon.

Kapag tayo ay bininyagan, nakikipagtipan tayo. Itinuro ni Elder Robet D. Hales, “Kapag gumawa tayo ng mga tipan at tinupad ang mga ito, lumalabas tayo sa daigdig at [pumapasok] sa kaharian ng Diyos.”4

Nabago tayo. Iba ang ating anyo, at iba ang ating kilos. Iba na ang pinakikinggan at binabasa at sinasabi natin, at iba na tayong manamit dahil tayo ay naging mga anak ng Diyos na nakipagtipan sa Kanya.

Sa ating kumpirmasyon, tinatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo, ang karapatang mapatnubayan tuwina ng isang miyembro ng Panguluhang Diyos upang tayo ay gabayan, panatagin, at protektahan. Binabalaan Niya tayo kapag natutukso tayong talikuran ang ating mga tipan at muling nagiging makamundo. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na wala ni isa sa atin “ang makagagawa kailanman ng malaking pagkakamali nang hindi muna binabalaan ng mga paramdam o pahiwatig ng Espiritu Santo.”5

Para matanggap ang kaloob na ito at laging mapasaaatin ang Espiritu, dapat tayong maging karapat-dapat at masigasig na alamin ang kundisyon ng ating puso. Malambot ba ang ating puso? Tayo ba ay may pusong mapagpakumbaba, madaling turuan, at maamo? O unti-unti bang tumigas ang ating puso dahil hinayaan nating makapasok ang ingay ng mundo at magambala tayo sa pakikinig sa mga banayad na pahiwatig na tiyak na nagmula sa Espiritu?

Nang binyagan tayo, nabago at nagising ang ating puso sa Diyos. Habang tumatahak tayo sa landas ng buhay, kailangan nating itanong palagi sa sarili, “Kung [akin] nang naranasan ang pagbabago ng puso, … nadarama [ko ba iyon] ngayon?”6 At, kung hindi, bakit hindi?

Marami sa mga naunang Banal ang “[nakaranas ng] malaking pagbabagong ito sa [kanilang] puso.”7 Pinukaw sila nitong tanggapin ang mga pagpapala ng templo na nagpalakas sa kanilang pagganap sa tungkulin. Ang mga naunang Banal sa Nauvoo ay nagpunta “sa templo buong maghapon at buong magdamag”8 upang tumanggap ng mga ordenansa at makipagtipan bago sila naglakbay pakanluran.

Ganito ang sabi ni Sarah Rich, isang Relief Society sister sa Nauvoo: “Marami kaming natanggap na pagpapala sa bahay ng Panginoon, na nagdulot ng galak at kapanatagan sa amin sa gitna ng lahat ng aming pagdurusa at naging dahilan upang sumampalataya kami sa Diyos, batid na gagabayan at palalakasin Niya kami sa walang katiyakang paglalakbay na aming haharapin.”9

Taglay ang mga pusong nabago dahil sa pananampalataya sa Tagapagligtas, umasa sila sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Napukaw silang kumilos. Alam nila sa kaibuturan ng kanilang puso na may isa—ang Tagapagligtas—na nakauunawa sa kani-kanilang paghihirap dahil dinanas Niya ito para sa kanila sa Halamanan ng Getsemani at sa krus. Nadama Niya ang kanilang takot, pag-aalinlangan, pighati, at lumbay. Dinanas Niya ang kanilang kalungkutan, pagkaapi, gutom, pagod, at kawalan. At dahil dinanas Niyang lahat ito, masasabi Niya sa kanila, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”10

At nagsiparoon sila. Nagtiwala sila at sumunod sa propeta. Alam nila na magiging mahaba ang paglalakbay, at mahirap ang kanilang tungkulin. Alam nila na kailangang magsakripisyo, ngunit dahil pinalakas sila ng pananampalataya at nanangan sila sa kanilang mga tipan, sila ay espirituwal na handa.

Bago lisanin ang Nauvoo, isang grupo ng mga Banal ang sumulat ng isang mensahe sa dingding ng assembly hall ng templo na sapilitan nilang iniwan. Sabi roon, “Nakita ng Panginoon ang aming sakripisyo: sundan ninyo kami.”11

Kailan lang ay sumama ako sa mga kabataang lalaki at babae ng aming ward sa isang pioneer trek. Sa bawat umaga ay tinanong ko ang aking sarili, “Ano ang isasakripisyo ko? Paano ko sila susundan?”

Sa ikalawang araw ng trek nahila na namin ang aming kariton nang walong milya (13 km) nang dumating kami sa isang lugar sa daan na tinatawag na “the women’s pull.” Inihiwalay ang kalalakihan sa kababaihan, at pinauna na ang kalalakihan paakyat ng isang burol. Nang simulan naming hilahin ang aming kariton, tumingala ako at nakita ko ang mga priesthood namin, bata at matanda, nakahanay sa magkabilang panig ng daan, at hinubad ang mga sumbrero bilang paggalang sa kababaihan.

Madaling umakyat sa simula, ngunit di-naglaon ay lubog na kami sa buhangin, at matarik na ang burol. Nakatungo ako at buong lakas kong itinutulak ang kariton nang maramdaman kong may humila rito at nakita ko si Lexi, isa sa mga dalagita namin at kapitbahay ko. Nahila na niya ang kanyang kariton hanggang sa tuktok at, nang makitang kailangan namin ng tulong, tumakbo siya pabalik. Pagdating namin sa tuktok, gustung-gusto ko sanang tumakbo pabalik para tulungan ang mga kasunod ko, pero humihingal na ako at malakas ang kabog ng puso ko, kaya ilang beses na pumasok sa isip ko ang mga salitang atake sa puso! Minasdan ko nang may pasasalamat ang iba pang mga dalagitang nagparada ng kanilang kariton at tumakbo para tumulong.

Nang makarating ang lahat sa tuktok, ilang minuto kaming nagtala ng damdamin sa aming journal. Isinulat ko: “Hindi ko sapat na naihanda ang katawan ko kaya wala akong lakas para tulungan ang mga kasunod ko. Maaaring hindi ko na kailangang maghilang muli ng kariton, pero hindi ko hahayaang hindi matulungan sa espirituwal ang mga kapatid, kailanman!”

Ito ay isang sagradong karanasan na espirituwal na pumukaw sa akin sa mga tungkulin ko sa aking pamilya at sa iba. Sa buong paglalakbay namin, pinag-isipan ko ang natutuhan ko.

Una’y naisip ko ang mga kapatid, yaong mga humila nang mag-isa at yaong mga patuloy ngayon na humihila ng kanilang kariton nang mag-isa. Halos 20 porsiyento ng kababaihan sa mga handcart company na iyon noon ang nag-iisa sa ilang bahagi ng paglalakbay. Ang kababaihang ito ay walang asawa, diborsyada, o balo. Maraming inang walang asawa.12 Sama-sama silang humila—mga anak na babae ng tipan, bata at matanda, iba’t iba ang sitwasyon sa buhay, sa iisang landas, na iisa ang mithiin.

Ang mga tumakbo para tulungan ang kanilang mga kapatid na nangangailangan ay ipinaalala sa akin ang mga tagasagip, kapwa nakikita at hindi, na mabilis makapuna, makakita ng pangangailangan, at makatulong.

Naisip ko ang sinabi ng Panginoon: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”13

Nakahanay sa magkabilang panig ng daan ang kalalakihang tapat, masunurin, at tumutupad sa mga tipan. Ang kapangyarihan ng kanilang priesthood—na ginagamit ng Diyos upang pagpalain ang lahat ng Kanyang anak—ay nagpasigla, nagpalakas, at sumuporta sa amin. Sila ay isang paalaala na hindi tayo nag-iisa kailanman. Mapapasaatin ang kapangyarihang ito sa tuwina kapag tinupad natin ang ating mga tipan.

Naisip ko ang kalalakihang nawalay sa kanilang pamilya sa paglalakbay, at naiwan silang mag-isa sa paghila ng kariton. Maraming lalaking namatay sa paglalakbay. Ang ilang anak na lalaki ay nagpaiwan para magmisyon sa kanilang lupang tinubuan. Ang ilan ay naunang nandayuhan upang paghandaan ang pagdating ng kanilang pamilya sa Salt Lake Valley. Ipinasiya ng iba na huwag sumama, dahil pinili nilang hindi tuparin ang kanilang mga tipan.

Tulad ng mga nauna, marami ngayon ang nabubuhay sa di-kainamang sitwasyon. Patuloy tayong nagtuturo at nagsisikap na makamtan ang pinakamainam dahil alam natin na ang patuloy na pagsisikap ay magsusulong sa atin sa landas at ihahanda tayo para sa mga pagkakataong matanggap ang lahat ng ipinangakong pagpapala kapag tayo ay “nangaghihintay sa Panginoon.”14

Bawat isa sa atin ay nakaranas at patuloy na daranas ng paghihirap sa buhay. Ang mortal na buhay na ito ay panahon ng pagsubok, at patuloy tayong magkakaroon ng mga pagkakataong gamitin ang ating kalayaan na piliin kung ano ang matututuhan natin mula sa mga paghihirap na tiyak na darating.

Bilang mga anak ng Diyos, patuloy tayo sa landas ng pananampalataya dahil kinikilala natin, tulad ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na, “Ang nakapagliligtas na mga ordenansang natanggap sa templo na nagtutulot sa atin na makabalik balang-araw sa ating Ama sa Langit sa ugnayan ng pamilyang walang hanggan at mapagkalooban ng mga pagpapala at kapangyarihan mula sa itaas ay sulit sa lahat ng sakripisyo at pagsisikap.”15

Hindi sapat ang maglakbay lang; kailangan nating magsigising sa ating tungkulin at magpatuloy nang may pananampalataya habang humuhugot tayo ng kapanatagan, lakas, kakayahan, at paggaling sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.

Mga kapatid, mahal ko kayo. Marami sa inyo ang hindi ko kilala sa personal, pero alam ko kung sino kayo! Tayo ay mga anak na babae sa Kanyang kaharian na tumutupad sa tipan, at dahil pinagkalooban ng lakas sa pamamagitan ng ating mga tipan, handa tayong gawin ang ating tungkulin.

Inihahanda ng Relief Society ang kababaihan para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa pagpukaw sa ating espirituwalidad upang maragdagan ang ating pananampalataya at sariling kabutihan. Magsimula tayo sa ating sarili. Magsimula tayo kung saan tayo naroon. Magsimula tayo ngayon. Kapag nagsigising tayo sa espirituwal, higit nating mapapatatag ang mga pamilya at tahanan at matutulungan ang iba.

Ito ay gawain ng kaligtasan, at ginawa itong posible ng nagpapalakas at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Magsigising sa tunay nating pagkatao. Magsigising sa ating tungkulin. Tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Zina D. Young, sa Woman’s Exponent, Okt. 15, 1877, 74.

  2. Mga Taga Roma 13:11–12.

  3. Mosias 18:8–11.

  4. Robert D. Hales, “Pagiging Disente: Pagpipitagan sa Panginoon,” Liahona, Ago. 2008, 21.

  5. Boyd K. Packer, “Paano Magiging Ligtas sa Teritoryo ng Kaaway,” Liahona, Okt. 2012, 35.

  6. Alma 5:26.

  7. Alma 5:14.

  8. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society, 35–36.

  9. Sarah Rich, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 36.

  10. Mateo 11:28.

  11. Sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 36.

  12. Pagsasaliksik na pinangasiwaan ni Jolene S. Allphin mula sa mga kuwento at listahan ng mga kumpanya; tingnan sa Tell My Story, Too, ika-81 ed. (2012).

  13. Doktrina at mga Tipan 84:88.

  14. Isaias 40:31.

  15. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 92.