2012
Isipin ang mga Pagpapala
Nobyembre 2012


Isipin ang mga Pagpapala

President Thomas S. Monson

Alam ng ating Ama sa Langit ang mga kailangan natin at tutulungan tayo kapag humingi tayo sa Kanya ng tulong.

Mahal kong mga kapatid, sa kumperensyang ito ay 49 na taon na ang lumipas mula nang masang-ayunan ako, noong Oktubre 4, 1963, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Mahabang panahon ang 49 na taon. Gayunman, sa maraming paraan, parang kailan lang nang tumayo ako sa pulpito sa Tabernacle at ibinigay ang unang mensahe ko sa pangkalahatang kumperensya.

Marami nang nagbago mula noong Oktubre 4, 1963. Nabubuhay tayo sa kakaibang panahon sa kasaysayan ng mundo. Napakarami nating pagpapala. Gayunman mahirap kung minsan na makita ang mga problema at pagpapabaya sa ating paligid at hindi panghinaan ng loob. Natuklasan ko na sa halip na palaging isipin ang negatibo, kung titingnan nating mabuti at iisipin ang mga pagpapala sa ating buhay, kabilang na ang tila maliliit, at kung minsan ay hindi napapansin na mga pagpapala, magiging mas maligaya tayo.

Sa pagbabalik-tanaw ko sa nakaraang 49 na taon, may ilan akong natuklasan. Isa na rito ang maraming karanasan ko na hindi naman talagang maituturing na pambihira. Sa katunayan, nang maganap ang mga ito, parang napakaliit at pangkaraniwan lang ang mga ito. Gayunman, kung titingnang mabuti, pinagyaman at pinagpala nito ang maraming buhay—pati na ang buhay ko. Imumungkahi kong gawin din ninyo ito—suriin ang inyong buhay at isipin ang mga pagpapala, malaki at maliit, na natanggap ninyo.

Sa pagbabalik-tanaw ko sa buhay ko palaging napagtitibay ang kaalaman ko na ang mga dasal natin ay dinirinig at sinasagot. Pamilyar sa atin ang katotohanang matatagpuan sa 2 Nephi sa Aklat ni Mormon: “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”1 Pinatototohanan ko na karamihan sa kagalakang iyon ay dumarating kapag natanto natin na maaari tayong manalangin sa Ama sa Langit at ang mga dasal na iyon ay diringgin at sasagutin—siguro hindi ito sasagutin sa paraan at panahon na inaasahan natin, pero sasagutin ang mga ito ng Ama sa Langit na nakakikilala at nagmamahal sa atin nang lubos at naghahangad sa ating kaligayahan. Hindi ba’t ipinangako Niya na, “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”?2

Sa susunod na ilang minutong ibinigay sa akin, gusto kong ibahagi ang kaunting karanasan ko kung saan dininig at sinagot ang mga panalangin at, kapag iniisip ko, nagdulot ng mga pagpapala sa buhay ko gayundin sa buhay ng ibang tao. Ang daily journal ko, na maraming taon ko nang iniingatan, ay nakatulong sa pagbibigay ng partikular na mga bagay na malamang na hindi ko na maaalala.

Noong kasisimula ng 1965, inatasan akong dumalo sa mga stake conference at magdaos ng iba pang mga miting sa buong South Pacific area. Ito ang unang pagbisita ko sa dakong iyon ng mundo, at hindi ko iyon malilimutan. Maraming espirituwal na karanasan ang nangyari sa gawaing ito nang makipagpulong ako sa mga lider, miyembro at mga misyonero.

Pagsapit ng Sabado at Linggo, Pebrero 20 at 21, nasa Brisbane, Australia, kami para magdaos ng regular na mga sesyon ng kumperensya ng Brisbane Stake. Sa mga pulong sa araw ng Sabado, ipinakilala ako sa isang district president mula sa kalapit na lugar. Habang kinakamayan ko siya, nadama ko na kailangan ko siyang kausapin at payuhan, kaya’t tinanong ko siya kung puwede niya akong samahan kinabukasan sa sesyon sa Linggo ng umaga para maisagawa ito.

Pagsapit ng sesyon sa araw ng Linggo, nagkaroon kami ng pagkakataong makapag-usap. Pinag-usapan namin ang marami niyang responsibilidad bilang district president. Habang nag-uusap kami, nadama kong dapat ko siyang payuhan tungkol sa gawaing misyonero at kung paano siya makakatulong at ang kanyang mga miyembro sa mga full-time missionary sa gawain sa kanyang lugar. Kalaunan nalaman ko na ipinagdarasal ng taong ito na magabayan siya tungkol sa bagay na ito. Para sa kanya, ang pag-uusap namin ay espesyal na patunay na ang kanyang mga dasal ay dininig at sinagot. Parang pangkaraniwan lang ang pag-uusap na ito ngunit naniniwala ako na ginabayan iyon ng Espiritu at nakagawa ito ng kaibhan sa buhay ng district president at sa kanyang pamamahala, sa buhay ng kanyang mga miyembro, at sa tagumpay ng mga misyonerong naroon.

Mga kapatid, ang mga layunin ng Panginoon ay kadalasang naisasakatuparan kapag sinunod natin ang patnubay ng Espiritu. Naniniwala ako na kapag kumilos tayo ayon sa inspirasyon at mga pahiwatig na dumarating sa atin, lalo tayong pinagkakatiwalaan ng Panginoon.

Natutuhan ko, gaya ng nabanggit ko na sa mga mensahe ko noon, na huwag kailanman ipagpaliban ang isang pahiwatig. Sa isang pagkakataon noon, habang lumalangoy ako sa lumang Deseret Gym sa Salt Lake City nadama ko ang inspirasyon na magpunta sa University Hospital para dalawin ang isang mabuting kaibigan na hindi na maigalaw ang kanyang mga binti dahil sa tumor at isinagawang operasyon. Kaagad kong nilisan ang swimming pool, nagbihis, at pinuntahan kaagad ang butihing lalaking ito.

Pagdating ko sa kanyang silid, wala nang tao roon. Nang magtanong ako nalaman ko na malamang ay matagpuan ko siya sa tabi ng swimming pool ng ospital, na gamit noon sa physical therapy. Totoo ngang naroon siya. Nagpunta siya doon sakay ng kanyang wheelchair at siya lang mag-isa ang naroon. Nasa kabilang panig siya ng pool, malapit sa malalim na bahagi nito. Tinawag ko siya, at pinaandar niya ang kanyang wheelchair para batiin ako. Masaya ang naging pag-uusap namin, at sinamahan ko siya pabalik sa kanyang silid sa ospital kung saan binigyan ko siya ng basbas.

Nalaman ko kalaunan mula sa kaibigan ko na masyado na siyang nawalan ng pag-asa at inisip niyang magpakamatay na lang. Nagdasal siya at humiling ng kapanatagan ngunit nagsimula niyang madama na hindi sinasagot ang mga dasal niya. Nagpunta siya sa pool na iniisip na ito na ang paraan para tapusin ang kanyang paghihirap—sa pagpapaandar ng kanyang wheelchair papunta sa malalim na bahagi ng pool. Dumating ako sa kritikal na sandali, bilang tugon sa alam kong inspirasyon mula sa Diyos.

Maraming taon pang nabuhay ang kaibigan ko—mga taon na puno ng kaligayahan at pasasalamat. Natutuwa ako na naging kasangkapan ako sa kamay ng Panginoon sa kritikal na araw na iyon sa tabi ng swimming pool.

Sa isa pang pagkakataon, habang pauwi na kami ni Sister Monson matapos dalawin ang mga kaibigan, nadama kong dapat kaming magpunta sa bayan—na malayu-layo rin—para dalawin ang isang matandang balo na minsan tumira sa aming ward. Ang pangalan niya’y Zella Thomas. Noong panahong iyon ay nakatira na siya sa isang bahay-kalinga. Nang hapong iyon nakita naming mahina na siya ngunit payapang nakahiga sa kanyang kama.

Matagal nang bulag si Zella, ngunit kaagad niyang nakilala ang aming boses. Itinanong niya kung puwede ko siyang bigyan ng basbas, at sinabing handa na siyang mamatay kung nais na siyang pabalikin ng Panginoon. May magiliw at payapang diwa sa silid, at alam naming lahat na ang nalalabi niyang oras sa mortalidad ay sandali na lamang. Hinawakan ni Zella ang kamay ko at sinabi niyang taimtim siyang nanalangin na sana magpunta ako para dalawin siya at bigyan siya ng basbas. Sinabi ko sa kanya na nagpunta kami dahil sa inspirasyong mula sa ating Ama sa Langit. Hinagkan ko siya sa noo, batid na marahil hindi ko na siya muling makikita sa buhay na ito. Gayon nga ang nangyari, dahil pumanaw siya kinabukasan. Ang makapagbigay ng kaunting aliw at kapayapaan sa aming magiliw na si Zella ay pagpapala sa kanya at sa akin.

Ang pagkakataong maging pagpapala sa buhay ng isang tao ay madalas dumating nang hindi inaasahan. Isang napakaginaw na Sabado ng gabi sa taglamig ng 1983–84, naglakbay kami ni Sister Monson ng ilang milya papunta sa lambak ng Midway, Utah, kung saan mayroon kaming bahay. Ang temperatura nang gabing iyon ay minus 24 degrees Fahrenheit, (–31°C), at gusto naming matiyak na maayos ang lahat sa aming tahanan doon. Tiningnan namin at nakita naming ayos naman, kaya’t umalis na kami para bumalik sa Salt Lake City. Halos ilang milya pa lang kami sa highway nang tumigil sa pag-andar ang aming kotse. Tuluyan na kaming nahimpil doon. Bihira akong ginawin, kung sakali man, nang kasingtindi nang gabing iyon.

Atubili man nagsimula kaming maglakad papunta sa pinakamalapit na bayan, habang humahagibis ang mga kotseng dumaraan. Sa wakas isang kotse ang tumigil, at isang binata ang nag-alok ng tulong. Kalaunan nalaman namin na ang kargang diesel sa aming kotse ay lumapot dahil sa lamig, at imposible nang mamaneho ang kotse. Ang mabait na binatang ito ang naghatid sa amin sa aming tahanan sa Midway. Tinangka ko siyang bayaran sa kanyang serbisyo, pero malugod niya itong tinanggihan. Sinabi niyang isa siyang Boy Scout at gusto niyang makatulong. Nagpakilala ako sa kanya, at nagpasalamat siya sa pribilehiyong makatulong. Dahil ipinalagay ko na nasa edad na siya para magmisyon, tinanong ko kung may plano siyang magmisyon. Sinabi niya na hindi niya tiyak kung ano talaga ang gusto niyang gawin.

Nang sumunod na Lunes ng umaga sinulatan ko ang binatang ito at pinasalamatan ko siya sa kanyang kabaitan. Sa sulat hinikayat ko siyang maglingkod sa full-time mission. Inilakip ko ang kopya ng isa sa mga aklat ko at ginuhitan ang mga kabanata tungkol sa pagmimisyon.

Makalipas ang mga isang linggo tumawag ang ina ng binatang ito at sinabing napakahusay ng kanyang anak ngunit dahil sa ilang impluwensya sa buhay nito, unti-unting nawala ang matagal na niyang hangaring magmisyon. Sinabi niya na silang mag-asawa ay nag-ayuno at nanalangin na magbago ang kanyang puso. Isinulat nila ang kanyang pangalan sa prayer roll ng Provo Utah Temple. Umasa sila na kahit paano ay maantig ang puso niya sa kabutihan, at magbalik ang hangarin niyang magmisyon at matapat na maglingkod sa Panginoon. Gustong ipaalam sa akin ng ina na itinuring niyang sagot sa kanilang mga dalangin para sa kanya ang naganap noong maginaw na gabing iyon. Sabi ko, “Sang-ayon ako sa iyo.”

Makaraan ang ilang buwan at mas marami pang pakikipag-ugnayan sa binatang ito, tuwang-tuwa kami ni Sister Monson na nakadalo kami sa kanyang missionary farewell bago siya umalis papuntang Canada Vancouver Mission.

Nagkataon lang ba na nagtagpo ang aming landas sa maginaw na gabing iyon ng Disyembre? Hindi ako naniniwalang nagkataon lang iyon. Sa halip, naniniwala ako na ang pagtatagpo namin ay sagot sa taos-pusong panalangin ng isang ama’t ina para sa kanilang minamahal na anak.

Muli, mga kapatid, alam ng ating Ama sa Langit ang mga kailangan natin at tutulungan tayo kapag humingi tayo sa Kanya ng tulong. Naniniwala ako na wala tayong alalahanin na napakaliit o walang halaga. Pinagmamalasakitan ng Panginoon ang mga detalye ng ating buhay.

Nais kong magtapos sa pagkukuwento ng isa pang karanasan kamakailan na nagkaroon ng epekto sa daan-daang katao. Nangyari ito sa isang kultural na pagdiriwang para sa Kansas City Temple, limang buwan pa lang ang nakalilipas. Gaya ng maraming nangyayari sa ating buhay, parang isang karaniwang karanasan lang ito noon na naging maayos ang lahat. Gayunman, nang malaman ko ang mga sitwasyong may kaugnayan sa kultural na pagdiriwang sa gabi bago inilaan ang templo, natanto ko na ang pagtatanghal nang gabing iyon ay hindi pangkaraniwan. Sa halip, talagang pambihira ito.

Gaya ng lahat ng mga kultural na pagdiriwang kaugnay ng mga paglalaan ng templo, ang kabataan sa Kansas City Missouri Temple District ay nag-ensayo sa magkakahiwalay na grupo sa kani-kanilang lugar. Ang plano ay magkikita-kita silang lahat sa isang malaking inarkilang municipal center sa Sabado ng umaga ng pagtatanghal para malaman nila kung kailan at saan papasok, saan sila tatayo, gaano ang puwang sa pagitan nila at ng kasunod nila, paano lalabas sa unang palapag, at marami pang iba—maraming detalye na dapat nilang makuha agad sa maghapon habang binubuo ng mga nangangasiwa ang iba’t ibang tagpo o eksena para maging makinis at maganda ang huling pagtatanghal.

Isa lang ang malaking problema sa araw na iyon. Ang buong produksyon ay nakaasa sa nakarekord na mga yugto na ipapalabas sa malaking screen na tinatawag na JumboTron. Ang nakarekord na mga yugtong ito ay napakahalaga sa buong produksyon. Hindi lamang nila pinagdugtong ang lahat ng ito, kundi bawat naka-televise na yugto ay pasimula ng kasunod na pagtatanghal. Sa mga video segment nakasalalay ang katuturan ng buong produksyon. At ayaw gumana ang JumboTron.

Balisa na ang mga technician sa paglutas ng problema habang naghihintay ang daan-daang kabataan, na nauubusan na ng mahalagang oras ng ensayo. Mukhang imposible nang masolusyunan ang sitwasyon.

Ang manunulat at direktor ng pagdiriwang, si Susan Cooper, ay nagpaliwanag kalaunan: “Habang sinusubukan namin ang iba’t ibang plano, alam naming hindi ito umuubra. … Habang nakatingin kami sa iskedyul, alam naming hindi na namin makakaya, pero alam naming nasa amin ang isa sa mga pinakamatinding lakas sa palapag sa ibaba—ang 3,000 kabataan. Kailangan kaming bumaba at sabihin [sa kanila] ang nangyayari at humugot ng lakas sa kanilang pananampalataya.”3

Isang oras na lang bago magsimulang pumasok ang mga manonood, ang 3,000 kabataan ay lumuhod at sama-samang nanalangin. Ipinagdasal nila na ang mga nag-aayos sa JumboTron ay mabigyang-inspirasyon kung paano ito ayusin; hiniling nila sa Ama sa Langit na tulungan sila sa hindi nila kayang gawin dahil kulang na sa oras.

Sabi ng isang nagsulat tungkol dito pagkatapos, “Iyon ay panalanging hindi malilimutan ng mga kabataan, hindi dahil sa matigas na sahig, kundi dahil sa nadama nila nang napakalakas ang Espiritu.”4

Hindi nagtagal lumapit ang isa sa mga technician at sinabi sa kanilang nalaman na kung saan ang problema at naayos na ito. Sinabi niyang masuwerte sila na nahanap ang solusyon, ngunit mas alam ng mga kabataan ang talagang dahilan.

Pagpasok namin sa municipal center nang gabing iyon, wala kaming ideya sa mga hirap na pinagdaanan nang araw na iyon. Kalaunan lang namin nalaman ang tungkol dito. Ang aming nasaksihan, gayunman, ay isang maganda, napakahusay na pagtatanghal—isa sa mga pinakamagandang nakita ko. Nabanaag sa kabataan ang maluwalhati, napakalakas na diwa na nadama ng lahat ng naroon. Parang alam na alam nila kung saan papasok, saan tatayo, at paano makikipag-ugnayan sa iba pang mga nagtatanghal na nakapaligid sa kanila. Nang malaman ko na nagkulang na sila sa oras para mag-ensayo at marami sa mga pagtatanghal ang hindi na naensayo ng buong grupo, nagulat ako. Hindi mahahalata ng kahit sino. Ang Panginoon nga ang nagpuno sa kakulangan.

Namamangha ako lagi sa paraan ng Panginoon sa paghikayat at pangangasiwa sa lahat ng bahagi ng Kanyang kaharian at na may oras pa Siyang magbigay ng inspirasyon sa isang tao—o sa isang kultural na pagdiriwang o sa isang JumboTron. Ang katotohanan na kaya Niyang gawin, at ginagawa Niya ito, ay patotoo sa akin.

Mga kapatid, ang Panginoon ay nasa ating buhay. Mahal Niya tayo. Nais Niya tayong pagpalain. Nais Niyang hingin natin ang Kanyang tulong. Sa paggabay Niya sa atin, at sa pagdinig at pagsagot Niya sa ating mga dasal, mapapasaatin ang kaligayahan dito at ngayon na nais Niya para sa atin. Nawa makita natin ang Kanyang mga pagpapala sa ating buhay, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. 2 Nephi 2:25.

  2. Doktrina at mga Tipan 112:10.

  3. Susan Cooper, sa Maurine Proctor, “Nothing’s Too Hard for the Lord: The Kansas City Cultural Celebration,” Meridian Magazine, Mayo 9, 2012, ldsmag.com.

  4. Proctor, Meridian Magazine, Mayo 9, 2012.