2012
Ipinatupad ng Simbahan ang Bagong Kurikulum para sa Kabataan para sa 2013
Nobyembre 2012


Ipinatupad ng Simbahan ang Bagong Kurikulum para sa Kabataan para sa 2013

Ibinalita ng Simbahan ang bagong kurikulum—Come, Follow Me: Learning Resources for Youth [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Mga Sanggunian para sa Pag-aaral ng mga Kabataan]—para sa mga korum ng Aaaronic Priesthod, Young Women, at klase ng mga kabataan sa Sunday School para sa 2013.

Ang isa sa mga pangunahing mithiin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay tulungan ang mga guro—sa simbahan at sa tahanan—na makapagturo nang katulad ng Tagapagligtas, na ginagawang mas nakasentro ang mga lesson sa pagtalakay ng tungkol sa ebanghelyo. Ang mga kabataan ay aanyayahang gampanan ang mas mabigat na tungkulin sa pagtuturo at pag-aaral.

“Ang pagtutuunan ay ang pagpapalakas at pagpapatatag ng pananampalataya, paniniwala, at patotoo, gamit ang pinakahuling mga turo ng mga General Authority at mga general auxiliary presidency,” pagsasaad sa isang liham ng Unang Panguluhan noong Setyembre 12, 2012.

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay inorganisa sa mga yunit na nakatuon sa isang paksa ng doktrina bawat buwan at ibinabahagi sa lahat ng klase ng Sunday School, Young Women, at Aaronic Priesthood.

Mas maraming aralin sa bawat yunit kaysa kayang ituro sa isang buwan, kaya pinakikiusapan ang mga guro at lider na humingi ng inspirasyon at mag-usap-usap para mapagpasiyahan kung aling outline ng mga aralin ang gagamitin.

Isang bagong gabay na aklat, ang Teaching the Gospel in the Savior’s Way [Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Paraan ng Tagapagligtas], ang tutulong sa mga lider at guro na mas maunawaan kung paano iaakma ang mga aralin sa kakaibang mga pangangailangan ng kanilang mga kabataan at kung paano tutulungan ang mga kabataan na matutuhan ang ebanghelyo.

Lahat ng aralin ay maaaring i-print mula sa Internet. Makukuha ang mga printed version ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa mga darating na araw. Sa katapusan ng 2012, lahat ng outline ng aralin ay makukuha online sa 23 wika.

Mababasa ng mga miyembro, lider, at guro ang bagong kurikulum online sa lds.org/youth/learn.

Ang area at lokal na mga lider ay magbibigay ng training sa mga lider at guro bago matapos ang 2012.

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay isang bagong kurikulum na tutulong sa mga guro na magturo sa paraan ng Tagapagligtas at tutulong sa mga kabataan na mas lubos na mabago at mapaunlad ng ebanghelyo.

Paglalarawan ni Christina Smith © IRI