2012
Mga Kapatid, May Gawain Tayong Isasagawa
Nobyembre 2012


Mga Kapatid, May Gawain Tayong Isasagawa

Elder D. Todd Christofferson

Bilang kalalakihan ng priesthood, may mahalaga tayong gagampanan sa lipunan, tahanan, at sa Simbahan.

Mga kapatid, marami nang nasabi at naisulat nitong mga nakaraang taon tungkol sa mga hamon sa kalalakihan at mga batang lalaki. Ilan sa halimbawa ng mga ito ay ang mga aklat na Why There Are No Good Men Left, The Demise of Guys, The End of Men, Why Boys Fail, at Manning Up. Ang nakakatuwa, halos lahat ng ito ay tila isinulat ng mga babae. Magkagayunman, iisang tema ang makikita sa mga ito, na sa maraming lipunan ngayon ang mga kalalakihan ay tumatanggap ng magkakasalungat at mapanirang mga mensahe tungkol sa kanilang tungkulin at kahalagahan sa lipunan.

Ganito ang paglalarawan ng awtor ng Manning Up: “Halos patakaran na ng lahat ng sibilisasyon sa mundo na samantalang ang mga batang babae ay nagiging ganap na dalaga batay lamang sa pisikal na anyo, ang mga batang lalaki ay kailangang makapasa sa isang pagsubok. Kailangan nilang magpakita ng tapang, lakas ng katawan, o kadalubhasaan sa mga kasanayan. Ang mithiin ay patunayan ang kanilang kakayahan bilang tagapangalaga ng kababaihan at mga bata; ito palagi ang kanilang pangunahing tungkulin. Gayunman, sa panahong ito na sumusulong ang kababaihan sa makabagong ekonomiya, ang mga asawa at ama na tagapaglaan sa pamilya ay nagiging opsiyonal na, at ang mga katangian na kailangan ng kalalakihan para magampanan ang kanilang tungkulin—lakas ng loob, tiyaga, katatagan, katapatan—ay lipas na at medyo ikinahihiya.”1

Sa kanilang pagsisikap na maglaan ng oportunidad sa kababaihan, na ikinatutuwa natin, may mga taong minamaliit ang kalalakihan at kanilang mga nagawa. Inaakala nila na ang buhay ay kompetisyon ng lalaki at babae—na ang isa ay dapat magdomina, at ngayon na ang pagkakataon ng kababaihan. Ikinakatwiran ng ilan na pinakamahalaga ang trabaho at ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ay dapat maging opsiyonal—samakatwid, bakit natin kailangan ang mga lalaki?2 Sa napakaraming Hollywood film, TV at cable show, at maging sa mga commercial, ang mga lalaki ay inilalarawan bilang walang kakayahan, batang-isip, o makasarili. May masamang epekto ang kulturang ito na pagkakait sa kalalakihan ng kanilang tungkulin.

Sa Estados Unidos, halimbawa, ibinalita na: “Daig na ngayon ng mga batang babae ang mga lalaki sa lahat ng antas, mula elementarya hanggang graduate school. Pagsapit sa ikawalong grado, halimbawa, 20 porsiyento lamang ng mga batang lalaki ang mahusay magsulat at 24 na porsiyento ang mahusay magbasa. Samantala, ang SAT score ng mga binatilyo noong 2011 ang pinakamababa sa loob ng 40 taon. Ayon sa National Center for Education Statistics (NCES), ang mga batang lalaki ay 30 porsiyentong mas malamang na hindi makapagtapos sa hayskul at kolehiyo kaysa mga batang babae. … Nakikinita na ang mga babae ay magtatamo ng 60 porsiyento ng bachelor’s degree, 63 porsiyento ng master’s degree, at 54 na porsiyento ng mga doctorate degree sa taong 2016. Dalawa sa bawat tatlong estudyante sa mga special education remedial program ay mga lalaki.”3

Naging dahilan ng ilang kalalakihan at kabataang lalaki ang negatibong senyales na ito para makaiwas sa responsibilidad at hindi magsumikap kailanman. Sa isang obserbasyon na kadalasan ay tama, sinabi ng isang propesor sa unibersidad, “Dumarating ang kalalakihan sa klase na nakasuot ng baseball cap at [may walang kuwentang] mga dahilan na ‘kinain ng word processor ang homework ko’. Samantala, sinusuri ng mga babae ang nakaiskedyul nilang mga gawain at humihingi ng mga rekomendasyon para sa law school.”4 Pakutyang sinabi ng isang babaeng movie reviewer na “ang tanging maaasahan natin sa mga lalaki, kung masuwerte tayo at nagpasiyang magkaroon ng katuwang, ay iyon lang—maging katuwang. Isang taong naroroon lang sa kanyang sariling mundong ginagalawan at hinahayaan tayo sa sarili natin.”5

Mga kapatid, hindi ito maaari sa atin. Bilang kalalakihan ng priesthood, may mahalaga tayong gagampanan sa lipunan, tahanan, at sa Simbahan. Ngunit dapat tayong maging mga kalalakihan na pinagkakatiwalaan ng kababaihan, ng mga bata, at ng Diyos. Sa Simbahan at kaharian ng Diyos sa mga huling araw na ito, hindi natin mapahihintulutan na may mga batang lalaki at kalalakihan tayo na hindi aktibong kumikilos. Hindi natin mapahihintulutan na may mga kabataang lalaki na walang disiplina sa sarili at nabubuhay lamang para magsaya. Hindi natin mapahihintulutan na may mga young adult na walang patutunguhan sa buhay, na hindi seryoso sa pagkakaroon ng pamilya at pagtulong sa mundong ito. Hindi natin mapahihintulutan na may mga asawa at ama na hindi nakapagbibigay ng espirituwal na pamumuno sa tahanan. Hindi natin mapahihintulutan na ang mga mayhawak at gumagamit ng Banal na Priesthood, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos, ay sayangin ang kanilang lakas sa pornograpiya o gugulin ang kanilang buhay sa Internet (isang kabalintunaan, sila ay makamundo habang wala rito sa mundo).

Mga kapatid, may gawain tayong isasagawa.

Mga kabataang lalaki, kailangan ninyong pagbutihan ang inyong pag-aaral at ipagpatuloy ito pagkatapos ng hayskul. Ilan sa inyo ay gustong mag-aral sa unibersidad at kumuha ng kurso sa komersyo, agrikultura, gobyerno, o iba pang propesyon. Ang ilan ay magiging mahusay sa sining, musika, o pagtuturo. Ang ilan naman ay pipiliing maging sundalo o matututo ng isang kasanayan. Sa nakalipas na mga taon, maraming mahuhusay na manggagawa ang nag-remodel at nagkumpuni sa aking bahay, at hanga ako sa tiyaga at husay ng kalalakihang ito. Mahalagang maging mahusay kayo sa anumang propesyong inyong pinili nang sa gayon ay makapagtaguyod kayo ng pamilya at makatulong sa inyong komunidad at bansa.

Kamakailan ay napanood ko ang isang video tungkol sa isang araw sa buhay ng isang 14-na-taong-gulang na lalaki na si Amar sa India. Gumigising siya nang maaga at may dalawang trabaho, nagtatrabaho bago at pagkatapos pumasok sa eskwela, anim at kalahating araw sa isang linggo. Ang kita niya ay nakatutulong nang malaki sa kabuhayan ng kanyang pamilya. Nagmamadali siyang umuuwi sakay ng kanyang lumang bisikleta mula sa kanyang pangalawang trabaho at isinisingit ang paggawa ng homework bago matulog sa sahig sa gitna ng natutulog na mga kapatid nang bandang alas onse ng gabi. Bagama’t hindi ko siya kakilala, ipinagmamalaki ko siya sa kanyang kasigasigan at lakas ng loob. Ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya gamit ang kanyang limitadong mapagkukunan at oportunidad, at isa siyang biyaya sa kanyang pamilya.

Kayong mas nakatatanda—mga ama, single adult, lider, home teacher—maging huwaran at tulungan na magpakalalaki ang bagong henerasyon ng mga batang lalaki. Turuan ninyo sila ng mga kasanayan sa pakikihalubilo at ng iba pa: paano makibahagi sa usapan, paano makipagkilala at makihalubilo sa iba, paano makipag-ugnayan sa kababaihan at mga batang babae, paano maglingkod, paano maging aktibo at maglibang, paano magkaroon ng libangan na hindi malululong dito, at paano itama ang pagkakamali at gumawa ng mas mabubuting pasiya.

Kaya nga sa lahat ng nakikinig, saanman ninyo marinig ang mensaheng ito, sinasabi ko tulad ng sinabi ni Jehova kay Josue, “Magpakalakas ka at magpakatapang na mabuti” (Josue 1:6). Magpakatapang at maghanda kayo sa abot ng inyong makakaya, anuman ang inyong kalagayan. Maghanda para maging mabuting asawa at ama; maghanda para maging isang mabuti at kapaki-pakinabang na mamamayan; maghanda para maglingkod sa Panginoon, na siyang pinagmulan ng priesthood na hawak ninyo. Saanman kayo naroroon, inaalala kayo ng inyong Ama sa Langit. Hindi kayo nag-iisa, kayo ay may priesthood at kaloob na Espiritu Santo.

Sa maraming lugar na kailangan kayo, ang isa sa mga pinakamahalaga ay ang inyong priesthood quorum. Kailangan natin ng mga korum na nakapaglalaan ng espirituwal na kalusugan sa mga miyembro nito sa araw ng Linggo at naglilingkod din. Kailangan natin ng mga lider ng korum na nakatuon sa paggawa ng gawain ng Panginoon at sa pagsuporta sa mga miyembro ng korum at kanilang pamilya.

Pag-isipan ang gawaing misyonero. Mga kabataang lalaki, wala kayong dapat aksayahing panahon. Huwag ninyong hintaying mag-17 o 18 kayo bago kayo magseryoso sa paghahanda. Matutulungan ng mga Aaronic Priesthood quorum ang kanilang mga miyembro na maunawaan ang sumpa at tipan ng priesthood at maghanda na maorden bilang mga elder, matutulungan nila sila na maunawaan at maghanda para sa mga ordenansa sa templo, at matutulungan din nila silang magtagumpay sa misyon. Matutulungan ng mga Melchizedek Priesthood quorum at ng Relief Society ang mga magulang na maghanda ng mga missionary na alam ang Aklat ni Mormon at tapat na maglilingkod sa misyon. At sa bawat ward at branch, ang mga korum ding ito ang mangunguna sa epektibong pakikipag-ugnayan sa mga full-time missionary na naglilingkod doon.

Ang isang gawain na pangunahing responsibilidad ng priesthood ay ang panawagan ng Tagapagligtas, na muling binanggit ni Pangulong Thomas S. Monson, na sagipin ang mga taong nawala sa Simbahan o nalihis sa anumang kadahilanan. Malaki ang tagumpay natin sa gawaing ito, kabilang ang mahusay na nagawa ng mga kabataang lalaki. Isang Aaronic Priesthood quorum sa Rio Grande (Spanish) Ward sa Albuquerque, New Mexico, ang nag-usap-usap tungkol sa mga taong ibabalik nila at pagkatapos, binisita nila bilang isang grupo ang bawat isa sa mga ito. Sabi ng isa, “Nang dumating sila, nadama ko na ako ay mahalaga,” at sabi naman ng isa, “Masaya ako na may taong nagnanais na ako ay magsimba; gusto ko na tuloy magsimba ngayon.” Nang bisitahin at anyayahan ng mga miyembro ng korum ang isang binatilyo na magsimba, hiniling nila sa kanya na sumama ito sa susunod na pagbisita, at sumama nga siya. Hindi lamang nila inanyayahan siya na magsimba sa susunod na linggo; kaagad nila siyang ibinilang na bahagi ng kanilang korum.

Ang isa pang hamon ngunit nakahihikayat na gawain ng priesthood ay ang family history at ang templo. Antabayanan ang pagdating ng liham ng Unang Panguluhan na magbibigay ng panibagong pagtawag at mas mataas na pananaw tungkol sa mahalagang bahagi ng kailangang gawin natin.

Ang mga korum natin ay bumubuo rin ng kapatiran na nagtutulungan. Minsa’y sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Magiging napakagandang araw nito, mga kapatid—ang araw na maisasakatuparan ang mga layunin ng Panginoon—kung kailan ang ating mga priesthood quorum ay magiging lakas ng bawat lalaki na kabilang dito, kapag nasabi ng mga lalaking ito na, ‘ako ay miyembro ng priesthood quorum ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Handa akong tulungan ang aking mga kapatid sa lahat ng kanilang pangangailangan, at tiwala akong handa rin sila na tulungan ako. … Sa pagtutulungan, makapananaig kami, nang walang pagkapahiya at takot, laban sa maaaring paghagupit ng paghihirap, maging ito man ay sa ekonomiya, panlipunan, o espirituwal.’”6

Sa kabila ng ating mga pagsisikap, may mga bagay talaga na hindi inaasahan, at isang partikular na problemang maaaring dumating sa buhay ng isang tao ay ang pagkawala ng trabaho. Nakasaad sa isang dating welfare pamphlet ng simbahan: “Ang isang lalaking walang trabaho ay napakahalaga sa Simbahan dahil, pinagkaitang magtrabaho, siya ay sinusubukan tulad ni Job—sa kanyang katapatan. At nang ang paghihirap ay umabot na ng mga linggo at buwan at maging mga taon, mas lalong tumitindi ang pighati. … Huwag asahan ang Simbahan na tumulong sa isang tao tuwing Linggo kung sa ibang mga araw naman ay nakikita nito ang kanyang paghihirap at wala siyang ginagawang anuman para lunasan ito.”7

Noong Abril 2009, ang dating Presiding Bishopric counselor na si Richard C. Edgley ay nagkuwento tungkol sa isang kahanga-hangang korum na kumilos para tulungan ang kamiyembro na nawalan ng trabaho:

“Ang Phil’s Auto ng Centerville, Utah, ay isang saksi sa magagawa ng pamunuan ng priesthood at ng korum. Si Phil ay miyembro ng elders quorum at nagtatrabaho bilang mekaniko sa isang lokal na talyer. Sa kasamaang-palad, naghirap ang talyer na pinagtatrabahuhan ni Phil at natanggal si Phil sa trabaho. Nanlumo siya sa nangyaring ito.

“Nang marinig na nawalan ng trabaho si Phil, ang bishop niyang si Leon Olsen at kanyang elders quorum presidency ay mapanalanging nag-isip kung paano tutulungan si Phil na bumangon. Tutal, siya ay ka-miyembro ng korum, isang kapatid, at kailangan niya ng tulong. Nabuo sa isip nila na maraming alam si Phil para magpatakbo ng sarili niyang negosyo. Isa sa mga miyembro ng korum ang nag-alok ng lumang kamalig niya na maaaring gawing talyer. Ang iba pang mga miyembro ng korum ay makatutulong sa pagkalap ng kailangang mga kagamitan at suplay para sa bagong talyer. Halos lahat sa korum ay makatutulong sa paglilinis ng lumang kamalig.

“Ibinahagi nila ang kanilang mga ideya kay Phil; pagkatapos ay ibinahagi nila ang kanilang plano sa mga miyembro ng kanilang korum. Ang kamalig ay nilinis at binago, natipon ang mga kagamitan, at lahat ay naisaayos. Nagtagumpay ang Phil’s Auto at kalaunan ay nalipat sa mas maganda at permanenteng lugar—lahat dahil sa tulong ng mga kapatid niya sa korum sa oras ng krisis.”8

Mangyari pa, tulad ng paulit-ulit na sinasabi ng mga propeta sa nakalipas na mga taon, “Ang pinakamahalagang gawain ng Panginoon na gagawin ninyo ay ang nasa loob mismo ng inyong mga tahanan.”9 Marami tayong gagawin upang mapatatag ang samahan ng mag-asawa sa mga lipunang binabale-wala ang kahalagahan at layunin nito. Marami tayong gagawin upang maturuan ang ating mga anak “na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” (D at T 68:28). Ang gawain natin ay wala nang iba pa kundi tulungan ang ating mga anak na maranasan ang malaking pagbabago ng puso o pagbabalik-loob sa Panginoon na malinaw na binanggit sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Mosias 5:1–12; Alma 26). Kasama ang Relief Society, magagawa ng mga priesthood quorum na patatagin ang mga magulang at ang kanilang pagsasama, at maipararating ng mga korum ang mga biyaya ng priesthood sa mga solong magulang na pamilya.

Oo, mga kapatid, may gawain tayong isasagawa. Salamat sa mga sakripisyo at kabutihan na inyong ginagawa. Ipagpatuloy ninyo iyan, at tutulungan kayo ng Panginoon. Marahil minsan ay hindi ninyo gaanong alam kung ano ang dapat ninyong gawin o sabihin—gayunpaman, magpatuloy lang kayo sa pagsulong. Kumilos kayo, at tinitiyak ng Panginoon na “isang mapakikinabangang pintuan ang mabubuksan para sa [inyo]” (D at 118:3). Magsalita, at ipinangako Niya, “Hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao; sapagkat ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang inyong sasabihin” (D at T 100:5–6). Totoong tayo ay karaniwan at hindi perpekto sa maraming aspeto, ngunit tayo ay may perpektong Panginoon na siyang nagsakatuparan ng Pagbabayad-sala, at tayo ay may pribilehiyong tumanggap ng Kanyang biyaya at kapangyarihan ng Kanyang priesthood. Kapag tayo ay nagsisi at nalinis ang ating kaluluwa, tayo ay pinangakuan na tayo ay tuturuan at pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan (tingnan sa D at T 43:16).

Ang Simbahan at ang daigdig at kababaihan ay naghahanap ng kalalakihan na pinapahusay ang kanilang mga kakayahan at talento, na handang gumawa at magsakripisyo, na tutulungan ang iba na makamtan ang kaligayahan at kaligtasan. Nagsusumamo sila, “Magbangon, O kalalakihan ng Diyos!”10 Tulungan nawa tayo ng Diyos na magawa ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Kay S. Hymowitz, Manning Up: How the Rise of Women Has Turned Men into Boys (2011), 16.

  2. “Kapag tinanong mo ang mga kabataan ngayon kung ano ang magbabansag sa kanila bilang mga adult, halos wala ni isa ang magbabanggit ng pag-aasawa. Mas binibigyang-pansin nila ang mga bagay na may kinalaman sa trabaho—pagtatamo ng edukasyon, sapat na pananalapi, full-time na trabaho—bilang mga tanda ng tagumpay. Trabaho, hanapbuhay, pagsasarili: ang mga ito ngayon ang pangunahing batayan ng pagkakakilanlan ng isang tao” (Hymowitz, Manning Up, 45). Matindi ang ginagawang panghihikayat sa mga kababaihan na tanggapin ang pananaw na ito na tumututol sa pag-aasawa. Isinulat ng isang kontribyutor sa Times of London: “Walang sinuman, ni ang aking pamilya o mga guro, ang nagsabing, ‘Ay, siyanga pala, baka gusto mo ring maging isang asawa at ina.’ Determinado silang sumunod kami sa bago, demokratiko, at modernong landas kung saan ang lubos na ninanais ng maraming henerasyon ng kababaihan—ang pag-aasawa at ang pagtatatag ng isang pamilya—ay sadyang inaalis sa kanilang mga plano para sa aming kinabukasan. (Eleanor Mills, “Learning to Be Left on the Shelf,” Sunday Times, Apr. 18, 2010, www.thetimes.co.uk; in Hymowitz, Manning Up, 72). Sinipi ng isa pang manunulat na mahigit 40 ang edad ang mga tugon sa isinulat niyang artikulo tungkol sa kanyang panghihinayang na hindi siya nag-asawa: “Ako ay lubos na nalulungkot sa pangangailangan mo ng isang lalaki.” “Pahalagahan mo ang iyong sarili!” “Masyado mo namang iniasa ang sarili mo sa iba,” at “Kapag lumaki ang aking anak na babae na nagnanais na makasama ang isang lalaki, kahit na ang pagnanais niya ay kalahati lang ng sa iyo, alam ko na may nagawa akong mali sa pagpapalaki sa kanya.” (Lori Gottlieb, Marry Him: The Case for Settling for Mr. Good Enough [2010], 55).

    Ang magandang balita ay karamihan sa mga tao, kabilang na ang mga young adult na may pinag-aralan, ay hindi naniniwala sa mga mensaheng tutol sa pag-aasawa at pagpapamilya. “Ayon sa pag-aaral ng isang ekonomista sa University of Pennsylvania, noong 2008 sa Estados Unidos, 86 na porsiyento ng mga puting babae na nakapagtapos sa kolehiyo ay may asawa na sa edad na 40, kumpara sa 88 porsiyento ng mga yaong walang four-year degree. Ganoon din sa mga lalaking puti na nakapagtapos sa kolehiyo: 84 na porsiyento sa kanila ang may asawa na sa edad na 40 noong 2008. Ayon sa pananaw ng karamihan, at tandaan na hindi dahil sa pananaliksik, ang pag-aasawa marahil ay di matimbang para sa kababaihan. Ngunit parang hindi ito pinaniniwalaan ng mga babaeng puti na nakapagtapos sa kolehiyo. Kumpara sa ibang grupo ng tao, sila ang mas naniniwala na ‘sa kabuuan, ang mga may asawa ay mas masaya kaysa sa mga hindi nakapag-asawa.’ … Karamihan—70 porsiyento—sa mga first-year college student ay naniniwala na ang pagkakaroon ng pamilya ay ‘kailangan’ o ‘napakahalaga’ para sa kanilang kinabukasan” (Hymowitz, Manning Up, 173–74).

  3. Philip G. Zimbardo at Nikita Duncan, The Demise of Guys: Why Boys Are Struggling and What We Can Do about It (2012), e-book; tingnan ang kabanatang “Behind the Headlines.”

  4. Barbara Dafoe Whitehead, Why There Are No Good Men Left: The Romantic Plight of the New Single Woman (2003), 67.

  5. Amanda Dickson, “‘Hunger Games’ Main Character a Heroine for Our Day,” Deseret News, Abr. 2, 2012, www.deseretnews.com.

  6. Gordon B. Hinckley, “Welfare Responsibilities of the Priesthood Quorums,” Ensign, Nob. 1977, 86.

  7. Helping Others to Help Themselves: The Story of the Mormon Church Welfare Program (1945), 4.

  8. Richard C. Edgley, “Sa Iyo ang Tawag na Ito,” Liahona, Mayo 2009, 54.

  9. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2001), 155.

  10. “Rise Up, O Men of God,” Hymns, no. 323.