2012
Magsilapit Kayo sa Akin, O Kayong Sambahayan ni Israel
Nobyembre 2012


“Magsilapit Kayo sa Akin, O Kayong Sambahayan ni Israel”

Elder Larry Echo Hawk

Kapag lumapit tayong lahat sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at pinadalisay natin ang ating puso, magiging kasangkapan tayong lahat sa pagsasakatuparan ng mga dakilang pangako sa Aklat ni Mormon.

Nagboluntaryo akong maglingkod sa United States Marine Corps noong Vietnam War. Pagdating na pagdating ko sa Quantico, Virginia, para sa training, natagpuan ko ang aking sarili na nakatayo sa harapan ng aking higaan sa aming kuwartel kasama ang 54 na iba pang bagong marino. Nakilala ko ang aking drill instructor, isang matapang na beterano sa digmaan, nang pasipa niyang buksan ang pinto ng kuwartel at pumasok habang pasigaw na nagsasalita nang masama.

Matapos ang nakasisindak na pagpapakilalang ito, nagsimula siya sa isang dulo ng kuwartel at isa-isang tinanong ang mga bagong marino. Walang pinipili, maparaang naghanap ng dahilan ang drill instructor para malait ang bawat marino sa masama at mahahalay na pananalita. Inisa-isa niya ang mga marino, na sinagot naman siya nang pasigaw tulad ng utos niya: “Opo” o “Hindi po, Sergeant Instructor.” Hindi ko gaanong makita ang ginagawa niya, dahil inutusan kaming tumayo nang tuwid at diretso ang tingin. Nang ako na, hinablot niya ang aking bag at ibinuhos ang laman nito sa kama ko sa aking likuran. Tiningnan niya ang mga dala-dala ko, pagkatapos ay bumalik para harapin ako. Inihanda ko ang aking sarili sa pang-iinsulto niya. Hawak niya ang aking Aklat ni Mormon. Inasahan kong sisigawan niya ako; sa halip, lumapit siya sa akin at bumulong, “Mormon ka ba?”

Bilang pagsunod, sumigaw ako, “Opo, Sergeant Instructor.”

Muli kong inasahan na may masamang mangyayari. Sa halip, tumigil siya at itinaas niya ang kamay na may hawak ng Aklat ni Mormon at sa napakahinang tinig ay sinabing, “Naniniwala ka ba sa aklat na ito?”

Muli akong sumigaw, “Opo, Sergeant Instructor.”

Sa puntong ito natiyak kong pipintasan niya ang mga Mormon at ang Aklat ni Mormon, pero tahimik lang siyang nakatayo roon. Sa isang saglit ay bumalik siya sa higaan ko at maingat na inilapag ang aking Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay nilagpasan niya ako at patuloy na ininsulto at pinintasan ang lahat ng natitira pang bagong marino.

Madalas kong isipin kung bakit hindi ako ininsulto ng mabagsik na Marine Corps sergeant sa araw na iyon. Ngunit nagpapasalamat ako at nasabi ko nang walang pag-aalangan, “Opo, miyembro po ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” at “Opo, alam ko na totoo ang Aklat ni Mormon.” Ang patotoong ito ay mahalagang kaloob na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa tulong ng dalawang misyonero at ng isang priests quorum adviser.

Noong ako ay 14 na taong gulang, dalawang misyonero, sina Lee Pearson at Boyd Camphuysen, ang nagturo sa aking pamilya ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, at nabinyagan ako. Makalipas ang dalawang taon ay hinamon ako ng aming priests quorum adviser na si Richard Boren na basahin ang Aklat ni Mormon. Tinanggap ko ang hamong iyon, at nagbasa ako ng hindi kukulangin sa 10 pahina bawat gabi hanggang sa matapos ko ito.

Sa pahina ng pamagat nabasa ko na ito ay “isinulat para sa mga Lamanita, na mga labi ng sambahayan ni Israel; gayon din sa mga Judio at Gentil.” Sa pambungad sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, sinasabi na ang mga Lamanita “ang mga pangunahing ninuno ng mga Amerikanong Indiyan.” Habang binabasa ko ang Aklat ni Mormon, sa tingin ko ito ay tungkol sa aking mga ninunong Amerikanong Indian. Ito ay tungkol sa isang grupo ng mga tao, ang isang bahagi nito ay tinukoy kalaunan bilang “mga Lamanita,” na mula sa Jerusalem ay nagtungo sa “lupang pangako” (1 Nephi 2:20) mga 600 b.c. Tungkol ito sa pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga sinaunang taong ito sa isang lugar sa mga kontinente ng Amerika. Kabilang dito ang tungkol sa pagmiministeryo ni Jesucristo sa kanila pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Sinabi sa mga talata sa Aklat ni Mormon na sa paglipas ng panahon ay nangakalat sila sa iba’t ibang kontinente ng Amerika at sa mga pulo sa kalapit na karagatan (tingnan sa Alma 63:9–10). Ipinropesiya ng kanilang mga propeta na maraming Gentil ang darating kalaunan sa lupang pangakong ito at ang poot ng Diyos ay mapapasa mga Lamanita at sila ay ikakalat, pahihirapan, at halos malilipol (tingnan sa 1 Nephi 13:10–14).

Ang aking lolo-sa-tuhod na si Echo Hawk, isang Pawnee Indian, ay isinilang noong kalagitnaan ng 1800s sa lugar na tinatawag ngayong Nebraska. Noong siya ay 19 na taong gulang, ang mga taong Pawnee ay napilitang ibigay ang kanilang 23-milyong-akre (9.3 milyong ektarya) na lupain sa mga nandayuhan. Noong 1874 naglakad nang ilang daang milya ang mga taong Pawnee patimog patungo sa isang lupaing nasa Oklahoma Indian Territory. Ang populasyon ng mga taong Pawnee ay bumaba, mula sa mahigit 12,000 ito ay naging halos wala pang 700 nang makarating sila sa Oklahoma. Ang Pawnee, gaya ng iba pang mga tribo, ay ikinalat, pinahirapan, at halos malipol.

May espesyal na mensahe ang Aklat ni Mormon para sa mga inapo ng mga Lamanita, isang labi ng sambahayan ni Israel. Ipinahayag ni Nephi ang mensaheng ito habang binibigyang-kahulugan ang pangitain ng kanyang ama tungkol sa mga huling araw na ito: “At sa araw na yaon ay malalaman ng labi ng ating mga binhi na sila ay kabilang sa sambahayan ni Israel, at na sila ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon; at pagkatapos makikilala nila at makararating sila sa kaalaman ng kanilang mga ninuno, at gayon din sa kaalaman ng ebanghelyo ng kanilang Manunubos, na kanyang ipinangaral sa kanilang mga ama; anupa’t makararating sila sa kaalaman ng kanilang Manunubos at sa bawat bahagi ng kanyang doktrina, nang malaman nila kung paano lalapit sa kanya at maligtas” (1 Nephi 15:14).

Ang Aklat ni Mormon ay sagradong banal na kasulatan. Naglalaman ito ng kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo. Isinulat ni Propetang Joseph Smith na “ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 74). Sa gayon, ito ay may mensahe sa lahat ng tao sa mundo.

Noong 17 taong gulang ako at nagbabasa ng Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon, pinagtuunan ko ng pansin ang pangako ni Moroni: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).

Nang lumuhod ako at manalangin, nakatanggap ako ng malakas na espirituwal na patotoo na ang Aklat ni Mormon ay tunay. Ang patotoong iyan ang nakatulong sa akin sa pagpaplano at pagdedesisyon sa aking buhay.

Hinihikayat ko ang lahat ng tao na basahin ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.

Hinihiling ko lalo na sa labi ng sambahayan ni Israel, na mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon, saanman kayo naroon, na paulit-ulit na basahin ang Aklat ni Mormon. Alamin ang mga pangakong nasa Aklat ni Mormon. Sundin ang mga turo at halimbawa ni Jesucristo. Makipagtipan sa Panginoon at tuparin ang mga ito. Hangarin at sundin ang patnubay ng Banal na Espiritu.

Magtatapos ako sa mga salitang sinabi ni Amaleki, isa pang propeta sa Aklat ni Mormon: “At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nais kong lumapit kayo kay Cristo, na Siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos. Oo, lumapit sa kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya, at magpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin, at magtiis hanggang wakas; at yamang buhay ang Panginoon kayo ay maliligtas” (Omni 1:26).

Kapag lumapit tayong lahat sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at pinadalisay natin ang ating puso, magiging kasangkapan tayong lahat sa pagsasakatuparan ng mga dakilang pangako sa Aklat ni Mormon. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucriso, amen.