Nasaan ang Pabilyon?
Ang pabilyong tila nakaharang sa banal na tulong ay hindi ikinukubli ang Diyos kundi paminsan-minsan ay ikinukubli tayo nito. Ang Diyos ay hindi nakakubli kailanman, kundi tayo ang nakakubli kung minsan.
Sa katindihan ng kanyang pagdadalamhati sa Liberty Jail, humiyaw si Propetang Joseph Smith: “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?”1 Marami sa atin, sa mga sandali ng sariling pagdadalamhati, ay nadarama na malayo ang Diyos sa atin. Ang pabilyong tila nakaharang sa banal na tulong ay hindi ikinukubli ang Diyos kundi paminsan-minsan ay ikinukubli tayo nito. Ang Diyos ay hindi nakakubli kailanman, kundi tayo ang nakakubli kung minsan, natatakpan ng pabilyon ng mga panghihikayat na naglalayo sa atin sa Diyos at ginagawang tila malayo Siya at hindi natin maabot. Ang sarili nating mga naisin, sa halip na ang damdaming “[Mangyari] nawa ang iyong kalooban,”2 ay nagpapadama sa atin na may pabilyong nakaharang sa Diyos. Nakikita o kinakausap tayo ng Diyos, ngunit maaaring ayaw nating makinig o sumunod sa Kanyang kagustuhan at itinakdang panahon.
Ang ating damdamin na nahiwalay tayo sa Diyos ay mababawasan kapag mas katulad tayo ng bata sa Kanyang harapan. Hindi iyan madali sa mundo kung saan ang mga opinyon ng ibang tao ay malaki ang epekto sa ating mga motibo. Ngunit ipauunawa niyan sa atin ang katotohanang ito: ang Diyos ay malapit sa atin at sinusubaybayan tayo at hindi nagkukubli sa Kanyang mga anak kailanman.
Inilarawan ng tatlong-taong-gulang na apo kong babae ang bisa ng kawalang-malay at pagpapakumbaba upang makaugnay tayo sa Diyos. Sumama siya sa kanyang pamilya sa open house ng Brigham City Temple sa Utah. Sa isang silid sa magandang gusaling iyon, luminga-linga siya at nagtanong, “Mommy, nasaan si Jesus?” Ipinaliwanag ng kanyang ina na hindi niya makikita si Jesus sa templo, ngunit madarama ng kanyang puso ang Kanyang impluwensya. Pinag-isipang mabuti ni Eliza ang tugon ng kanyang ina at mukhang nasiyahan naman siya at sinabi, “Ah, wala si Jesus at tinutulungan ang iba,” patapos niyang sabi.
Walang pabilyong humadlang sa pag-unawa o humarang sa pag-alam ni Eliza sa katotohanan. Malapit sa kanya ang Diyos, at nadarama niyang malapit siya sa Kanya. Alam niya na ang templo ang bahay ng Panginoon ngunit naunawaan din niya na ang nabuhay na mag-uli at niluwalhating Jesucristo ay may katawan at isang lugar lamang ang maparoroonan sa bawat pagkakataon.3 Kung wala Siya sa Kanyang bahay, naunawaan niya na nasa ibang lugar Siya. At sa pagkaalam niya sa Tagapagligtas, alam niya na nasa ibang lugar Siya at gumagawa ng mabuti sa mga anak ng Kanyang Ama. Malinaw na inasahan niyang makita si Jesus, hindi para mapagtibay ang himala na Siya ay buhay kundi dahil lamang sa mahal niya Siya.
Maihahayag ng Espiritu sa kanyang puso’t isipan na katulad ng taglay ng isang bata ang kapanatagang kailangan at nais nating lahat. Si Jesucristo ay buhay, kilala tayo, binabantayan tayo, at mahal tayo. Sa mga sandali ng pasakit, lumbay, o pagkalito, hindi natin kailangang makita si Jesucristo para malaman na alam Niya ang ating sitwasyon at na ang Kanyang misyon ay magpala.
Alam ko mula sa sarili kong buhay na ang naranasan ni Eliza ay maaari nating maranasan kahit matatanda na tayo. Sa mga unang taon ko sa trabaho, nagpakasipag ako para matiyak na tatagal ako hanggang magretiro bilang propesor sa Stanford University. Akala ko nabigyan ko na ng magandang buhay ang sarili ko at pamilya ko. Malapit lang ang tirahan namin sa mga magulang ng asawa ko sa napakatiwasay na kapaligiran. Ayon sa mga pamantayan ng mundo, matagumpay na ang narating ko. Ngunit nabigyan ako ng pagkakataon ng Simbahan na lisanin ang California at magpunta sa Ricks College sa Rexburg, Idaho. Ang habambuhay kong mga adhikain sa propesyon ay maaaring isang pabilyon na naghihiwalay sa akin sa isang mapagmahal na Ama na mas nakakaalam kung ano ang magiging kinabukasan ko kaysa sa akin. Ngunit pinagpala akong malaman na anumang tagumpay ang marating ko sa aking propesyon at buhay-pamilya hanggang sa oras na iyon ay kaloob ng Diyos. Kaya nga, tulad sa isang bata, lumuhod ako sa panalangin para itanong ang dapat kong gawin. Narinig ko ang isang mahinang tinig sa aking isipan na nagsabing, “Paaralan Ko ito.” Walang pabilyong nagkubli sa akin mula sa Diyos. May pananampalataya at pagpapakumbaba, sinunod ko ang Kanyang kalooban, at nadama kong mahal Niya ako at malapit Siya sa akin.
Habang nasa Ricks College ako, kung saan sinikap kong alamin ang kalooban ng Diyos at gawin ito, walang pabilyong nagkubli sa akin o humadlang sa papel ng Diyos sa buhay ko. Nang hangarin kong gawin ang Kanyang gawain, naging malapit ako sa Kanya at natiyak ko na alam Niya ang aking sitwasyon at gustung-gusto Niya akong lumigaya. Ngunit tulad ng nangyari sa Stanford, nagsimulang pumasok ang mga panghihikayat ng mundo. Isa na rito ang napakagandang alok na trabaho, na ipinarating noong patapos na ang ikalimang taon ko bilang pangulo ng Ricks College. Pinag-isipan ko ang alok at ipinagdasal ko ito at tinalakay ko pa ito sa Unang Panguluhan. Tumugon sila nang may kabaitan at kaunting biro ngunit tinitiyak ko na wala iyong pamimilit. Pinakinggan ni Pangulong Spencer W. Kimball ang paliwanag ko tungkol sa alok ng isang malaking korporasyon at sinabi niya: “Hal, mukhang magandang pagkakataon iyan! At kung kailanganin ka man namin, alam namin kung saan ka makikita.” Malalaman nila kung saan ako makikita, pero ang mga hangarin ko para magtagumpay sa propesyon ay maaaring lumikha ng pabilyong magpapahirap sa akin na makita ang Diyos at mas mahihirapan akong makinig at sumunod sa Kanyang mga paanyaya.
Ang asawa ko, na nakatunog dito, ay naramdaman na hindi kami dapat umalis ng Ricks College. Sabi ko, “Sapat na sa akin iyan.” Ngunit iginiit niya, nang buong talino, na dapat akong makatanggap ng sarili kong paghahayag. Kaya nagdasal akong muli. Sa pagkakataong ito nakatanggap nga ako ng utos, mula sa isang tinig sa aking isipan na nagsabing, “Hahayaan pa kitang magtagal nang kaunti sa Ricks College.” Ang mga personal kong ambisyon ay maaaring nakalito sa pag-unawa ko sa katotohanan at nahirapan akong makatanggap ng paghahayag.
Tatlumpung araw matapos akong mabigyang-inspirasyong magdesisyon na tanggihan ang alok na trabaho at manatili sa Ricks College, nagiba ang kalapit na Teton Dam. Alam ng Diyos na magigiba ang dam at daan-daang tao ang mangangailangan ng tulong. Hinayaan niyang humingi ako ng payo at matamo ang Kanyang pahintulot na manatili sa Ricks College. Alam Niya ang lahat ng dahilan na baka kailanganin pa ang aking serbisyo sa kolehiyo at sa Rexburg. Kaya naroon ako para madalas na itanong sa Ama sa Langit sa panalangin kung ano ang nais Niyang ipagawa sa akin para sa mga taong nasalanta ang mga ari-arian at buhay. Maraming oras akong tumulong sa ibang tao na mag-alis ng putik at tubig sa mga tahanan. Ang hangarin kong malaman at gawin ang Kanyang kalooban ay nagbigay sa akin ng pagkakataong magmuni-muni.
Inilalarawan ng pangyayaring iyan ang isa pang paraan na makalilikha tayo ng hadlang sa pag-alam sa kalooban ng Diyos o pagdama sa Kanyang pagmamahal sa atin: sa paggigiit ng ating takdang panahon samantalang may sariling takdang panahon ang Panginoon. Akala ko sapat na ang ginugol kong panahon sa pagseserbisyo sa Rexburg at nagmadali na akong makalipat. Kung minsan ang paggigiit nating kumilos ayon sa sarili nating takdang panahon ay maaaring humadlang sa Kanyang kalooban para sa atin.
Sa Liberty Jail, hiniling ni Propetang Joseph sa Panginoon na parusahan ang mga nagpapahirap sa mga miyembro ng Simbahan sa Missouri. Nanalangin siya para sa tiyak at mabilis na paghihiganti. Ngunit tumugon ang Panginoon na “hindi bibilang ng maraming taon mula [noon],”4 haharapin Niya ang mga kaaway na iyon ng Simbahan. Sa ika-24 at ika-25 na talata ng bahagi 121 ng Doktrina at mga Tipan, sinabi Niya:
“Masdan, ang aking mga mata ay nakikita at nalalaman ang lahat ng kanilang mga gawa, at ako ay may nakalaang isang mabilis na paghahatol sa sandaling yaon, para sa kanilang lahat;
“Sapagkat may panahong nakatakda sa bawat tao, alinsunod sa kanyang mga magiging gawain.”5
Inaalis natin ang pabilyon kapag nadarama at ipinagdarasal nating, “[mangyari] nawa ang [In]yong kalooban” at “sa Inyong sariling panahon.” Malapit nang dumating ang Kanyang panahon para sa atin dahil alam natin na tanging pinakamabuti lamang ang nais Niya.
Isa sa mga manugang kong babae ang nakadama nang maraming taon na tinakpan siya ng Diyos ng pabilyon. Bata pa siyang ina ng tatlong bata at sabik na magkaroon pa ng mga anak. Matapos makunan nang dalawang beses, ang kanyang mga pagsamo sa panalangin ay napuno ng dalamhati. Sa paglipas ng mga taon na hindi siya nagkaanak, parang gusto na niyang magalit. Nang mag-aral ang kanyang bunso, ang kahungkagan sa kanyang tahanan ay parang nakabalisa sa kanyang desisyong pagtuunan ang kanyang pagiging ina—idagdag pa ang di-inasam at di-gustong pagbubuntis ng mga kakilala. Nadama niya na parang siya si Maria na tapat at itinalaga, na nagsabing, “Narito, ang alipin ng Panginoon.”6 Ngunit kahit sinambit niya ang mga salitang ito sa kanyang puso, wala siyang narinig na sagot.
Sa pag-asang mapasigla siya, isinama siya ng asawa niya sa business trip nito sa California. Habang nasa miting ang asawa, naglakad-lakad siya sa maganda at walang katau-taong dalampasigan. Sasabog na ang dibdib niya, kaya nagdasal siya nang malakas. Sa unang pagkakataon, hindi siya humiling ng isa pang anak kundi ng isang banal na utos. “Ama sa Langit,” ang malakas niyang sabi, “Ibibigay ko sa Inyo ang lahat ng oras ko; mangyari pong ipakita ninyo sa akin kung paano ito pupunan.” Nagpahayag siya ng kahandaang dalhin ang kanyang pamilya saanman sila papuntahin. Ang panalanging iyon ay nagpadama sa kanya ng di-inaasahang kapayapaan. Hindi iyon nakasiya sa paghahangad ng kanyang isipan para sa katiyakan, ngunit sa unang pagkakataon pagkaraan ng maraming taon, pinanatag nito ang kanyang puso.
Ang panalangin ay nag-alis sa pabilyon at nagbukas ng mga dungawan sa langit. Sa loob ng dalawang linggo nalaman niyang nagdadalang-tao siya. Isang taong gulang lamang ang bagong sanggol nang matawag sa misyon ang anak kong lalaki at kanyang asawa. Dahil nangako siyang gawin ang anuman at magpunta saanman, isinantabi niya ang takot at dinala ang kanyang mga anak sa ibang bansa. Sa misyon nagkaroon siya ng isa pang anak—sa araw ng lipatan ng mga missionary.
Ang ganap na pagsunod sa kalooban ng langit, tulad ng bata pang inang ito, ay mahalaga para maalis ang mga espirituwal na pabilyon na kung minsan ay itinatakip natin sa ating ulo. Ngunit hindi nito tinitiyak ang agarang mga sagot sa ating mga dalangin.
Mukhang matwid na ang puso ni Abraham bago pa man ipinagdalantao ni Sara si Isaac at bago nila natanggap ang kanilang lupang pangako. May iba pang mga layunin ang langit na dapat munang matupad. Kasama sa mga layuning iyon hindi lamang ang pagkakaroon ng pananampalataya nina Abraham at Sara kundi pati na ang pagtuturo sa kanila ng mga walang-hanggang katotohanan na ibinahagi nila sa iba sa kanilang mahaba at paikut-ikot na daan patungo sa lupaing inihanda para sa kanila. Ang mga pagpapaantala ng Panginoon ay kadalasang tila matagal; ang ilang pagpapaantala ay habambuhay. Ngunit ang mga ito ay laging inaasahang magpala. Hindi kailangang maging mga oras ito ng kalungkutan o pighati o pagkabagot.
Bagama’t ang Kanyang panahon ay hindi laging katulad ng sa atin, makatitiyak tayo na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Para sa sinuman sa inyo na nadarama ngayon na mahirap Siyang maabot, pinatototohanan ko na darating ang araw na lahat tayo ay makakaharap Siya. Kung walang nakahadlang ngayon sa Kanyang pagtanaw sa atin, walang makahahadlang sa ating pagtanaw sa Kanya. Lahat tayo ay tatayo sa Kanyang harapan, nang personal. Tulad ng aking apo, nais nating makita si Jesucristo ngayon, ngunit ang tiyak na pakikipagkita nating muli sa Kanya sa hukumang-luklukan ay magiging mas kasiya-siya kung gagawin muna natin ang mga bagay na magiging pamilyar Siya sa atin at gayon din tayo sa Kanya. Kapag pinaglingkuran natin Siya, nagiging katulad Niya tayo, at napapalapit tayo sa Kanya kapag walang nakahadlang sa ating pagtanaw.
Maaaring tuluy-tuloy ang pagkilos palapit sa Diyos. “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan,”7 ang turo ng Tagapagligtas. At sinabi Niya sa atin kung paano:
“Sapagka’t ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom; ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;
“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan: ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw: ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.
“Kung magkagayo’y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?
“At kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?
“At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?
“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”8
Kapag ginagawa natin ang ipinagagawa Niya sa atin para sa mga anak ng Kanyang Ama, itinuturing ito ng Panginoon na kabaitan sa Kanya, at madarama natin na mas malapit tayo sa Kanya kapag nadama natin ang Kanyang pagmamahal at pagsang-ayon. Pagdating ng panahon magiging katulad Niya tayo at iisipin natin ang Araw ng Paghuhukom nang may masayang pag-asam.
Ang pabilyong tila itinatago kayo sa Diyos ay maaaring pagkatakot sa tao sa halip na sa hangaring ito na maglingkod. Ang tanging layon ng Tagapagligtas ay tulungan ang mga tao. Marami sa inyo, katulad ko, ang takot na lumapit sa isang taong nasaktan ninyo o nakasakit sa inyo. Ngunit nakita ko nang palambutin ng Panginoon ang mga puso nang paulit-ulit, pati na ang puso ko. Kaya nga hinahamon ko kayo na lumapit sa isang tao alang-alang sa Panginoon, anumang takot ang nadarama ninyo, upang magmahal at magpatawad. Ipinapangako ko na kapag ginawa ninyo ito, madarama ninyo ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa taong iyon at sa inyo, at tila hindi malayo ang pagmumulan ng damdaming iyon. Para sa inyo, ang hamong iyan ay maaaring sa pamilya, sa komunidad, o sa ibang bansa.
Ngunit kung gagawin ninyo ito para mapagpala ng Panginoon ang iba, makikita at gagantimpalaan Niya ito. Kung gagawin ninyo ito nang madalas at matagal, madarama ninyo ang pagbabago sa inyong pagkatao mismo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hindi lamang kayo mapapalapit sa Kanya, lalo’t higit pa ninyong madarama na nagiging katulad Niya kayo. Sa gayon, kapag nakita nga ninyo Siya, at makikita natin Siyang lahat, magiging katulad kayo ni Moroni nang sabihin niyang: “At ngayon, ako ay namamaalam sa lahat. Ako ay malapit nang magtungo sa kapahingahan sa paraiso ng Diyos, hanggang sa ang aking espiritu at katawan ay muling magsama, at ako ay matagumpay na madadala ng hangin, upang kayo ay tagpuin sa harapan ng nakalulugod na hukuman ng dakilang Jehova, ang Walang Hanggang Hukom ng kapwa buhay at patay. Amen.”9
Kung maglilingkod tayo nang may pananampalataya, pagpapakumbaba, at hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, pinatototohanan ko na ang hukumang-luklukan ng dakilang Jehova ay magiging kasiya-siya. Makikita natin ang ating mapagmahal na Ama at ang Kanyang Anak na katulad ng pagkakita Nila sa atin ngayon—na may sakdal na kalinawan at pagmamahal. Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.