2012
Mga Pagpapala ng Sakramento
Nobyembre 2012


Mga Pagpapala ng Sakramento

Elder Don R. Clarke

Pagpapalain tayo kapag nakadama tayo ng pasasalamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sinariwa ang ating mga tipan sa binyag, nakadama ng kapatawaran, at nakatanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo.

Lumaki ako sa Rexburg, Idaho, kung saan ako naimpluwensyahan at naturuan ng isang kahanga-hangang pamilya, mga kaibigan, guro, at lider. May mga espesyal na karanasan sa buhay nating lahat na umaantig sa ating kaluluwa at habampanahon nang nagbabago ang mga bagay. Isang gayong karanasan ang nangyari noong kabataan ko. Binago ng karanasang ito ang aking buhay.

Palagi akong aktibo noon sa Simbahan at umuunlad sa Aaronic Priesthood. Noong tinedyer ako, hiniling ng guro kong si Brother Jacob na isulat namin sa isang kard ang iniisip namin habang nasa sakramento. Kinuha ko ang kard ko at nagsimulang magsulat. Una sa listahan ang laro ng basketbol na napanalunan namin noong isang gabi. At sumunod ang deyt pagkatapos ng laro, at marami pang iba. Hindi nakalista sa itaas at hindi nabigyan ng pagpapahalaga ang pangalan ni Jesucristo.

Bawat linggo ay sinusulatan ang kard. Para sa isang batang mayhawak ng Aaronic Priesthood, ang sakramento at sacrament meeting ay nagkaroon ng bago, malawak, at espirituwal na kahulugan. Nasabik ako sa pagsapit ng mga Linggo at magkaroon ng pagkakataong makibahagi sa sakramento, dahil nagbabago na ang pagkaunawa ko sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Hanggang ngayon tuwing Linggo, kapag nakikibahagi ako sa sakramento, nakikita ko ang aking kard at nirerepaso ang aking listahan. Palaging una sa listahan ko ngayon, higit sa lahat, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.

Sa Bagong Tipan mababasa natin ang panahon na ang Tagapagligtas at Kanyang mga Apostol ay nagpulong sa silid sa itaas para sa Pista ng Paskua.

“Pinagputul-putol Niya ang tinapay at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

“Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo.1

Pinasimulan din ni Jesus ang ordenansa ng sakramento sa Kanyang pagbisita sa mga Nephita.2 Nalaman ko ang kahalagahan ng dalawang pangyayaring ito.

Sinabi ni Pangulong David O. McKay, “Dama kong dapat kong bigyang-diin ang sinabi ng Panginoon na pinakamahalagang pulong sa Simbahan, at iyan ang sacrament meeting.”3 Kung maghahanda tayong mabuti para sa sakramento, mababago natin ang ating buhay. Gusto kong magmungkahi ng limang alituntunin na magpapala sa ating buhay kapag karapat-dapat tayo sa pakikibahagi sa sakramento.

I. Makadama ng Pasasalamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ang unang alituntunin ay makadama ng pasasalamat sa Ama sa Langit sa oras ng sakramento para sa Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak. Narito ang kuwento tungkol sa pagpapasa ng sakramento:

“Ang sakramento ay nagkaroon lang sa akin ng kabuluhan noong Linggong maorden ako bilang deacon. Nang hapon na iyon nagpasa ako ng sakramento sa kauna-unahang pagkakataon. Bago ang pulong, binalaan ako ng isa sa mga deacon, ‘Bantayan mo si Brother Schmidt. Baka kailangan mo siyang gisingin!’ Sa wakas pagkakataon ko nang makibahagi sa pagpapasa ng sakramento. Maayos naman ang pagpapasa ko sa unang anim na hanay. Ang mga bata at matatanda ay nakibahagi ng tinapay nang maayos. At napunta na ako sa ikapitong hanay, kung saan palaging nakaupo si Brother Schmidt. Pero nagulat ako. Sa halip na natutulog gising na gising siya. Hindi tulad ng ibang inabutan ko, kinuha niya ang tinapay na tila nag-iisip nang malalim at mapitagan.

“Makaraan ang ilang minuto palapit na ako sa ikapitong hanay dala ang tubig. Sa pagkakataong ito, tama ang kaibigan ko. Si Brother Schmidt ay nakaupo na nakayuko ang ulo at nakapikit ang kanyang malalaking matang German. Halatang tulog na tulog siya. Ano ang gagawin o sasabihin ko? Sandali kong tiningnan ang kanyang noo, na kulubot na dahil sa maraming taong hirap at pagod. Sumapi siya sa Simbahan noong tinedyer pa siya at dumanas ng matinding pang-uusig sa kanyang munting bayan sa Germany. Maraming beses ko nang narinig ang kuwentong iyon sa testimony meeting. Sa wakas nagpasiya ako na bahagya kong tatapikin ang kanyang balikat para gisingin siya. Nang gagawin ko na iyon, dahan-dahang umangat ang kanyang ulo. May mga luha sa kanyang pisngi at habang tinitingnan ko ang kanyang mga mata nakita ko ang pagmamahal at kagalakan. Tahimik niyang inabot at kinuha ang tubig. Kahit na labindalawang taong gulang lang ako noon, malinaw pa rin sa alaala ko ang nadama ko habang minamasdan ko ang pakikibahagi sa sakramento ng butihing matandang ito. Nakatitiyak ako na may nadarama siya tungkol sa sakramento na hindi ko pa nadama. Nagpasiya ako noon na gusto ko ring madama iyon.”4

Si Brother Schmidt ay nakipag-ugnayan sa langit, at ang langit ay nakipag-ugnayan sa kanya.

II. Alalahanin na Pinaninibago Natin ang Ating mga Tipan sa Binyag

Ang ikalawang alituntunin na dapat tandaan ay na pinaninibago natin ang ating mga tipan sa binyag habang nakikibahagi tayo ng sakramento. Ang ilan sa mga pangakong ginagawa natin, gaya ng nakatala sa mga banal na kasulatan, ay kinabibilangan ng:

“Lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, … magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … , at tumayo bilang mga saksi ng Diyos.”5

“Humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, … pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas,”6 at susundin ang Kanyang mga kautusan at lagi Siyang aalalahanin.7

Ang mga panalangin sa sakramento ay paalala ng mga tipang ito. Kapag nakikibahagi tayo sa sakramento, pinaninibago natin ang ating pangako na tutuparin ang mga tipang ito. Naniniwala kami na nararapat lang na isaulo ang mga panalangin sa sakramento at isapuso ito. Tutulong ito sa atin na makapagtuon sa pagpapanibago ng ating mga tipan sa binyag. Tayo man ay 8 o 80 taong gulang nang binyagan tayo, sana hindi natin malimutan ang araw na iyon at ang mga tipang ginawa natin.

III. Sa Oras ng Sakramento Maaari Nating Madama na Pinatawad ang Ating mga Kasalanan

Pangatlo, sa oras ng sakramento maaari nating madama na pinatawad ang ating mga kasalanan. Kung nag-ukol tayo ng panahon na pagsisihan ang ating mga kasalanan bago ang sacrament meeting, aalis tayo sa sacrament meeting na damang malinis at dalisay tayo. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Muling pinaninibago ng sakramento ang pagpapatawad. Tuwing Linggo kapag ibinibigay ang sakramento, iyan ay seremonya para panibaguhin ang pagpapatawad. … Tuwing Linggo nililinis ninyo ang inyong sarili upang, sa takdang panahon, kapag namatay kayo ang inyong espiritu ay malinis.”8 Ang pagtanggap ng sakramento nang karapat-dapat ay magpapadama sa atin ng nadama ng mga tao ni Haring Benjamin, na “napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi.”9

IV. Makatatanggap Tayo ng Inspirasyon para sa Kalutasan ng Ating mga Problema

Ang pang-apat na alituntunin ay makatatanggap tayo ng inspirasyon para sa kalutasan ng ating mga problema sa oras ng sacrament meeting. Noong ako ang mission president sa Bolivia, mapalad kami ng asawa kong si Mary Anne na makadalo sa isang mission presidents’ seminar kasama si Pangulong Henry B. Eyring. Sa pulong na iyon itinuro niya sa amin na may tatlong mahahalagang paraan ng paghahanda upang makinabang sa isang pulong. Dapat tayong dumating na iniisip na malulutas ang ating mga problema, mapagkumbaba gaya ng mga batang handang matuto, at may hangaring tulungan ang mga anak ng Diyos.

Habang mapagpakumbaba tayong dumarating sa sacrament meeting, pagpapalain tayong madama ang mga pahiwatig para sa mga solusyon ng ating mga problema sa araw-araw. Kailangang dumating tayong handa, handang makinig, at hindi nagagambala. Mababasa natin sa mga banal na kasulatan, “Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.10 Malalaman natin ang dapat nating gawin para malutas ang ating mga problema.

V. Ang Pakikibahagi sa Sakramento nang Karapat-dapat ay Tutulong Upang Mapuspos Tayo ng Espiritu Santo

Ang panglimang alituntunin, ang pakikibahagi ng sakramento nang karapat-dapat, ay tutulong upang mapuspos tayo ng Espiritu Santo. Sa pagpapasimula ng sakramento sa Kanyang pagbisita sa mga Nephita, sinabi ni Jesus, “Siya na kumakain ng tinapay na ito ay kumakain ng aking katawan sa kanyang kaluluwa; at siya na umiinom ng alak na ito ay umiinom ng aking dugo sa kanyang kaluluwa; at ang kanyang kaluluwa ay hindi kailanman magugutom ni mauuhaw, kundi mabubusog.”11 Pinangakuan sila na kung sila ay magugutom at mauuhaw sa katuwiran, sila ay mapupuspos ng Espiritu Santo. Nangangako rin ang mga panalangin sa sakramento na kapag tinupad natin ang ating mga tipan, palaging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu.12

Sinabi ni Elder Melvin J. Ballard: “Saksi ako na may diwang naroon sa pangangasiwa ng sakramento na umaantig sa kaluluwa mula ulo hanggang paa; nadarama ninyong gumagaling ang mga sugat ng kaluluwa, at gumagaan ang pasanin. Kapanatagan at kaligayahan ang dumarating sa kaluluwang karapat-dapat at tunay ang hangaring makibahagi sa espirituwal na pagkaing ito.”13

Pagpapalain tayo kapag nakadama tayo ng pasasalamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pinaninibago ang ating mga tipan sa binyag, nakadama ng kapatawaran, at nakatanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo habang nakikibahagi tayo sa sakramento bawat linggo. Palaging magiging napakaganda ng sacrament meeting kung ang sakramento ang sentro ng ating pagsamba. Nagpapasalamat ako sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Alam kong Siya ay buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.