2012
Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan
Nobyembre 2012


Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan

Elder Marcus B. Nash

Tutulungan tayo ng pananampalataya na ligtas na makaakyat sa landas ng ebanghelyo, daigin ang bawat hamon ng mortalidad, at bumalik sa maringal na presensya ng ating Ama sa Langit.

Hindi pa natatagalan ilan sa amin sa pamilyang Nash ang umakyat sa tuktok ng Huayna Picchu, isang mataas na taluktok sa tabi ng mga labi ng sinaunang Inca sa Machu Picchu sa kabundukan ng Peru. Napakatarik nito na may makapigil-hiningang tanawin at matatarik na bangin. Nakalulungkot na may mga nagsiakyat doon na namatay nang mahulog sa makitid at matarik na daan na iyon. Upang maiwasan ang gayong mga trahedya, kinabitan ng matitibay na kable ang matigas na bato sa gilid ng bundok ng Huayna Picchu. Humawak kami sa mga kableng iyon habang umaakyat, at nakarating kami nang ligtas sa tuktok, kung saan napakaganda ng tanawin mula roon!

Tulad ng landas sa Huayna Picchu, ang ating paglalakbay sa mundo ay matarik at mahirap akyatin, at kailangan ng tulong ng Ama sa Langit para matagumpay itong maakyat. Dahil dito, nagtakda Siya ng mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo upang akayin tayo sa Tagapagligtas at sa Kanyang nakapagliligtas na kapangyarihan.1 Ang una sa mga alituntuning iyon, ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo,2 ay parang mga kable sa Huayna Picchu: kung matibay at mahigpit na nakakabit sa “bato ng ating Manunubos,”3 tutulungan tayo ng pananampalataya na ligtas na makaakyat sa landas ng ebanghelyo, daigin ang bawat hamon ng mortalidad,4 at bumalik sa maringal na presensya ng ating Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng pananampalataya ang lahat ng bagay ay naisasakatuparan.5

Ang pananamapalataya ay kapwa isang alituntunin ng paggawa at ng kapangyarihan.6 Ito “ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay; kaya nga kung [tayo] ay may pananampalataya, umaasa [tayo] sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo.”7 Ito ay isang pagpapatunay8 ng Espiritu na natamo sa pamamagitan ng ating pag-aaral na nagpapakilos sa atin9 na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at mapanalanging sundin ang Kanyang mga utos, maging sa mga panahon ng sakripisyo at pagsubok.10 Ang pananampalataya ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihan ng Panginoon, na naipapakita—bukod pa sa ibang mga bagay—sa pag-asa sa mabubuting bagay na darating,11 mga himalang nagpapatunay sa ating pananampalataya,12 at pangangalaga ng langit sa mga bagay na espirituwal at temporal.13

Ang buhay ni Ann Rowley, isang pioneer noong bago pa lang ang Simbahan, ay nagpapakita kung paano naiimpluwensyahan ng pananampalataya ang ating buhay sa kabutihan. Isang balo mula sa England, si Sister Rowley ay nanampalataya nang sundin niya ang panawagan ng propeta na magtipun-tipon sa Sion. Kasama siya sa Martin handcart company na naglakbay sa makapal na bunton ng mga niyebe sa daan noong taglagas ng 1856. Umabot sila sa punto ng paglalakbay na halos mamatay sa gutom ang kanyang pitong anak. Isinulat niya: “Masakit sa aking makita na nagugutom ang aking mga anak. … Papagabi na pero wala pa ring makain para sa hapunan. Humingi ako ng tulong sa Diyos tulad ng dati. Lumuhod ako, na inaalala ang dalawang matitigas na biskwit na … natira sa paglalayag sa dagat. Hindi ito gaanong malalaki, at napakatigas kaya’t hindi ito mahati. Totoong hindi iyon sapat para mapakain ang 8 tao, pero ang 5 tinapay at 2 isda ay hindi rin sapat para mapakain ang 5,000 tao, pero sa pamamagitan ng himala, nagawa iyon ni Jesus. Kaya, sa tulong ng Diyos, walang imposible. Nakita ko ang mga biskwit at inilagay ko ito sa malaking kaldero at inilubog ito sa tubig at hiniling ko sa Diyos na basbasan ito. Pagkatapos ay tinakpan ko ang kaldero at isinalang ito sa uling. Nang tanggalin ko ang takip maya-maya pa, nakita kong puno ng pagkain ang kaldero. Lumuhod kaming mag-anak at nagpasalamat kami sa Diyos sa Kanyang kabutihan. Nang gabing iyon may sapat ng pagkain ang aking pamilya.”14

Malaki ang sakripisyo ni Ann Rowley para maipamuhay ang ebanghelyo. Siya ay nangailangan ng tulong, at hiniling niya ito sa panalangin. Dahil sa kanyang pananampalataya, napuspos siya ng pag-asa at himalang napakain niya ang kanyang pamilya. Biniyayaan din siya ng Panginoon ng malaking kakayahang magtiis “nang may pananampalataya hanggang wakas.”15 Sa kabila ng walang katiyakang hinaharap, hindi niya pinilit malaman kung paano niya mapapakain ang kanyang mga anak kinabukasan; sa halip, matiyaga siyang “[nag]hintay sa Panginoon”16 at nagpatuloy nang may pag-asa—tulad ng ipinahayag sa magandang himno:

Liwanag sa gitna nitong dilim, Maging gabay!

Tahanan ko’y malayo sa akin, Maging gabay!

Palakasin at ang hinaharap

‘Di man tanaw—patnubay mo’y sapat.17

Tayo man ay maaaring manampalataya nang gayon sa Panginoon, naniniwala at nagtitiwala na ang ating mabait at hindi nagbabagong Diyos18 ay bibiyayaan tayo ng Kanyang mahimalang kapangyarihan na akma sa ating kalagayan, at ayon sa Kanyang takdang panahon. Kapag ginawa natin ito, makikita rin natin ang kamay ng Diyos sa ating buhay.

Iniutos ng Panginoon na taglayin natin “ang kalasag ng pananampalataya at sa pamamagitan nito ay masusubuhan ninyo ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama.”19 Gagamitin ni Satanas ang mga bagay na katulad ng pagdududa, takot, o pagkakasala para tuksuhin tayong mawalan ng pananampalataya at mawala sa atin ang proteksyong ibinibigay nito. Alamin natin nang paisa-isa ang mga hamong ito sa pananampalataya upang matukoy at maiwasan natin ang mga tukso ng kaaway.20

Una, ang kawalang-paniniwala sa Panginoon o sa Kanyang ebanghelyo ay magiging dahilan para salungatin natin ang Espiritu ng Diyos.21 Ang solusyon ng Panginoon sa pagdududa ay simple. Ayon sa pahayag ni Haring Benjamin, “Maniwala sa Diyos, maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa, maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon.”22

Kung manghina ang inyong pananampalataya dahil sa kawalang-paniniwala o pagdududa, alalahanin na maging ang mga sinaunang Apostol ay nagsumamo sa Panginoon na “dagdagan mo ang pananampalataya namin.”23 Isinasaisip na ang pananampalataya at lohika ay kailangang magkasama, pag-isipan ang sumusunod na analohiya: ang pananampalataya at lohika ay parang magkabilang pakpak ng isang eroplano. Parehong kailangan ito para manatiling lumilipad. Kung ang lohika, sa inyong pananaw, ay tila salungat sa pananampalataya, sandaling alalahanin na ang ating pananaw ay napakalimitado kumpara sa Panginoon.24 Huwag ninyong alisin ang pananampalataya na tulad ng hindi ninyo aalisin ang isang pakpak ng eroplanong lumilipad. Bagkus, pangalagaan ang bahagyang pananampalataya at hayaang maging angkla ang pag-asang dulot nito sa inyong kaluluwa—at sa inyong lohika.25 Kaya nga inuutusan tayo na “maghangad na matuto … sa pamamagitan ng pag-aaral at gayundin sa pamamagitan ng pananampalataya.”26 Tandaan, nauuna ang pananampalataya at lumilikha ito ng mga himalang hindi kayang ipaliwanag ng ating kaalaman, tulad ng kalderong puno ng pagkain mula sa dalawang maliliit na biskwit o ng simpleng pagtitiis nang may pananampalataya anuman ang mangyari.27

Pangalawa, ang takot ay humahadlang at nagpapahina sa pananampalataya sa Tagapagligtas. Si Apostol Pedro ay umasa sa Panginoon noong isang maunos na gabi at lumakad sa tubig—hanggang sa magbaling siya ng tingin at “nakita ang malakas na hangin [at] natakot” at lumubog sa maalong karagatan.28 Nakapagpatuloy sana siya sa paglakad kung hindi siya natakot! Sa halip na magtuon at matakot sa malakas na hangin at alon sa ating buhay, inaanyayahan tayo ng Panginoon na “isaalang alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”29

Pangatlo, binabawasan ng pagkakasala ang presensya ng Espiritu sa ating buhay, at kung wala ang Espiritu Santo, mawawalan tayo ng espirituwal na lakas na magpatuloy at manampalataya. Pinakamainam na manampalataya tayo na “huwag humipo ng masamang kaloob ni ng maruming bagay”30 at “maging masigasig sa pagsunod sa lahat ng … kautusan, upang … ang inyong pananampalataya ay [hindi] manghina, at ang inyong kaaway ay [hindi] magwagi sa inyo.”31 Kung nasira ng pagkakasala ang inyong buhay, inaanyayahan ko kayong “[manampalataya] tungo sa pagsisisi,”32 at ang Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ay dadalisayin at paghihilumin ang inyong buhay.

Mga kapatid, tutuparin ng Panginoon, ayon sa ating pananampalataya, ang Kanyang mga pangako at tutulungan tayong malampasan ang bawat pagsubok.33 Ginawa Niya iyan para kay Ann Rowley at nagawa iyan para sa Kanyang mga tao sa lahat ng bansa at sa bawat panahon at henerasyon. Dahil Siya ay “Diyos ng mga himala” at “hindi nagbabago,” bibiyayaan Niya rin ang bawat isa sa atin ng pag-asa, proteksyon, at kapangyarihan ayon sa ating pananampalataya sa Kanya.34 Ang matatag na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo—tulad ng mga kable sa landas ng Huayna Picchu—ay iaangkla kayo at ang inyong mga mahal sa buhay sa “bato na ating Manunubos”35 at sa Kanyang walang kapantay na kapangyarihang magligtas.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”36 Pinatototohanan ko ang dakila at puno ng pag-asa na katotohanang iyan at inaanyayahan ang bawat isa sa atin na matatag na magpatuloy nang may pananampalataya sa Panginoon, “nang walang anomang pagaalinlangan.”37 Alam ko na ang Tagapagligtas ay buhay, Siya ang “may akda at tagatapos ng ating pananampalataya”38 at “tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y naghahanap.”39 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.