Maging Matapang sa Kagitingan, Lakas, at Gawain
Maging karapat-dapat kayo tulad ng 2,000 kabataang kawal sa pamamagitan ng pagiging matapang sa kagitingan bilang marapat na mayhawak ng priesthood.
Ngayong gabi partikular akong pinagpala na magsalita bilang isang bishop sa mga kabataang lalaki, mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, na nagtipon mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa pangkalahatang pulong na ito ng priesthood. Ibabahagi ko sa inyo ang kuwento sa Aklat ni Mormon tungkol kay Helaman at kanyang 2,000 kabataang kawal. Ilalahad ng banal na kasulatang ito ang katangian ng mga kabataang iyon—at magbibigay ng inspirasyon para sa inyo, mga kabataang lalaki. Babanggitin ko ang isang paboritong banal na kasulatan: “At lahat sila ay mga kabataang lalaki, at sila ay napakagiting, at gayon din sa lakas at gawain; subalit masdan, hindi lamang ito—sila’y kalalakihang matatapat sa lahat ng panahon.”1 Kagitingan, lakas, gawain, at katotohanan—kahanga-hangang mga katangian!
Gusto kong pagtuunan ang unang katangiang naglalarawan sa kanila: “matapang sa kagitingan.” Para sa akin, inilalarawan nito ang pananalig ng mga kabataang ito na magpakagiting sa paggawa ng tama, o tulad ng inilarawan ni Alma, “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon … at sa lahat ng lugar.”2 Ang 2,000 kabataang kawal ay nagkaroon ng napakaraming pagkakataon upang ipamalas ang kanilang katapangan. Bawat isa sa inyo ay magkakaroon din ng mahahalagang sandali na kailangan ang kagitingan. Ikinuwento ng kaibigan kong si John ang isa sa mga sandaling iyon sa kanyang buhay.
Ilang taon na ang nakalilipas natanggap si John sa isang kilalang unibersidad sa Japan. Magiging bahagi siya ng international student program kasama ang iba pang pinakamahuhusay na estudyante sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang ilan ay nagpalista sa pag-asang mapalalim ang kaalaman nila sa kultura at lengguahe, ang iba naman ay para makapagtrabaho sa Japan, ngunit lahat sila ay iniwan ang kanilang tahanan para mag-aral sa ibang bansa.
Pagkarating ni John sa Japan, ipinaalam sa kanila na may gaganaping party sa rooftop ng isang bahay para sa mga dayuhang estudyante. Nang gabing iyon, pinuntahan nina John at dalawang kaibigan ang nakapaskil na address.
Pagkalabas mula sa elevator sa pinakamataas na palapag ng gusali, inakyat ni John at ng kanyang mga kaibigan ang makipot na hagdan papuntang rooftop at nakihalubilo sila sa iba. Habang lumalalim ang gabi, nag-iiba ang nangyayari sa paligid. Tumindi ang ingay, lakas ng tugtog, at amoy ng alkohol, gayundin ang pagkaasiwa ni John. Maya-maya, biglang may nagsabi sa mga estudyante na tumayo nang pabilog para mapahitit sila ng marijuana. Napangiwi si John at mabilis na sinabihan ang kanyang dalawang kaibigan na oras na para umalis. Isa sa kanila ang sumagot nang halos pakutya, “John, simple lang naman iyan—tatayo lang tayo sa bilog, at kapag nasa atin na ang marijuana, ipapasa lang natin ito at hindi hihititin. Sa ganyang paraan hindi tayo mapapahiya, kaysa naman basta na lang tayo aalis.” Mukhang simple nga lang ito kay John, ngunit hindi tama. Alam niyang dapat niyang sabihin ang gusto niyang mangyari at gawin iyon. Kaagad siyang nag-ipon ng lakas ng loob at sinabi sa kanila na bahala sila sa gusto nilang gawin, pero siya ay aalis. Ipinasiya ng isa niyang kaibigan na huwag umalis at sumama sa mga nakabilog; ang isa naman ay atubiling sinundan si John pababa sa hagdan papuntang elevator. Laking gulat nila dahil nang bumukas ang pinto ng elevator, naglabasan ang mga pulis na Hapones at nagmamadaling inakyat ang hagdan papuntang rooftop. Sumakay na sina John at kanyang kaibigan sa elevator at umalis.
Nang nasa itaas na ng hagdan ang mga pulis, dali-daling itinapon ng mga estudyante ang ilegal na droga sa labas ng rooftop para hindi sila mahuli. Matapos harangan ang hagdan, gayon man, pinapila ng mga opisyal ang lahat ng nasa rooftop at ipinalahad sa bawat estudyante ang kanilang dalawang kamay. Pagkatapos ay isa-isang inamoy ng mga opisyal ang mga hinlalaki at hintuturo ng bawat estudyante. Lahat ng humawak sa marijuna, hinitit man nila ito o hindi, ay itinuring na nagkasala, at malaki ang naging kapalit nito. Halos lahat ng estudyanteng nadatnan sa rooftop ay napaalis sa kani-kanilang unibersidad, at ang mga nahatulan ay malamang na itinapon palabas sa Japan. Ang mga pangarap na makapag-aral, ang maraming taong paghahanda, at ang posibilidad na makapagtrabaho sa Japan, ay nawasak sa ilang saglit lamang.
Ngayon sasabihin ko sa inyo ang nangyari sa tatlong magkakaibigan. Ang kaibigang hindi umalis sa rooftop ay pinaalis sa unibersidad sa Japan na pinagsikapan pa naman niyang matamo at inatasang umuwi. Ang kaibigang umalis sa party kasama si John nang gabing iyon ay nakatapos ng pag-aaral sa Japan at nakapagtapos ng mga kurso sa dalawang pangunahing unibersidad sa Estados Unidos. Dahil sa kanyang propesyon, nakabalik siya sa Asia, kung saan lalo siyang nagtagumpay sa trabaho. Hanggang sa araw na ito ay nagpapasalamat siya sa magiting na halimbawa ni John. Ang kinahinatnan naman nito sa buhay ni John ay halos hindi masukat. Sa paglagi niya sa Japan nang taong iyon ay nagkaroon siya ng isang masayang buhay may-asawa kasunod ang pagkakaroon ng dalawang anak na lalaki. Nagtagumpay siya nang labis sa negosyo at kamakailan ay naging propesor sa isang unibersidad sa Japan. Isipin na lang ninyo kung gaano ang naging kaibhan ng buhay niya kung hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na umalis sa party sa kritikal na gabing iyon sa Japan.3
Mga kabataan, may mga pagkakataon na kayo, tulad ni John, ay kailangang magpakita ng inyong matwid na kagitingan sa harap ng inyong mga kaibigan, na ang kahihinatnan ay maaaring pangungutya at pagkapahiya. Bukod pa riyan, sa makabagong daigdig, ang paglaban sa tukso ay mangyayari din sa isang tahimik at solong lugar sa harap ng computer. Kasama ng maraming tulong na nagagawa ng teknolohiya ay ang pagkakaroon din ng mga pagsubok na hindi naranasan ng mga naunang henerasyon. Natuklasan sa isang survey kamakailan na ang mga kabataan ngayon ay hindi lamang nakakaranas ng matinding tukso bawat araw sa paaralan kundi maging sa Internet din. Ipinahayag dito na ang mga kabataang nakakakita ng mga larawang may umiinom ng alak o gumagamit ng droga sa mga social networking site ay tatlo hanggang apat na beses na malamang na uminom ng alak at gumamit ng droga. Nagbigay ng kanyang pananaw sa survey ang dating US cabinet secretary: “Nakita sa survey sa taong ito na may bagong napakatinding pressure sa kabataan—ang digital peer pressure. Ang digital peer pressure ay nakakaimpluwensya sa bata hindi lang sa oras na kasama niya ang kanyang mga kaibigan. Sinasalakay nito ang tahanan at ang bata sa kanyang silid sa pamamagitan ng Internet.”4 Ang pagpapakita ng kagitingan kadalasan ay nasusubok sa maliliit na bagay tulad ng kung magki-klik ba [sa computer] o hindi. Mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, itinuro sa mga misyonero na “Ang pinipili mong isipin at gawin kapag nag-iisa ka at sa palagay mo’y walang sinumang nakakakita ay mainam na sukatan ng iyong kabaitan.”5 Maging magiting! Maging matatag! “Tumayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag.”6
Mga kabataang lalaki, ipinangangako ko na palalakasin kayo ng Panginoon. “Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng Espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan”7 Bibiyayaan Niya kayo sa inyong kagitingan at matwid na pag-uugali—ng ligaya at galak. Ang gayong kagitingan ay bunga ng inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, inyong mga panalangin at sa pagsunod ninyo sa mga kautusan.
Si Pangulong N. Eldon Tanner ay nagsabi: “Ang isang batang lalaki sa paaralan ay makakaimpluwensya nang malaki para sa kabutihan. Ang isang binatilyo sa football team, o sa kampus, o sa kanyang trabaho, ay makakagawa ng di-masusukat na kabutihan kapag ipinamuhay niya ang ebanghelyo, iginalang ang kanyang piesthood, at nanindigan sa tama. Karaniwang makararanas kayo ng maraming pagpuna at pagkutya maging sa mga kapareho ninyo ng paniniwala, kahit na nirerespeto nila kayo sa paggawa ng tama. Ngunit alalahanin na ang Tagapagligtas mismo ay pinahirapan, kinutya, dinuraan, at ipinako sa krus dahil pinanindigan niya ang kanyang pananalig. Napag-isip-isip ba ninyo kung ano kaya ang mangyayari kung nanghina siya at sabihing, ‘Ano ba ang kabuluhan nito?’ at kalimutan ang kanyang misyon? Gusto ba nating sumuko, o gusto ba nating manatiling magiting na tagapaglingkod sa kabila ng lahat ng pagsalungat o kasamaan ng mundo? Maging matapang tayong manindigan upang tayo ay mapabilang sa tunay at tapat na mga tagasunod ni Cristo.”8
Inaanyayahan ko kayong maging karapat-dapat tulad ng 2,000 kabataang kawal sa pamamagitan ng pagiging magiting sa katapangan bilang marapat na mayhawak ng priesthood. Tandaan, ang ginagawa ninyo, ang pinupuntahan ninyo, ang nakikita ninyo ang huhubog sa inyong pagkatao. Ano ang nais ninyong maging pagkatao? Maging karapat-dapat na deacon, karapat-dapat na teacher, at karapat-dapat na priest. Mithiin na maging karapat-dapat na pumasok sa templo at tumanggap ng susunod na ordenansa sa wastong edad hanggang sa matanggap ang Melchizedek Priesthood. Ito ang landas ng kabutihan na nag-aanyaya sa tulong ng langit. Ipinahayag ng Panginoon, “Sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”9
Ang mga magulang, mga lider ng prieshood, mga dapat unahin ayon sa mga propeta na matatagpuan sa mga polyeto na Tungkulin sa Diyos at Para sa Lakas ng mga Kabataan ang siyang gagabay sa inyo.
Ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson kamakailan:
“Para magawa [ang mga desisyon] nang buong talino, lakas ng loob ang kailangan—lakas ng loob na humindi, lakas ng loob na [magsabi ng oo]. …
“Nakikiusap ako na magpasiya na kayo … ngayon mismo, na huwag lumihis mula sa landas na hahantong sa ating mithiin: ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.”10
Tulad ng pagtugon ng 2,000 kawal sa panawagang lumaban ng kanilang pinunong si Helaman, at pagpapamalas nila ng kagitingan, magagawa rin ninyo iyan sa pagsunod sa inyong pinunong propeta, si Pangulong Thomas S. Monson.
Aking mga kabataang mayhawak ng Aaronic Priesthood, sa pagtatapos ay iniaalay ko ang aking patotoo sa Diyos Ama at kay Jesucristo at sa mga salita ni Joseph Smith: “Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, mga kapatid; at humayo, humayo sa pananagumpay!”11 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.