2012
Pamantayan ng Templo
Nobyembre 2012


Pamantayan ng Templo

Elder Scott D. Whiting

Ang matataas na pamantayan sa pagtatayo ng templo na sinusunod ng Simbahang ito ay ang uri at simbolo ng kung paano tayo dapat mamuhay.

Kamakailan habang nililibot ko ang magandang Brigham City Utah Temple, naalala ko ang isang karanasan noong naglilingkod ako bilang coordinator sa open house, muling paglalaan, at kultural na pagdiriwang ng makasaysayang Laie Hawaii Temple.

Ilang buwan bago natapos ang malawakang renobasyon, inanyayahan akong libutin ang templo kasama ang Executive Director ng Temple Department na si Elder William R. Walker at ang kanyang mga kasamahan sa Temple Department. Bukod dito, naroon din ang iba’t ibang miyembro ng kontratistang kompanyang nagsagawa ng renobasyon. Bahagi ng layunin ng paglilibot na alamin ang progreso at kalidad ng trabahong isinasagawa. Sa sandaling iyon, 85 porsiyento na ang natatapos sa renobasyon.

Habang nililibot namin ang templo, minasdan ko at pinakinggan si Elder Walker at ang kanyang mga kasamahan habang iniinspeksyon nila ang trabaho at kinakausap ang kontratista. Paminsan-minsan nakita ko na hinahaplos ng isang lalaki ang mga dingding nang magpalipat-lipat kami ng silid. Pagkatapos na makailang beses itong gawin, pagkukuskusin niya ang kanyang mga daliri at saka lalapit sa kontratista at sasabihing, “Magaspang pa ang dingding na ito. Ang magaspang na dingding ay hindi ayon sa pamantayan ng templo. Kailangan ninyong pakinisin ang dingding na ito.” Masunuring itinatala ng kontratista ang bawat obserbasyon.

Nang malapit na kami sa isang lugar sa templo na iilang tao lamang ang makakakita, pinahinto kami ng lalaki ring iyon at itinuro sa amin ang kalalagay na magandang bintana na yari sa leaded-glass. Ang salaming ito ay may lapad na dalawang talampakan (0.6 m) at may taas na anim na talampakan (1.8 m) at may maliliit na geometric pattern na yari sa stained-glass. Itinuro niya ang isang maliit na dalawang-pulgadang (5 cm) parisukat na salaming de-kolor na bahagi ng simpleng dibuho at sinabing, “Tabingi ang parisukat na iyan.” Tiningnan ko ang parisukat, at sa tingin ko ay pantay naman ang pagkalagay rito. Gayunman, sa malapitang inspeksyon gamit ang dalang panukat, nakita ko na may depekto nga at ang maliit na parisukat na ito ay nakatabingi nang one-eight inch (3 mm). Pagkatapos ay pinagbilinan ang kontratista na kailangang palitan ang bintanang ito dahil hindi ito ayon sa pamantayan ng templo.

Inaamin ko na nagulat ako na kailangan pang palitan ang buong bintana dahil sa gayon kaliit at halos di-kapansin-pansing depekto. Sigurado namang hindi malalaman o mapapansin ng sinuman ang bintanang ito dahil nasa bahagi iyon ng templo na hindi kita ng tao.

Habang nagmamaneho pauwi mula sa templo noong araw na iyon, pinagmuni-munihan ko ang natutuhan ko sa karanasang ito—o, ibig kong sabihin, ang inakala kong natutuhan ko. Luminaw lamang sa akin ang naranasan ko sa paglibot sa templo nang makalipas ang ilang linggo ay anyayahan akong libutin ang templo ring iyon na natapos na.

Nang pumasok ako sa natapos nang Laie Hawaii Temple, labis akong humanga sa ganda nito at sa husay ng pagkagawa rito. Mauunawaan ninyo ang kasabikan kong makitang muli ang “magagaspang” na dingding at “may depektong” bintana. Pinakinis ba ng kontratista ang mga dingding? Talaga bang pinalitan ang bintana? Nang lapitan ko ang magagaspang na dingding, nagulat akong makita na may magandang wallpaper nang idinikit sa buong dingding. Ang una kong naisip ay, “Ganito pala inayos ng kontratista ang magagaspang na dingding—tinakpan niya ito.” Pero, hindi pala, nalaman ko na talagang kasama na sa plano na lagyan ng wallpaper ang mga dingding na ito. Inisip ko kung bakit inayos pa ang maliit at halos di-mapansing kagaspangan kung tatakpan naman pala ito ng wallpaper. Pagkatapos ay sabik kong pinuntahan ang lugar na kinaroroonan ng may depektong bintana at nagulat akong makita ang isang magandang halamang sintaas ng kisame sa harapan mismo ng bintana. Muli kong naisip na, “Ganito pala inayos ng kontratista ang tabinging parisukat—itinago niya ito.” Nang lumapit pa ako, hinawi ko ang mga dahon ng halaman at napangiti ako nang makita kong pinalitan nga ang bintana. Ang dating tabinging maliit na parisukat ay maayos at pantay na ang pagkalagay. Nalaman ko na kasama na sa plano ng loob ng templo na maglagay ng halaman sa harapan ng bintanang ito.

Bakit kailangan ng karagdagang trabaho at pakinisin ang mga dingding na medyo magaspang at palitan pa ang bintanang may maliit na depekto gayong hindi naman ito mapapansin ninuman? Bakit kailangang sundin ng kontratista ang gayon katataas na pamantayan?

Habang palabas ako ng templo na nag-iisip nang malalim, nakita ko ang sagot nang tumingala ako sa inayos na pader at nabasa ko ang mga salitang ito: “Kabanalan sa Panginoon, ang Bahay ng Panginoon.”

Ang mga templo ng Simbahang ito ay gayon nga tulad ng inihayag tungkol dito. Ang mga sagradong gusaling ito ay itinayo para gamitin natin, at sa loob nito isinasagawa ang sagrado at nakapagliligtas na mga ordenansa. Ngunit hindi dapat pag-alinlanganan kung kaninong bahay ito. Sa pag-uutos na sundin nang tumpak ang mga pamantayan sa pagtatayo ng templo hanggang sa kaliit-liitang mga detalye, hindi lang natin ipinapakita ang ating pagmamahal at paggalang sa Panginoong Jesucristo, kundi ipinapakita rin natin sa lahat ng nagmamasid na iginagalang at sinasamba natin Siya na may-ari ng bahay na ito.

Sa paghahayag kay Propetang Joseph Smith na magtayo ng templo sa Nauvoo, iniutos ng Panginoon:

“Pumarito kayo, dala ang lahat ng inyong ginto, at inyong pilak, at inyong mahahalagang bato, at lakip ang lahat ng yaong gamit noong sinaunang panahon; at lahat ng yaong may kaalaman sa gamit noong sinaunang panahon, … at dala … [ang mga] mahalagang puno ng lupa;

“… At magtayo ng bahay sa aking pangalan, para sa Kataas-taasan upang manahanan doon.”1

Sumusunod ito sa huwarang itinatag ni Haring Solomon sa Lumang Tipan nang magtayo siya ng templo sa Panginoon na ang gamit lamang ay pinakamaiinam na materyales at husay sa paggawa.2 Ngayon patuloy nating sinusunod ang huwarang ito, nang may angkop na moderasyon, sa pagtatayo natin ng mga templo ng Simbahan.

Nalaman ko na kahit maaaring hindi makita o mahaplos ng mga tao ang depekto kailanman, alam ng Panginoon kung gaano ang pagsisikap natin at kung ginawa natin ang lahat sa abot-kaya natin. Totoo rin ito sa sarili nating pagsisikap na mamuhay nang karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo. Ipinayo ng Panginoon:

“At yayamang ang aking mga tao ay magtatayo ng isang bahay sa akin sa pangalan ng Panginoon, at hindi pahihintulutan ang anumang maruming bagay na pumasok dito, upang ito ay hindi madungisan, ang aking kaluwalhatian ay mananatili rito;

“Oo, ako ay paroroon, dahil ako ay papasok doon, at lahat ng may dalisay na puso na papasok dito ay makikita ang Diyos.

“Ngunit kung ito ay dudungisan hindi ako papasok doon, at ang aking kaluwalhatian ay hindi paroroon; dahil sa ako ay hindi paroroon sa mga hindi banal na templo.”3

Tulad ng kontratista, kapag nalaman natin na may mga bagay sa sarili nating buhay na hindi nakaayon sa mga turo ng Panginoon, kapag hindi natin ginagawa ang lahat ng kaya natin, dapat nating itama kaagad ang mga bagay na mali, na nauunawaan na hindi natin maitatago ang ating mga kasalanan sa Panginoon. Kailangan nating alalahanin na “kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, … masdan, ang kalangitan ay lalayo; [at] ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati.”4

Nalaman ko rin na ang matataas na pamantayan sa pagtatayo ng templo na sinusunod ng Simbahang ito ay ang uri at simbolo ng kung paano tayo dapat mamuhay. Maipamumuhay ng bawat isa sa atin ang mga turo ni Apostol Pablo na ibinigay sa sinaunang Simbahan nang sabihin niya:

“Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?

“Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios; sapagka’t ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo.”5

Tayong lahat ay nilikha sa pinakamaiinam na materyales, at tayo ang mahimalang bunga ng banal na paglikhang iyan. Gayunman, pagsapit natin sa edad ng pananagutan at nahirapan tayong labanan ang kasalanan at tukso, kailangan nating magsisi at magbago. Marahil ay may mga bagay sa ating buhay na magaspang at kailangang kinisin o mga kasalanang kailangang pagsisihan upang makatayo tayo sa mga banal na lugar. Salamat na lang at ang pinatutugunan sa atin na pamantayan ng templo ay hindi ang maging perpekto, bagama’t nagsisikap tayong maging gayon, kundi ang sundin natin ang mga kautusan at gawin ang lahat para mamuhay bilang mga disipulo ni Jesucristo. Dalangin ko na pagsikapan nating lahat na mamuhay nang marapat sa mga pagpapala ng templo sa paggawa ng lahat sa abot ng ating makakaya, pagpapakabait at pagwaksi sa mga kamalian at kakulangan upang mapasaatin tuwina ang Espiritu ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.