Pagbati sa Kumperensya
Nawa ay makinig tayo nang lubos sa mga mensahe, … upang madama natin ang Espiritu ng Panginoon at makamtan ang kaalamang nais Niyang mapasaatin.
Sa abot ng natatanaw ko, may nakaupo sa bawat silya—maliban sa ilan na nasa likuran. Puwede pa nating dagdagan ang bilang ng mga dumadalo. Ito ay bilang paggalang sa mga maaaring nahuli nang kaunti, dahil sa trapiko, para may maupuan sila kaagad pagdating nila.
Napakaganda ng araw na ito—araw ng kumperensya. Narinig natin ang magandang koro na umawit ng napakagandang musika. Sa tuwing maririnig ko ang koro o ang organo o ang piano, naiisip ko ang nanay ko, na nagsabing, “Pinupuri kita sa lahat ng iginawad sa iyo, sa lahat ng degree na nakamtan mo, at sa lahat ng nagawa mo. Ang tanging pinanghihinayangan ko ay hindi mo itinuloy ang pagtugtog ng piano.” Salamat po, Inay. Sana nga nagpatuloy ako.
Napakasarap, mga kapatid, na batiin kayo sa Ika-182 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Mula noong huli tayong nagkita, anim na buwan na ang nakalipas, tatlong bagong templo na ang inilaan, at isang templo ang muling inilaan. Nitong Mayo, nagkaroon ako ng pribilehiyong ilaan ang magandang Kansas City Missouri Temple at makadalo sa kultural na pagtatanghal na inihanda para rito. Marami pa akong babanggiting detalye tungkol sa pagtatanghal na ito bukas ng umaga.
Nitong Hunyo, inilaan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang matagal nang hinihintay na templo sa Manaus, Brazil, at sa simula nitong Setyembre, muling inilaan ni Pangulong Henry B. Eyring ang bagong ayos na templo sa Buenos Aires, Argentina, na inilaan ko noon halos 27 taon na ang nakalipas. Nitong nakaraang dalawang linggo, inilaan ni Pangulong Boyd K. Packer ang magandang Brigham City Temple kung saan siya ipinanganak at lumaki.
Tulad ng nasabi ko na, walang gusaling itinatayo ang Simbahan na higit na mahalaga kaysa isang templo, at ikinalulugod nating may 139 na templong gumagana ngayon sa buong mundo, at may 27 pang naibalita na o kaya ay kasalukuyang ginagawa. Nagpapasalamat tayo sa mga banal na gusaling ito at sa mga pagpapalang hatid ng mga ito sa ating buhay.
Ngayong umaga natutuwa akong ibalita na may dalawa pang templo na, sa susunod na mga buwan at taon, ay itatayo sa mga lugar na ito: Tucson, Arizona; at Arequipa, Peru. Ang mga detalye tungkol sa mga templong ito ay ibibigay sa hinaharap kapag nakuha na ang mga permit at pahintulot.
Mga kapatid, may isa pa akong babanggitin—ang, paglilingkod ng misyonero.
Matagal-tagal na rin na ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay pinapayagan ang mga kabataang lalaki sa ilang bansa na maglingkod sa edad na 18 kapag sila ay karapat-dapat, kaya nila, nakatapos na sila sa high school, at nagpakita ng taos na hangaring maglingkod. Ito ay naging patakaran sa partikular na mga bansa lamang at napahintulutan ang libu-lubong kabataang lalaki na makapaglingkod nang marangal na misyon at nagampanan din ang mga obligasyon sa militar at nakapag-aral.
Ang karanasan namin sa 18-taong gulang na mga misyonerong ito ay positibo. Iniuulat ng kanilang mga mission president na sila ay masunurin, matapat, husto ang kaisipan, at naglilingkod na kasinghusay ng mas nakatatandang mga misyonero na nasa kanilang misyon. Ang kanilang katapatan, pagsunod at kahustuhan ng isipan ang dahilan kaya’t hangad din namin ang mas maagang pagmimisyon para sa lahat ng kabataang lalaki, saang bansa man sila magmula.
Ikinalulugod kong ibalita na kaagad ipatutupad, na lahat ng karapat-dapat at may kakayahang kabataang lalaki na nakatapos na ng high school o ng katumbas nito, saanman sila nakatira, ay magkakaroon ng opsiyon na mairekomenda para makapagmisyon pagtuntong sa edad na 18, sa halip na edad na 19. Hindi ko sinasabing lahat ng kabataang lalaki ay maglilingkod—o dapat—maglingkod sa mas batang edad na ito. Sa halip, batay sa karanasan ng indibiduwal, gayundin sa determinasyon ng mga lider ng priesthood, maaari na ngayong gawin ito.
Habang mapanalangin naming pinag-isipan ang edad ng pagsisimula ng mga kabataang lalaki sa kanilang pagmimisyon, isinaalang-alang din namin ang edad ng pagmimisyon ng kabataang babae. Ngayon ikinalulugod kong ibalita na ang may kakayahan at karapat-dapat na mga kabataang babae na may hangaring maglingkod ay maaari nang mairekomendang magmisyon simula sa edad na 19, sa halip na edad na 21.
Pinagtitibay namin na ang gawaing misyonero ay isang tungkulin ng priesthood—at hinihikayat namin ang lahat ng kabataang lalaki na karapat-dapat at husto na ang kaisipan, na tumugon sa tawag na maglingkod. Marami ring kabataang babae ang naglilingkod, ngunit hindi mahigpit ang utos sa kanilang maglingkod na gaya sa mga kabataang lalaki. Tinitiyak namin sa kadalagahan ng Simbahan, gayunman, na mahalaga ang nagagawa nilang kontribusyon bilang mga misyonera, at malugod naming tinatanggap ang kanilang paglilingkod.
Patuloy pa rin tayong nangangailangan ng marami pang senior couple. Kung ipinahihintulot ng inyong kalagayan, kapag maaari na kayong magretiro, at kung ipinahihintulot ng inyong kalusugan, hinihikayat kong ihanda ang inyong sarili na maglingkod sa full-time na misyon. Ang mag-asawa ay kapwa magkakaroon ng malaking kaligayahan habang magkasama nilang pinaglilingkuran ang mga anak ng ating Ama.
Ngayon, mga kapatid, nawa ay makinig tayo nang lubos sa mga mensahe na ibabahagi sa atin sa susunod na dalawang araw, upang madama natin ang Espiritu ng Panginoon at malaman ang nais Niya para sa atin. Ito sana ang maging karanasan natin, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.