2012
Hindi Kayo Nalilimutan ng Panginoon
Nobyembre 2012


Hindi Kayo Nalilimutan ng Panginoon

Linda S. Reeves

Kilala at mahal tayo ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. … Madarama natin ang Kanilang pagmamahal at habag sa ating pagdurusa.

Kapag nakakadaup-palad namin ang kababaihan sa buong mundo, namamangha kami sa lakas ng inyong patotoo. Napakarami sa inyo ang una o ikalawang henerasyong mga miyembro ng Simbahan. Nakikita namin ang maraming kababaihang naglilingkod sa maraming tungkulin, nagbibiyahe nang malalayo para makasimba, at nagsasakripisyo para gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo. Ikinararangal namin kayo. Kayo ang mga makabagong pioneer ng Panginoon!

Kailan lang ay nakilala namin ng aking asawang si Mel ang isang volunteer tour guide na nagngangalang Mollie Lenthal nang bumisita kami sa isang museo sa Australia. Nalaman namin na si Mollie, isang magandang babaeng nasa 70s ang edad, ay walang anak at hindi nakapag-asawa. Nag-iisa siyang anak, at matagal nang patay ang mga magulang niya. Ang pinakamalalapit niyang kamag-anak ay dalawang pinsan na nakatira sa ibang kontinente. Walang anu-ano, nadama kong nagpatotoo sa akin ang Espiritu, na halos parang ang Ama sa Langit ang nagsasalita: “Si Mollie ay hindi nag-iisa! Si Mollie ay aking anak! Ako ang kanyang Ama! Napakahalaga niyang anak sa aking pamilya, at siya ay hindi kailanman nag-iisa!

Isa sa mga paborito kong kuwento sa buhay ng Tagapagligtas ang kuwento tungkol kay Lazaro. Sinabi sa atin sa mga banal na kasulatan na “Iniibig nga ni Jesus si Marta, … ang kaniyang kapatid na [si Maria], at [ang kapatid nilang] si Lazaro.”1 Ipinarating nila kay Jesus na malubha si Lazaro, ngunit hindi nagpunta kaagad si Jesus; nagpalipas pa Siya ng dalawang araw, at sinabing “ang sakit na ito’y … sa ikaluluwalhati ng Dios, upang ang Anak ng Dios ay luwalhatiin sa pamamagitan niyaon.”2

Nang marinig na paparating si Jesus, “yumaon at sumalubong sa kanya” si Marta,3 at sinabi sa Kanya ang nangyari. Si Lazaro ay “apat na araw na[ng] nalilibing.”4 Nagdadalamhati, tumakbo si Marta pauwi para sabihin kay Maria na dumating na ang Panginoon.5 Si Maria, na lubhang malungkot, ay tumakbo kay Jesus, nagpatirapa sa Kanyang paanan, at tumangis.6

Sinabi sa atin na “nang makita nga ni Jesus na [si Maria’y] tumatangis, … nalagim siya sa espiritu, at nagulumihanan,” at nagtanong kung saan nila inilibing si Lazaro.

“Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, halika at tingnan mo.”7

At nabasa natin ang ilan sa mga salita sa banal na kasulatan na puno ng pagkahabag at pagmamahal: “Tumangis si Jesus.”8

Isinulat ni Apostol James E. Talmage: “Nang makita ang dalawang babaeng lubhang nagdadalamhati, … nalungkot si Jesus [sa kanila], kaya naghinagpis ang Kanyang espiritu at lubhang nabagabag.”9 Pinatototohanan ng karanasang ito ang pagkahabag, pagdamay, at pagmamahal ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin tuwing nabibigatan tayo sa pagdadalamhati, pagkakasala, paghihirap, at mga pasakit sa buhay.

Mahal na mga kapatid, kilala at mahal tayo ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam Nila kapag nasasaktan o nagdurusa tayo sa anumang paraan. Hindi Nila sinasabing, “OK lang na masaktan ka ngayon dahil di-maglalaon ay maaayos din ang lahat. Gagaling ka, o makakakita ng trabaho ang asawa mo, o babalik ang anak mong naligaw ng landas.” Nadarama Nila ang tindi ng ating pagdurusa, at madarama natin ang Kanilang pagmamahal at habag sa ating pagdurusa.

Nagpatotoo si Alma:

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

At dadalhin niya sa kanyang sarili … ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”10

Kapag iniisip natin kung kilala ba tayo ng ating Tagapagligtas at ng ating Ama sa Langit o kung gaano Nila tayo kakilala nang personal, alalahanin natin ang sinabi ng Tagapagligtas kay Oliver Cowdery:

“Kung nagnanais ka ng karagdagang katibayan, ipako mo ang isipan sa gabi [na] ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang iyong malaman ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito.”11

Bago iyon ay sinabi ng Tagapagligtas, “Wala nang iba pa kundi Diyos lamang ang nakaaalam ng iyong mga saloobin at hangarin ng iyong puso.”12

Ipinaalala ng Tagapagligtas kay Oliver na alam Niya ang bawat detalye ng pagsusumamong iyon—at naalaala ang mismong oras at gabing iyon.

Maraming taon na ang nakalilipas dinapuan ng di-karaniwang sakit ang asawa ko at naging malubha. Nang lumipas ang mga linggo at lumala pa ang kanyang sakit, lalo akong nakumbinsi na mamamatay siya. Wala akong sinabihan ng aking mga pangamba. Malaki ang aming pamilya, bata pa ang aming mga anak, at nagmamahalan kami at walang hanggan ang aming kasal, at ang isiping mawawala ang asawa ko at mag-isa kong palalakihin ang aking mga anak ay nagpadama sa akin ng kalungkutan, pighati, at galit. Nahihiya akong sabihin na lumayo ako sa aking Ama sa Langit. Ilang araw akong hindi nagdasal; hindi na ako nagplano; umiyak ako. Sa huli ay nadama ko na hindi ko kayang gawin itong mag-isa.

Sa unang pagkakataon pagkaraan ng maraming araw, lumuhod ako at nagbuhos ng nilalaman ng puso ko sa aking Ama sa Langit, at nagsumamong patawarin ako sa paglayo sa Kanya, at sinabi ko ang lahat ng nasasaloob ko, at sa huli ay ibinulalas ko na kung ito talaga ang nais Niyang gawin ko, gagawin ko ito. Alam ko na may plano Siya para sa ating buhay.

Habang nakaluhod ako at patuloy na nagbubuhos ng nilalaman ng aking puso, nabalot ako ng napakatamis, napakapayapa, at magiliw na pagmamahal. Para akong binalot ng nag-uumapaw na pagmamahal. Parang narinig kong sinabi ng Ama sa Langit, “Iyan lang ang kailangan kong malaman.” Ipinasiya kong huwag nang lumayo sa Kanyang muli. Unti-unti at kamangha-manghang bumuti ang lagay ng asawa ko hanggang sa lubos siyang gumaling.

Makalipas ang ilang taon lumuhod kaming mag-asawa sa tabi ng aming 17-taong-gulang na anak na babae at nagsumamong palawigin pa ang kanyang buhay. Sa pagkakataong ito ang sagot ay hindi, ngunit napakalakas ng damdaming iyon ng pagmamahal at kapayapaang ipinangako ng ating Tagapagligtas, at nalaman namin na kahit pinauuwi na siya ng Ama sa Langit, magiging maayos ang lahat. Nalaman namin ang ibig sabihin ng ilagay ang ating mga pasanin sa Panginoon, ng malaman na kilala, minamahal, at kinahahabagan Niya tayo sa ating mga kalungkutan at pasakit.

Ang isa sa mga pinakamatatamis na sandali ng mag-ama sa Aklat ni Mormon ay nang magpatotoo si Nakababatang Alma sa kanyang anak na si Helaman. Inilarawan ni Alma ang “hindi maipaliwanag na masidhing takot” na nadama niya habang iniisip ang pagpasok sa presensya ng Diyos para hatulan sa marami niyang kasalanan. Matapos madama ang bigat ng lahat ng kanyang kasalanan nang tatlong araw at gabi, nagsisi siya at nagsumamo sa Tagapagligtas na kaawaan siya. Inilarawan niya kay Helaman ang “napakaganda at napakatamis” na kagalakan ng “hindi na” maalaala pa ang kanyang mga pasakit. Sa halip na madama ang “hindi maipaliwanag na masidhing takot” sa pag-iisip na haharap siya sa Diyos, nakita ni Alma sa pangitain ang “Diyos na nakaupo sa kanyang trono” at sinabing, “Ang aking kaluluwa ay nag-asam na maparoon.”13

Hindi nga ba gayon ang nadarama natin, mahal kong mga kapatid, kapag nagsisi tayo at inisip ang pag-ibig, awa, at pasasalamat natin sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas—na tayo ma’y “[uma]asam na maparoon,” upang muling mayakap ng Kanilang mapagmahal na bisig?

Tulad ng patotoo sa akin ng Panginoon na hindi Niya nalilimutan ang Kanyang mahal na anak na si Mollie Lenthal, nagpapatotoo ako na hindi Niya kayo nalilimutan! Anuman ang inyong kasalanan o kahinaan o pasakit o hirap o pagsubok na pinagdaraanan, alam Niya at nauunawaan ang mga sandaling iyon. Mahal Niya kayo! At tutulungan Niya kayo sa mga sandaling iyon, tulad ng ginawa Niya kina Maria at Marta. Nabayaran na Niya ang halaga upang malaman Niya kung paano kayo tutulungan. Ilagay ang inyong mga pasanin sa Kanya. Sabihin sa Ama sa Langit ang inyong nadarama. Sabihin sa Kanya ang inyong pasakit at pighati at ibigay ito sa Kanya. Saliksikin ang mga banal na kasulatan araw-araw. Doo’y makasusumpong din kayo ng malaking kapanatagan at tulong.

Itinanong ng ating Tagapagligtas:

“Sapagkat malilimutan ba ng isang ina ang kanyang anak na pinasususo, na hindi siya maawa sa anak ng kanyang sinapupunan? Oo, maaaring makalimot siya, gayon pa man hindi kita malilimutan. …

“… Aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay.”14

“Iniutos ko na walang isa man sa inyo ang umalis, kundi iniutos ko na kayo ay lumapit sa akin, nang inyong madama at makita; maging gayon din ang inyong gagawin sa sanlibutan.”15

Iyan ang ating tungkulin. Kailangan nating madama at makita mismo at pagkatapos ay tulungan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit na madama at makita at malaman na pinasan ng ating Tagapagligtas hindi lamang ang lahat ng ating kasalanan kundi maging ang ating mga pasakit at pagdurusa at pighati upang malaman Niya kung ano ang nadarama natin at kung paano tayo aaliwin. Pinatototohanan ko Siya sa pangalan ni Jesucristo, amen.