2012
Tingnan ang Kapwa sa Maaaring Kahinatnan Nila
Nobyembre 2012


Tingnan ang Kapwa ayon sa Maaaring Kahinatnan Nila

President Thomas S. Monson

Kailangang magtamo tayo ng kakayahang makita ang tao hindi sa kung ano sila ngayon kundi kung ano ang maaari nilang kahinatnan.

Mahal kong mga kapatid, dalawang beses sa bawat taon napupuno ang maringal na Conference Center na ito ng mga mayhawak ng priesthood ng Diyos sa pagtitipun-tipon natin upang makinig sa mga mensaheng puno ng inspirasyon. May kamangha-manghang diwa na bumabalot sa general priesthood meeting ng Simbahan. Ang diwang ito ay nagmumula sa Conference Center at pumapasok sa bawat gusali kung saan nagtitipon ang mga anak na lalaki ng Diyos. Tiyak na dama natin ang diwang iyon ngayong gabi.

Ilang taon na ang nakararaan, bago itinayo ang magandang Conference Center na ito, isang bisita sa Temple Square sa Salt Lake City ang dumalo sa isang sesyon ng general conference sa Tabernacle. Nakinig siya sa mga mensahe ng mga Kapatid. Nakinig siyang mabuti sa mga panalangin. Narinig niya ang magandang musika ng Tabernacle Choir. Namangha siya sa rangya ng magandang Tabernacle organ. Pagkatapos ng pulong, may nakarinig na sinabi niya, “Ibibigay ko ang lahat ng ari-arian ko kung alam kong totoo ang sinabi ng mga nagsalitang iyon ngayon.” Parang sinasabi niya, “Sana may patotoo ako sa ebanghelyo.”

Walang ibang bagay sa mundong ito na makapagbibigay ng higit na kapanatagan at kaligayahan kaysa sa patotoo tungkol sa katotohanan. Bagama’t magkakaiba sa antas, naniniwala ako na bawat lalaki o kabataang lalaking narito ngayong gabi ay may patotoo. Kung nadarama ninyo na hindi pa malalim ang inyong patotoo tulad ng nais ninyo, pinapayuhan ko kayo na magsumigasig na makamtan ang patotoong iyan. Kung ito ay malakas at malalim na, pagsikapang mapanatili iyan. Kaypalad natin na may kaalaman tayo sa katotohanan.

Ang mensahe ko ngayong gabi, mga kapatid, ay ang di-mabilang na mga taong may katiting o walang patotoo ngayon, yaong maaari at handang tanggapin ang patotoong iyan kung kusa nating ibabahagi ang ating patotoo at tutulungan silang magbago. Sa ilang pagkakataon mabibigyan natin sila ng dahilan para magbago. Babanggitin ko muna yaong mga miyembro na, pero hindi pa gaanong tapat ngayon sa ebanghelyo.

Maraming taon na ang nakararaan, sa isang area conference na ginanap sa Helsinki, Finland, narinig ko ang isang matindi, di-malilimutan, at nakahihikayat na mensaheng ibinigay sa sesyon para sa mga ina at anak na babae. Hindi ko pa nalilimutan ang mensaheng iyon, kahit halos 40 taon na ang lumipas mula nang marinig ko ito. Kabilang sa maraming katotohanang tinalakay ng tagapagsalita, sinabi niya na kailangang masabi sa isang babae na siya ay maganda. Kailangang sabihin sa kanya na siya ay pinahahalagahan. Kailangang sabihin sa kanya na siya ay may kabuluhan.

Mga kapatid, alam ko na ang kalalakihan ay katulad na katulad din ng kababaihan sa aspetong ito. Kailangang sabihin sa atin na tayo ay may halaga, na tayo ay may kakayahan at kapaki-pakinabang. Kailangan nating mabigyan ng pagkakataong maglingkod. Para sa mga miyembrong hindi aktibo o nag-aatubili at ayaw magkompromiso, maaari tayong mapanalanging maghanap ng ilang paraan na matulungan sila. Ang paghiling sa kanila na maglingkod sa isang tungkulin ay maaaring ang mismong dahilan na kailangan nila upang maging lubos na aktibo. Ngunit yaong mga lider na maaaring tumulong sa ganitong paraan ay nag-aatubili kung minsan na gawin ito. Dapat nating isaisip na maaaring magbago ang mga tao. Maaari nilang talikuran ang kanilang masasamang bisyo. Maaari silang magsisi sa kanilang mga kasalanan. Maaari silang maging karapat-dapat na humawak ng priesthood. At maaari silang maglingkod sa Panginoon nang buong sigasig. Magbibigay ako ng ilang halimbawa.

Noong una akong maging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nagkaroon ako ng pagkakataon na makasama si Pangulong N. Eldon Tanner, tagapayo ni Pangulong David O. McKay, sa isang stake conference sa Alberta, Canada. Sa pulong na iyon, binasa ng stake president ang mga pangalan ng apat na kalalakihan na karapat-dapat na maordena na elder. Ang kalalakihang ito ay kilala ni Pangulong Tanner, dahil dati siyang tumira sa lugar na iyon. Ngunit kilala at naalala ni Pangulong Tanner ang pinagdaanan nila at hindi niya alam na binago na nila ang kanilang buhay at lubos na naging marapat na maging mga elder.

Binasa ng stake president ang pangalan ng unang lalaki at pinatayo ito. Bumulong sa akin si Pangulong Tanner, “Tingnan mo siya. Hindi ko akalain na magiging karapat-dapat siya.” Binasa ng stake president ang pangalan ng ikalawang lalaki, at tumayo ito. Muli akong kinalabit ni Pangulong Tanner at sinabi ang kanyang pagkamangha. At gayon ang nangyari sa lahat ng apat na lalaki.

Matapos ang pulong, nagkaroon kami ni Pangulong Tanner ng pagkakataon na batiin ang apat na kalalakihang ito. Naipamalas nila na maaaring magbago ang tao.

Noong 1940s at 1950s, isang prison warden na Amerikano, si Clinton Duffy, ang nakilala sa kanyang pagsisikap na pagbaguhin ang kalalakihan sa kanyang bilangguan. Puna ng isang tao, “Dapat alam mo na hindi mababago ng mga leopardo ang mga batik sa kanilang katawan!”

Sagot ni Warden Duffy, “Dapat alam mong hindi ako nagtatrabaho para sa mga leopardo. Ang tinutulungan ko ay tao, at nagbabago ang tao araw-araw.”1

Maraming taon na ang lumipas nagkaroon ako ng pagkakataong maglingkod bilang pangulo ng Canadian Mission. May branch kami roon na kakaunti ang may priesthood. Palaging missionary ang nangungulo sa branch. Nakatanggap ako ng malakas na impresyon na kailangang may isang miyembro ng branch na mangulo roon.

Mayroon kaming isang adult member sa branch na isang deacon sa Aaronic Priesthood pero hindi siya dumadalo o nakikilahok nang lubos para mapagkalooban ng mas mataas na priesthood. Nainspirasyunan ako na tawagin siya bilang branch president. Hindi ko malilimutan ang araw na ininterbyu ko siya. Sinabi ko sa kanya na nainspirasyunan ako ng Panginoon na tawagin siya bilang president ng branch. Matapos ang labis niyang pagtutol, at lubos na panghihikayat ng kanyang asawa, napahinuhod siya na maglingkod. Inorden ko siyang priest.

Iyon ang simula ng isang bagong araw para sa taong iyon. Kaagad niyang isinaayos ang kanyang buhay, at tiniyak niya sa akin na susundin niya ang mga kautusan tulad ng inaasahan sa kanya. Ilang buwan pa ay naorden na siyang elder. Silang mag-asawa at pamilya kalaunan ay nagtungo sa templo at nabuklod. Ang kanilang mga anak ay nagmisyon at ikinasal sa bahay ng Panginoon.

Kung minsan ang ipaalam sa ating mga kapatid na sila ay kailangan at may halaga ay nakatutulong sa kanila na maging matapat at lubos na aktibo. Totoo rin ito sa mga mayhawak ng priesthood anuman ang edad nila. Responsibilidad natin na bigyan sila ng mga pagkakataon na mamuhay nang karapat-dapat. Matutulungan natin sila na mapunuan ang kanilang mga kakulangan. Kailangang magtamo tayo ng kakayahang makita ang tao hindi sa kung ano sila ngayon kundi kung ano ang maaari nilang kahinatnan.

Minsan ay dumalo ako sa isang pulong sa Leadville, Colorado. Ang Leadville ay nasa taas na mahigit 10,000 talampakan (3,000 m). Naalala ko ang partikular na pulong na iyon dahil sa mataas na kinaroroonan niyon at dahil din sa nangyari nang gabing iyon.Kakaunti lamang ang bilang ng mga mayhawak ng priesthood na naroon. Tulad ng branch sa Canadian Mission, ang branch na iyon ay palaging pinangunguluhan ng isang missionary.

Nang gabing iyon maganda ang aming pulong, ngunit nang kinakanta na namin ang pangwakas na himno, nagkaroon ako ng inspirasyon na kailangang magkaroon ng mangungulong branch president na tagaroon. Bumaling ako sa mission president at nagtanong, “May isa bang tao rito na maaaring mangulo—isang tagarito?”

Tumugon siya, “Wala akong kilala.”

Habang kumakanta, pinagmasdan kong mabuti ang kalalakihan na nakaupo sa unang tatlong hanay. Natuon ang pansin ko sa isa sa kalalakihan. Sinabi ko sa mission president, “Maaari ba siyang maglingkod bilang branch president?”

Tumugon siya, “Hindi ko alam. Marahil pwede.”

Sabi ko, “President, isasama ko siya sa isa pang silid at iinterbyuhin. Magsalita ka pagkatapos ng pangwakas na himno hanggang sa makabalik kami.”

Nang makabalik kami sa silid, tinapos ng mission president ang kanyang pagpapatotoo. Inihayag ko ang pangalan ng kapatid para masang-ayunan bilang bagong branch president. Mula nang araw na iyon, ang Leadville, Colorado, ay may nangungulo nang miyembro na tagaroon.

Ang alituntunin ding iyan, mga kapatid, ay angkop sa mga hindi pa miyembro. Dapat magtamo tayo ng kakayahang makita ang tao hindi sa kung ano sila ngayon kundi kung ano ang maaari nilang kahinatnan kapag sila ay mga miyembro ng Simbahan, kapag nagkaroon sila ng patotoo tungkol sa ebanghelyo, at kapag ang buhay nila ay nakaayon sa mga turo nito.

Noong 1961 isang pandaigdigang kumperensya ang ginanap para sa mga mission president, at bawat mission president sa Simbahan ay ipinadala sa Salt Lake City para sa mga pulong na iyon. Dumating ako sa Salt Lake City mula sa aking mission sa Toronto.

Sa isang partikular na pulong, si N. Eldon Tanner, na noon ay Assistant sa Korum ng Labindalawa, ay kababalik lamang mula sa una niyang pangungulo sa mga mission sa Great Britain at kanlurang Europe. Ikinuwento niya ang tungkol sa isang naging napakamatagumpay na missionary na nakausap niya sa lahat ng interbyung isinagawa niya. Sinabi niya na habang iniinterbyu niya ang missionary na iyon, sinabi niya, “Palagay ko lahat ng taong nabinyagan mo sa Simbahan ay mga referral lang sa iyo.”

Sumagot ang binata, “Hindi po, nakilala po namin sila sa pagta-tracting.”

Tinanong siya ni Brother Tanner kung ano ang naiiba sa paraan niya—bakit pambihira ang tagumpay niya samantalang ang iba ay hindi ganoon. Sinabi ng binata na pinlano niyang mabinyagan ang bawat taong nakilala niya. Sinabi niya na kapag kumatok siya sa pintuan at nakitang naninigarilyo ang isang tao at nakasuot ng lumang damit at tila hindi interesado—lalo na sa relihiyon—inilalarawan ng missionary sa kanyang isipan kung ano ang hitsura ng taong iyon kapag nasa ibang sitwasyon. Sa kanyang isipan nakikita niya ito na ahit ang balbas at nakasuot ng puting polo at pantalon. At nakikita ng missionary ang kanyang sarili na inaakay ang taong iyon sa tubig ng pagbibinyag. Sabi niya, “Kapag ganyan ang nakikita ko sa isang tao, nakakaya kong magpatotoo sa kanya sa paraang maaantig ang kanyang puso.”

Responsibilidad natin na makita sa ganitong paraan ang ating mga kaibigan, kasamahan, at kapitbahay. Muli, responsibilidad nating makita ang tao hindi sa kung ano sila ngayon kundi kung ano ang maaaring kahinatnan nila. Makikiusap ako sa inyo na isipin ninyo sila sa ganitong paraan.

Mga kapatid, may sinabi sa atin ang Panginoon tungkol sa kahalagahan ng priesthood na ito na hawak natin. Sinabi Niya sa atin na tinanggap natin ito nang may sumpa at tipan. Tinagubilinan Niya tayo na dapat tayong maging tapat at totoo sa lahat ng natatanggap natin, at may responsibilidad tayo na tupdin ang tipang ito maging hanggang sa wakas. At pagkatapos lahat ng mayroon ang Ama ay ibibigay sa atin.2

Katapangan ang dapat nating marinig at maisapuso—tapang na talikuran ang tukso, tapang na itaas ang ating mga tinig sa pagpapatotoo sa lahat ng makikilala natin, inaalala na lahat ay dapat magkaroon ng pagkakataong marinig ang mensahe. Hindi madali para sa maraming tao na gawin ito. Ngunit mapapaniwalaan natin ang mga salita ni Pablo kay Timoteo:

“Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan.

“Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon.”3

Noong Mayo 1974 kasama ako ni Brother John H. Groberg sa Tongan Islands. May iskedyul kaming bisitahin ang hari ng Tonga, at nakausap namin siya sa isang pormal na pulong. Nagbatian kami na karaniwang ginagawa. Ngunit, bago kami umalis, may sinabi si John Groberg na talagang kakaiba. Sabi niya, “Kamahalan, dapat talaga kayong maging Mormon at gayundin ang inyong nasasakupan, sapagkat ang marami sa mga problema ninyo at problema nila ay malulutas.”

Ngumiti ang hari at sumagot, “John Groberg, marahil tama ka.”

Naalala ko si Apostol Pablo sa harapan ni Agripa. Naalala ko ang sagot ni Agripa sa patotoo ni Pablo: “Sa kakaunting paghikayat ay ibig mo akong maging Cristiano.”4 Si Brother Groberg ay may tapang na magpatotoo sa isang hari.

Ngayong gabi libu-libo sa atin ang naglilingkod nang full-time sa Panginoon bilang Kanyang mga missionary. Bilang tugon sa pagtawag, iniwan nila ang kanilang tahanan, pamilya, mga kaibigan at pag-aaral at humayo upang maglingkod. Yaong hindi nakauunawa ay nagtatanong: “Bakit handang-handa silang sumunod at magbigay nang lubos?”

Maaaring sagutin iyan ng ating mga missionary gamit ang mga salita ni Pablo, ang walang kapantay na missionary na nabuhay noong unang panahon: “Sapagka’t kung ipinangangaral ko ang evangelio, ay wala akong sukat ipagmapuri; sapagka’t ang pangangailangan ay iniatang sa akin; sapagka’t sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang evangelio!”5

Wala sa mga banal na kasulatan ang napapanahong paghahayag, mas mahigpit na resposibilidad, at aral na mas matuwid kaysa utos na ibinigay ng nabuhay-na-mag-uling Panginoon nang magpakita Siya sa Galilea sa labing-isang disipulo. Sabi Niya:

“Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.

“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:

“Ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.”6

Ang banal na utos na ito, lakip ang maluwalhating pangako nito, ay siyang mithiin natin ngayon, tulad noong kalagitnaan ng panahon. Ang gawaing misyonero ay pinakamahalagang bahagi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ganyan na iyan noon pa man; at magpasawalang-hanggan. Tulad ng pahayag ni Propetang Joseph Smith, “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo.”7

Sa loob ng maikling dalawang taon, lahat ng full-time missionary na kasalukuyang naglilingkod sa maharlikang hukbong ito ng Diyos ay magtatapos ng kanilang mga gawain sa misyon at makauuwi na sa kanilang mga tahanan at mga mahal sa buhay. Ang kahalili nila ay naririto ngayong gabi sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ng Simbahan. Mga kabataang lalaki, handa ba kayong sumunod? Handa ba kayong gumawa? Handa ba kayong maglingkod?

Ibinuod ni Pangulong John Taylor ang mga kinakailangan: “Ang uri ng kalalakihan na nais nating maging mga tagapagdala ng mensaheng ito ng ebanghelyo ay kalalakihang may pananampalataya sa Diyos; kalalakihang may pananampalataya sa kanilang relihiyon; kalalakihang iginagalang ang kanilang priesthood; … kalalakihang puspos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos … kalalakihang may karangalan, integridad, kalinisan at kadalisayan.”8

Mga kapatid, sa bawat isa sa atin iniuutos na ibahagi ang ebanghelyo ni Cristo. Kapag ang ating buhay ay nakaayon sa pamantayan ng Diyos, yaong sakop ng impluwensya natin ay hindi mananangis ng: “Ang pagaani ay nakaraan, ang taginit ay lipas na, at tayo’y hindi ligtas.”9

Ang sakdal na Pastol ng mga kaluluwa, ang missionary na tumubos sa sangkatauhan, ay ibinigay sa atin ang Kanyang banal na katiyakan:

“Kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!”10

Sa Kanya na nangusap ng mga salitang ito, nagpapatotoo ako. Siya ang anak ng Diyos, ang ating Manunubos, at ating Tagapagligtas.

Dalangin ko na magkaroon tayo ng tapang na makipagkaibigan sa ating kapwa, at determinasyong magsikap tuwina, at ng kababaang-loob na kailangan upang mapatnubayan ng ating Ama habang tinutupad natin ang utos na ibahagi ang ebanghelyo. Ang responsibilidad ay nasa atin, mga kapatid. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.