Pagsubok sa Inyong Pananampalataya
Gaya ng napakainit na apoy na nilulusaw ang metal para maging bakal, kapag nanatili tayong tapat sa matinding pagsubok sa ating pananampalataya, lalong dumadalisay at lumalakas ang ating espiritu.
Sampung taon na ang nakalilipas, noong nakatira kami ng asawa kong si Kathy sa São Paulo, Brazil, si President David Marriott ang namumuno sa Brazil São Paulo Interlagos Mission. Sila ng asawa niyang si Neill, at mga anak nilang sina Will, Wesley, at Trace ay nakatira malapit sa amin. Iniwan nila ang kanilang tahanan, negosyo, at marami sa kanilang pamilya para tumugon sa tawag ng propeta na magmisyon.
Tinawagan ako ni President Marriott isang hapon. Nabundol ng trak ang 21-taong-gulang na anak nilang si Georgia, isang senior sa violin performance sa Indiana University, habang nagbibisikleta pauwi matapos ang isang miting sa Simbahan. Noong una, nabalita na maayos ang kalagayan ni Georgia. Makalipas ang ilang oras ay biglang lumala ang kanyang kalagayan.
Nagsimulang mag-ayuno at manalangin ang pamilya at mga kaibigan na magkaroon ng himala para kay Georgia. Sumakay ng eroplano ang kanyang ina nang gabing iyon mula sa Brazil. Pagdating niya sa Indiana kinabukasan, sinalubong siya ng kanyang mga anak na mas matanda [kay Georgia], na umiiyak na nagpaliwanag na nasa tabi sila ni Georgia nang pumanaw ito.
Minasdan ko ang pagdadalamhati ng pamilya Marriott sa pagkakataong ito at sa sumunod pang mga buwan at taon. Sila ay nanangis, nagdasal, binanggit-banggit nila si Georgia, nadama nila ang matinding sakit at kalungkutan, ngunit hindi humina ang kanilang pananampalataya. Sa sesyon kaninang umaga, narinig natin ang gayon ding pananampalataya sa magandang buhay ng mga pamilya Bowen at Wilberger.1
Ang kaloob na pananampalataya ay napakahalagang espirituwal na kaloob. “Ito ang buhay na walang hanggan,” dalangin ni Jesus, “na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”2
Ang ating pananampalataya ay nakasentro sa ating Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos. Suportado ito ng ating kaalaman na ang kabuuan ng ebanghelyo ay ipinanumbalik sa mundo, ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, at ang mga propeta at apostol ngayon ang mayhawak ng mga susi ng priesthood. Pinakaiingatan natin ang ating pananampalataya, sinisikap na palakasin ito, ipinagdarasal na maragdagan pa ito, at ginagawa ang lahat ng kaya natin para protektahan at ipagtanggol ang ating pananampalataya.
Tinukoy ni Apostol Pedro ang isang bagay na tinawag niyang “pagsubok sa iyong pananampalataya.”3 Naranasan niya ito. Alalahanin ang mga salita ni Jesus:
“Simon, … hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:
“Datapuwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya.”4
Kalaunan ay hinikayat ni Pedro ang iba: “Huwag kayong mangagtaka,” wika niya, “tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na waring ang nangyayari sa inyo’y di karaniwang bagay.”5
Ang matitinding pagsubok na ito ang magpapalakas sa inyo, ngunit kaya nitong bawasan o sirain ang inyong tiwala sa Anak ng Diyos at pahinain ang determinasyon ninyong tuparin ang inyong mga pangako sa Kanya. Ang mga pagsubok na ito ay kadalasang nakabalatkayo, kaya mahirap itong matukoy. Nagsisimula ito sa ating mga kahinaan, pagkamaramdamin, pagkasensitibo, o sa mga bagay na pinakamahalaga sa atin. Ang tunay ngunit kakayaning pagsubok sa isang tao ay maaaring isang matinding pagsubok sa iba.
Paano kayo mananatiling “matatag at di natitinag”6 sa oras ng pagsubok sa inyong pananampalataya? Magtuon kayo sa mismong mga bagay na nagpalakas sa inyong pananampalataya: manampalataya kay Cristo, manalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatan, magsisi, sundin ang mga utos, at maglingkod sa kapwa.
Kapag naharap sa pagsubok ng pananampalataya—anuman ang gawin ninyo, huwag kayong lumayo sa Simbahan! Ang paglayo ninyo sa kaharian ng Diyos sa oras ng pagsubok sa pananampalataya ay parang pag-alis sa ligtas na kanlungan nang matanaw ninyo ang buhawi.
Sabi ni Apostol Pablo, “Hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios.”7 Sa loob ng ligtas na kanlungan ng Simbahan natin napoprotektahan ang ating pananampalataya. Sa pakikipagpulong sa ibang naniniwala, nagdarasal tayo at nakahahanap ng kasagutan sa ating mga dalangin; tayo ay sumasamba sa pamamagitan ng musika, nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas, naglilingkod sa isa’t isa, at nadarama natin ang Espiritu ng Panginoon. Nakikibahagi tayo ng sakramento, tumatanggap ng mga pagpapala ng priesthood, at dumadalo sa templo. Sinabi ng Panginoon, “Sa mga ordenansa … , ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”8 Kapag naharap kayo sa isang pagsubok sa pananampalataya—manatiling ligtas sa loob ng sambahayan ng Diyos. Laging may lugar dito para sa inyo. Walang pagsubok na napakalaki na hindi natin makakayang daigin nang sama-sama.9
Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “[Mabilis ding nagbabago] ang mga pamantayan ng lipunan tungkol sa moralidad. Ang mga ugali na dati ay hindi angkop at mahalay … ngayon [ay] itinuturing pang katanggap-tanggap ng marami.”10
Maraming single adult sa Simbahan na may edad nang talaga. Samantalang nakikita nilang kaiba ang buhay nila ngayon kaysa inasam nila noon, sinusunod nila ang batas ng kalinisang-puri.11 Maaaring isang pagsubok ito sa kanilang pananampalataya. Ipinaaabot ko ang matinding paggalang at paghanga sa mga disipulong ito ni Cristo.
“Ipinag-utos ng Diyos na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.”12 Sa Bagong Tipan itinaas ng Tagapagligtas ang pamantayan ng kagandahang-asal para sa Kanyang mga disipulo nang sabihin Niyang, “Ang bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso.”13 Tinuruan Niya tayo na huwag isumpa ang iba, ngunit hindi Siya takot magsalita nang tuwiran: “Humayo ka,” wika niya, “[at] huwag ka nang magkasala.”14
May kaibigan ang aming pamilya. Malamang ay may kakilala kayong katulad niya, o baka katulad niya kayo. Laging tapat, marangal na naglilingkod sa Simbahan, hinahangaan sa kanyang propesyon, minamahal ng kanyang pamilya, at kahit inasam niyang makapag-asawa at magkaanak, dalaga pa rin siya. “Nagdesisyon na ako,” wika niya, “na magtitiwala ako … kay Jesucristo. Ang madalas na pagpunta sa templo ay tumutulong sa akin na higit na magtuon sa kawalang-hanggan. Ipinaaalala nito sa akin na hindi ako nag-iisa kailanman. Nananalig ako … na walang … pagpapalang ipagkakait … habang ako’y … nananatiling tapat sa aking mga tipan, pati na sa batas ng kalinisang-puri.”15
Isa pang kaibigan ang napakahusay na naglingkod sa misyon, na sinundan ng puspusang pag-aaral. Umasa siyang magkakaroon ng pamilya. Ang pagsubok sa kanyang pananampalataya: naaakit siya sa kapwa niya lalaki. Sumulat siya sa akin kamakailan: “Ang pangako sa patriarchal blessing ko ay magkakaroon ako ng sariling pamilya. Mangyari man iyan sa buhay na ito o sa kabilang-buhay, hindi ko alam. Ngunit ang alam ko ay ayaw kong gumawa ng anumang bagay na pipigil sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa akin at sa aking magiging mga inapo. … Ang pagsunod [sa batas ng kalinisang-puri] ay isang hamon, ngunit hindi ba’t kaya nga tayo naparito sa mundo ay para humarap sa mga hamon at ipakita sa Diyos ang ating pagmamahal at paggalang … sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan? Biniyayaan ako ng mabuting kalugusan, ng ebanghelyo, ng mapagmahal na pamilya, at ng matatapat na kaibigan. Nagpapasalamat ako sa marami kong pagpapala.”16
Giit ng daigdig, bakit ang dami ninyong hinihiling? Sumagot ang Panginoon:
“Ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad. …
“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip.”17
Nadama ng dalawang disipulong ito ni Cristo at libu-libong tulad nila ang pangako ng Tagapagligtas: “Ang aking kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”18
Narito ang isa pang pagsubok. Noon pa man ay may mangilan-ngilan nang gustong siraan ang Simbahan at wasakin ang pananampalataya. Gamit nila ngayon ang Internet.
Ang ilang impormasyon tungkol sa Simbahan, nakakakumbinsi man ito, ay hindi totoo. Noong 1985, naaalala ko ang isang kasamahan na pumasok sa opisina ko sa Florida. Hawak niya ang isang artikulo sa Time magazine na pinamagatang “Challenging Mormonism’s Roots.” Tungkol ito sa isang liham na natuklasan kamakailan, na sinasabing isinulat ni Martin Harris, na salungat sa salaysay tungkol sa pagkatagpo ni Joseph Smith sa mga lamina ng Aklat ni Mormon.19
Nagtanong ang kasamahan ko kung makasisira sa Simbahang Mormon ang bagong impormasyong ito. Binanggit sa artikulo ang sinabi ng isang lalaki na aalis siya sa Simbahan dahil sa dokumentong ito. Kalaunan, may iba pa raw na umalis ng Simbahan.20 Tiyak ko na isang pagsubok ito sa kanilang pananampalataya.
Makalipas ang ilang buwan, natuklasan ng mga eksperto (at umamin ang naghuwad nito) na ang liham ay huwad. Naaalala ko na umasa ako na sana ay makabalik ang mga umalis sa Simbahan dahil sa panlilinlang na ito.
Pinagdududahan ng ilan ang kanilang pananampalataya kapag nakakakita sila ng pahayag ng isang pinuno ng Simbahan noong araw na tila hindi tugma sa ating doktrina. May mahalagang alituntuning sumasaklaw sa doktrina ng Simbahan. Ang doktrina ay itinuturo ng lahat ng 15 miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Hindi ito nakatago sa malabong talata ng isang mensahe. Ang tunay na mga alituntunin ay itinuturo nang madalas at ng maraming tao. Ang ating doktrina ay hindi mahirap hanapin.
Ang mga pinuno ng Simbahan ay matatapat ngunit hindi sila perpekto. Alalahanin ang mga salita ni Moroni: “Huwag ninyo akong hatulan dahil sa aking kahinaan, ni ang aking ama … ; kundi magbigay-pasalamat sa Diyos na kanyang ipinaalam sa inyo ang aming mga kahinaan nang inyong matutuhan na maging higit na matatalino kaysa sa amin noon.”21
Sinabi ni Joseph Smith, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa [mga] paghahayag.”22 Ang himala ng kamay ng Diyos sa kasaysayan at tadhana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay lubusan lamang mauunawaan sa liwanag na hatid ng espirituwal na pagtatanong. Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Kalaunan bawat [tao] ay aasa sa pananampalataya, at doon … ay kailangan niyang manindigan.”23 Huwag kayong magulat kung mangyari ito sa inyo!
Ibig sabihin, ang mga pagsubok ay magiging mahirap. Maaari kayong makaranas ng dalamhati, pagkalito, mga gabing hindi kayo makatulog, at mga unan na basa sa luha. Ngunit ang mga pagsubok sa atin ay hindi kailangang maging sanhi ng espirituwal na kapahamakan. Hindi ito dapat maging sanhi ng paglayo sa ating mga tipan at sa sambahayan ng Diyos.
“Tandaan, … sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”24
Gaya ng napakainit na apoy na nilulusaw ang metal para maging bakal, kapag nanatili tayong tapat sa matinding pagsubok sa ating pananampalataya, lalong dumadalisay at lumalakas ang ating espiritu.
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ang natutuhan niya sa isang personal na pagsubok: “Bagama’t nahirapan ako noon, kapag nililingon ko iyon ngayon, nagpapasalamat ako na walang agarang solusyon sa problema ko. Ang katotohanan na halos araw-araw akong napilitang humingi ng tulong sa Diyos nang napakatagal na panahon ay talagang nagturo sa akin kung paano manalangin at masagot ang mga dalangin at naturuan ako sa napakapraktikal na paraan na manampalataya sa Diyos. Nakilala ko ang aking Tagapagligtas at aking Ama sa Langit sa paraan at sa antas na hindi sana nangyari sa ibang paraan o na natagalan sana akong makamit. … Natuto akong magtiwala nang buong puso sa Panginoon. Natuto akong lumakad kasama Siya araw-araw.”25
Inilarawan ni Pedro ang mga karanasang ito bilang “lalong mahalaga kay sa ginto.”26 Idinagdag pa ni Moroni na ang patunay ay kasunod ng “pagsubok sa inyong pananampalataya.”27
Nagsimula ako sa kuwento ng pamilya Marriott. Noong isang linggo sumama kami ni Kathy sa kanila sa puntod ni Georgia. Sampung taon na ang nakalipas. Binanggit ng pamilya at mga kaibigan ang pagmamahal at alaala nila tungkol kay Georgia. May mga puting lobo para ipagdiwang ang kanyang buhay. Sa gitna ng mga luha, magiliw na binanggit ng ina ni Georgia ang dagdag na pananalig at pag-unawang natanggap niya, at mahina ring sinabi sa akin ng ama ni Georgia ang ipinangakong patunay na dumating sa kanya.
Kasama sa pananampalataya ang mga pagsubok sa pananampalataya, na nagdudulot ng dagdag na pananampalataya. Ang nakapapanatag na pagtiyak ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang mismong pangako Niya sa pagsubok sa inyong pananampalataya: “Maging matatag … , huwag [matakot] … , sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.”28 Ito ang aking sagradong patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.